Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Disyembre 30–Enero 5. Mga Pambungad na Pahina ng Aklat ni Mormon: “Isa Pang Tipan ni Jesucristo”


“Disyembre 30–Enero 5. Mga Pambungad na Pahina ng Aklat ni Mormon: ‘Isa Pang Tipan ni Jesucristo,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Aklat ni Mormon 2020 (2020)

“Disyembre 30–Enero 5. Mga Pambungad na Pahina ng Aklat ni Mormon,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2020

ang mga laminang ginto

Disyembre 30–Enero 5

Mga Pambungad na Pahina ng Aklat ni Mormon

“Isa Pang Tipan ni Jesucristo”

Simulan ang iyong paghahanda sa pagtuturo sa pamamagitan ng pagbabasa ng pahina ng pamagat at pambungad ng Aklat ni Mormon; mga patotoo ng Tatlong Saksi, ng Walong Saksi, at ni Propetang Joseph Smith; at ng “Maikling Paliwanag tungkol sa Aklat ni Mormon.” Pagnilayan kung paano mo mahihikayat ang mga bata na matuto mula sa Aklat ni Mormon.

Itala ang Iyong mga Impresyon

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Anyayahan ang mga bata na magbahagi ng mga kuwentong alam nila na mula sa Aklat ni Mormon, gamit ang mga larawan 67–86 sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo o iba pang mga larawan na mayroon ka.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata

Pahina ng Pamagat ng Aklat ni Mormon

Ang Aklat ni Mormon ay makatutulong sa akin na magkaroon ng pananampalataya kay Jesucristo.

Tulungan ang mga bata na maunawaan na ang layunin ng Aklat ni Mormon ay upang magpatotoo tungkol kay Jesucristo.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Itaas ang isang kopya ng Aklat ni Mormon, at ituro ang pangalawang pamagat na Isa Pang Tipan ni Jesucristo. Bigyan ng pagkakataon ang mga bata na magsalitan sa pagsasabi ng “Isa pang tipan ni Jesucristo.” Sandaling ikuwento sa mga bata kung paano napalakas ng Aklat ni Mormon ang iyong pananampalataya kay Jesucristo.

  • Isalaysay ang isang kuwento mula sa Aklat ni Mormon na nagtuturo tungkol kay Jesucristo, gaya ng ulat ni Samuel ang Lamanita na nagpropesiya tungkol kay Cristo (tingnan sa Helaman 14–16), pagbabasbas ng Tagapagligtas sa mga bata (tingnan sa 3 Nephi 17), o nang makita ng Kapatid ni Jared si Jesucristo (tingnan sa Eter 2–3). Maaaring makatulong ang mga kabanata mula sa Mga Kuwento sa Aklat ni Mormon (at ang mga kaukulang video sa ChurchofJesusChrist.org). Ituro sa mga bata kung ano ang natututuhan natin tungkol kay Jesus mula sa mga kuwentong ito. Sabihin sa kanila na matututuhan nila ang maraming bagay tungkol kay Jesucristo mula sa Aklat ni Mormon sa taong ito.

  • Kumanta ng isang awiting tungkol sa Aklat ni Mormon, tulad ng “Mga Kuwento sa Aklat ni Mormon” (Aklat ng mga Awit Pambata, 62). Sama-samang kantahin ang awitin nang ilang beses, at sabihin sa mga bata na maghalinhinan sa paghawak ng isang larawan ng Tagapagligtas habang kayo ay kumakanta.

Pambungad sa Aklat ni Mormon

Ang Aklat ni Mormon ang saligang bato ng ating relihiyon.

Ipinaliwanag ni Pangulong Thomas S. Monson: “Kung [ang Aklat ni Mormon] ay totoo—at taos-puso kong pinatototohanan na totoo ito—ibig sabihin si Joseph Smith ay isang propeta … , Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay ang Simbahan ng Panginoon dito sa lupa, at ang banal na priesthood ng Diyos ay naipanumbalik” (“Ang Kapangyarihan ng Aklat ni Mormon,” Ensign o Liahona, Mayo 2017, 86–87).

Mga Posibleng Aktibidad

  • Basahin sa mga bata ang sumusunod na pahayag ni Joseph Smith sa pambungad sa Aklat ni Mormon: “Ang Aklat ni Mormon … ang saligang bato ng ating relihiyon.” Ipaliwanag na tulad ng isang saligang bato na mahigpit na kinakapitan ng lahat ng bahagi ng isang buong arko, ang ating patotoo sa Aklat ni Mormon ang kinakapitan at nagpapalakas ng ating patotoo sa iba pang mga bagay, gaya ng kay Joseph Smith at sa ebanghelyo.

  • Anyayahan ang isang magulang ng isa sa mga bata na ibahagi kung paano siya nagkaroon ng patotoo tungkol sa Aklat ni Mormon. Basahin sa mga bata ang paanyaya sa katapusan ng pambungad sa Aklat ni Mormon, at tulungan silang isadula ang mga bagay na magagawa nila upang magkaroon sila ng sariling patotoo.

Ang Patotoo ni Propetang Joseph Smith

Ang Aklat ni Mormon ay ibinigay sa atin sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos.

Ang patotoo ni Joseph Smith ay makakatulong sa mga bata na maunawaan ang banal na layunin ng Aklat ni Mormon.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Bahagyang ikuwento sa mga bata ang paglabas ng Aklat ni Mormon ayon sa nakasaad sa “Ang Patotoo ni Propetang Joseph Smith.” Maaari mo ring gamitin ang “Kabanata 1: Paano Natin Nakuha ang Aklat ni Mormon” (Mga Kuwento sa Aklat ni Mormon, 2–4, o ang katumbas na video sa ChurchofJesusChrist.org). Tulungan ang mga bata na isadula ang kuwento nang ilang beses habang muli mong isinasalaysay ito.

  • Ipakita sa mga bata ang larawan ng mga simbolo mula sa mga laminang ginto. Ipaliwanag na tinulungan ng Diyos si Joseph na maisalin ang mga simbolo sa mga salita na maaari nating mabasa at maunawaan.

    dalawang laminang ginto na nagpapakita ng mga nakasulat na simbolo

    Isinalin ni Joseph Smith ang mga simbolong nakasulat sa mga laminang ginto.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata

Pahina ng Pamagat ng Aklat ni Mormon

Ang Aklat ni Mormon ay makatutulong sa akin na magkaroon ng pananampalataya kay Jesucristo.

Tandaan na ang iyong layunin sa pagtuturo sa mga bata ng tungkol sa Aklat ni Mormon ay upang mapalakas ang kanilang pananampalataya sa Tagapagligtas.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Pagpartner-partnerin ang mga estudyante. Sabihin sa magkakapartner na basahin ang ikalawang talata sa pahina ng pamagat ng Aklat ni Mormon, na hinahanap ang isang bagay na nagsasabi sa kanila kung ano ang layunin ng Aklat ni Mormon. Pagkatapos ay anyayahan ang bawat magkakapartner na magbahagi sa klase.

  • Tulungan ang mga bata na hanapin sa pahina ng pamagat ang mga katagang “sa ikahihikayat ng mga Judio at Gentil na si Jesus ang Cristo.” Paano tayo mapaniniwala ng Aklat ni Mormon na si Jesus ang Cristo? Anyayahan sila na magbahagi ng isang kuwento mula sa Aklat ni Mormon na nakapagpalakas sa kanilang pananampalataya kay Cristo, o ikaw mismo ang magbahagi nito.

Pambungad sa Aklat ni Mormon

Ang Aklat ni Mormon ang saligang bato ng ating relihiyon.

Ang pagkakaroon ng patotoo tungkol sa Aklat ni Mormon ay tutulong sa mga bata na malaman na Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang totoong Simbahan ng Diyos.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Hilingin sa mga bata na magkunwaring hindi mo pa kailanman narinig ang tungkol sa Aklat ni Mormon. Anyayahan sila na mag-isip na kasama ng isang partner ng mga paraan para maipaliwanag nila sa iyo kung ano ito at kung saan ito nanggaling, gamit ang mga detalye mula sa pambungad. Pagkatapos ay sabihin sa bawat pares na maghalinhinan sa pagtuturo sa iyo.

  • Anyayahan ang isang bata na basahin ang pahayag ni Joseph Smith sa ikaanim na talata sa pambungad. Gamit ang pahina ng aktibidad para sa linggong ito, ipaliwanag kung paano napapatayo ng saligang bato ang isang arko. Ayon sa huling talata ng pambungad, ano ang ilang bagay na malalaman natin na totoo kapag nagkaroon tayo ng patotoo na ang Aklat ni Mormon ay totoo?

Ang Patotoo ng Tatlong Saksi”; “Ang Patotoo ng Walong Saksi

Maaari akong maging saksi ng Aklat ni Mormon.

Paano mo matutulungan ang mga bata na magkamit at magbahagi ng kanilang sariling patotoo tungkol sa Aklat ni Mormon?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Anyayahan ang mga bata na ilarawan ang isang bagay na nakita na nila na hindi pa nakikita ng kahit sinuman sa klase. Ipaliwanag na ang Aklat ni Mormon ay naglalaman ng mga patotoo ng 11 tao bukod kay Joseph Smith na nakakita sa mga laminang ginto na isinalin upang maging ang Aklat ni Mormon. Sama-samang basahin ang mga patotoo. Bakit gusto ng mga saksing ito na malaman ng ibang tao ang tungkol sa kanilang mga patotoo?

  • Itanong kung mayroong bata na gustong magbahagi kung paano niya nalaman na ang Aklat ni Mormon ay totoo. Basahin ang Moroni 10:3–5, at anyayahan ang bawat bata na basahin ang Aklat ni Mormon sa taong ito at magkaroon o palakasin ang kanyang patotoo na ito ay totoo. Sabihin sa mga bata kung paano mo natamo ang iyong patotoo sa Aklat ni Mormon.

icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Kung maaari, tiyakin na ang bawat bata ay may kopya ng Aklat ni Mormon, at anyayahan sila na basahin ito nang mag-isa at kasama ang kanilang pamilya.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Hangarin na makatanggap ng sariling inspirasyon. Sa halip na ituring ang mga outline na ito na mga tagubilin na kailangan mong sundin sa pagtuturo, pagkunan ito ng mga ideya na maghihikayat sa sarili mong inspirasyon habang pinagninilayan mo ang mga pangangailangan ng mga batang tinuturuan mo.