“Enero 13–19. 1 Nephi 8–10: ‘Lumapit at Kumain ng Bunga,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Aklat ni Mormon 2020 (2020)
“Enero 13–19. 1 Nephi 8–10,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2020
Enero 13–19
1 Nephi 8–10
“Lumapit at Kumain ng Bunga”
Bukod sa pagkakita sa iyong sarili sa pangitain ni Lehi, subukang makita ang mga batang iyong tinuturuan. Paano naaangkop sa kanila ang pangitain?
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Kontakin ang ilang bata nang maaga at hilingin sa kanila na mag-isip ng mga karanasan o mga talata sa banal na kasulatan na maibabahagi nila na nakatulong sa kanila na madama ang pagmamahal ng Diyos.
Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata
Ang salita ng Diyos ay naglalapit sa akin sa Diyos at tinutulungan akong madama ang Kanyang pagmamahal.
Sa pangitain ni Lehi, tayo ay inaanyayahang makibahagi sa pagmamahal ng Diyos na isinisimbolo ng puno at ng bunga nito. Paano mo matutulungan ang mga bata na tanggapin ang paanyayang ito?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Anyayahan ang mga bata na tulungan kang ikuwento ang pangitain ni Lehi mula sa 1 Nephi 8:10–34. Upang tulungan silang mailarawan sa isipan ang kuwento, maaari mong ipakita ang isang larawan ng pangitain ni Lehi (tingnan ang outline sa linggong ito ng Pumarito Ka, Sumunod sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya) o ang mga larawan sa “Kabanata 6: Ang Panaginip ni Lehi” (Mga Kuwento sa Aklat ni Mormon, 18–20, o ang kaugnay na video sa ChurchofJesusChrist.org). Tiyakin na alam ng mga bata na ang gabay na bakal ay kumakatawan sa salita ng Diyos, na nababasa natin sa mga banal na kasulatan at naririnig mula sa mga buhay na propeta. Ipaunawa sa kanila na ang puno ay sagisag ng pagmamahal ng Diyos para sa atin.
-
Magdala ng lubid na kumakatawan sa gabay na bakal sa pangitain ni Lehi. Sabihin sa mga bata na kumapit sa gabay na ito habang inaakay mo sila sa paligid ng silid patungo sa isang larawan ng isang puno. Tulungan silang maunawaan na ang salita ng Diyos ay naglalapit sa atin sa Kanya, tulad ng paglalapit sa atin sa puno ng lubid na kumakatawan sa gabay na bakal. Upang ipakita na ang puno ay sagisag ng pagmamahal ng Diyos, maaari kang magdispley ng mga larawan ng mga bagay na ibinigay ng Diyos na nagpapakita ng Kanyang pagmamahal sa atin, tulad ng Tagapagligtas, ating pamilya, at magandang daigdig.
-
Magdala ng ilang prutas na may nakadikit na puso rito. Bigyan ang mga bata ng isang hiwa ng prutas na titikman at tanungin sila tungkol sa kanilang mga paboritong prutas. Ipaliwanag na ang bunga sa pangitain ni Lehi ay ang pinakamatamis sa lahat ng prutas na kanyang natikman, at pinuspos nito ang kanyang kaluluwa ng kagalakan. Kung napapasaya tayo ng matamis na prutas, magiging masaya rin tayo kapag tayo ay sumunod kay Jesus at muling nakapiling ang Ama sa Langit.
-
Basahin ang 1 Nephi 8:12, at anyayahan ang mga bata na pakinggang mabuti kung ano ang gustong gawin ni Lehi matapos niyang matikman ang bunga. Bigyan ng pagkakataon ang bawat bata na magkunwaring sila si Lehi na nag-aanyaya sa iba na lumapit at makibahagi sa bunga. Ano ang magagawa natin para maanyayahan ang iba na lumapit at matamasa ang mga pagpapala ng ebanghelyo sa atin?
3:23
Ihahayag ng Diyos ang katotohanan sa akin sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.
Pagkatapos marinig ang tungkol sa pangitain ng kanyang ama, si Nephi ay nagkaroon ng hangarin na dapat taglayin nating lahat—ang hangaring malaman ang katotohanan mismo sa kanyang sarili.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Basahin ang 1 Nephi 10:19, at anyayahan ang mga bata na itaas ang kanilang mga kamay kapag narinig nila ang mga salitang “ilalahad” at “Espiritu Santo.” Ipaunawa sa mga bata ang talatang ito, na nagtuturo na ang Espiritu Santo ay tutulong sa atin na malaman ang mga sagot sa ating mga tanong. Upang tulungan ang mga bata na mailarawan sa isip ang kahulugan ng ang katotohanan ay “ilalahad,” magdala ng isang nakatiklop na kumot na may larawan ng Tagapagligtas sa loob, at hilingin sa mga bata na alisin ang pagkakatiklop para mailahad ang larawan.
-
Samahan ang mga bata sa pag-awit ng isang kanta na tungkol sa paghahanap ng katotohanan, tulad ng “Babasahin, Uunawain, at Mananalangin” (Aklat ng mga Awit Pambata, 66). Ipakita ang mga larawan na naglalahad ng mga salita sa awitin upang tulungan ang mga bata na maalala kung paano tayo tinuturuan ng Espiritu Santo.
-
Isiping magbahagi ng isang karanasan kung kailan ay tinulungan ka ng Espiritu Santo na malaman na ang isang bagay ay totoo. Sabihin sa mga bata kung paano nangusap sa iyo ang Espiritu Santo.
Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata
Ang salita ng Diyos ay naglalapit sa akin sa Diyos at tinutulungan akong madama ang Kanyang pagmamahal.
Sa pag-aaral ng mga bata sa iyong klase ng tungkol sa pangitain ni Lehi, hikayatin sila na pag-aralan ang salita ng Diyos at ibahagi sa iba ang pagmamahal ng Diyos.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Habang binabasa ng mga bata ang mga piling talata mula sa 1 Nephi 8, anyayahan silang hanapin ang mga detalye mula sa mga talatang ito sa isang larawan ng pangitain ni Lehi (tulad ng nasa outline para sa linggong ito ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya). O anyayahan silang magdrowing ng mga larawan sa pisara ng mga detalyeng nabasa nila. Pagkatapos ay tulungan ang mga bata na tuklasin kung ano ang kinakatawan ng mga simbolo sa panaginip (tingnan sa 1 Nephi 11:21–22; 12:16–18; 15:23–33, 36).
-
Kung maaari, magdala ng kapirasong bakal o iba pang metal sa klase at anyayahan ang mga bata na ilarawan ang ilan sa mga katangian nito at ang mga bagay na mapaggagamitan nito. Paano nahahalintulad ang salita ng Diyos sa isang gabay na bakal? Saan natin makikita ang salita ng Diyos? Bakit napakahalaga ng gabay na bakal sa pangitain ni Lehi?
-
Anyayahan ang mga bata na isulat sa isang piraso ng papel ang isang karanasan nang ang salita ng Diyos ay nakatulong sa kanilang malaman kung ano ang kailangan nilang gawin o tinulungan silang mapalapit sa Ama sa Langit. Habang ibinabahagi nila ang kanilang isinulat, iparolyo sa kanila ang kanilang papel sa hugis ng isang hawakan o gabay. Maaari mo ring iteyp ang “gabay” ng mga bata na sagisag ng gabay na bakal sa panaginip ni Lehi.
-
Anyayahan ang ilan sa mga bata na basahin ang 1 Nephi 8:10–12 at ilarawan kung ano ang nakita ni Lehi. Hilingin sa iba na basahin ang 1 Nephi 11:20–23 at ilarawan kung ano ang nakita ni Nephi. Bakit ipinakita ng anghel kay Nephi ang sanggol na si Jesus para ituro sa kanya ang tungkol sa pag-ibig ng Diyos? Upang makatulong na sagutin ang tanong na ito, sabay-sabay na basahin ang Juan 3:16 o sama-samang kantahin ang isang awitin tungkol sa Tagapagligtas, tulad ng “Isinugo, Kanyang Anak” (Aklat ng mga Awit Pambata, 20–21). Sabihin sa mga bata kung paano mo nadama ang pagmamahal ng Ama sa Langit at ng Kanyang Anak na si Jesucristo sa iyong buhay.
-
Isulat sa pisara: Ano ang natututuhan natin mula sa halimbawa ni Lehi? Anyayahan ang mga bata na isipin ang tungkol sa pangitain ni Lehi at isulat ang lahat ng sagot na maiisip nila. Hilingin sa kanila na ibahagi sa klase ang kanilang mga sagot. Pagkatapos ay hilingin sa mga bata na mag-isip ng isang tao na maaari nilang bahaginan ng kagalakan ng ebanghelyo.
Ihahayag ng Diyos ang katotohanan sa akin sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.
Kung magtatanong tayo sa Ama sa Langit nang may pananampalataya, ang katotohanan ay “ilalahad [sa atin] sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo” (1 Nephi 10:19). Paano mo matutulungan ang mga batang tinuturuan mo na maunawaan ang katotohanang ito?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Anyayahan ang mga bata na magsalita tungkol sa mga paraan na nakahahanap sila ng mga sagot sa isang tanong. Hikayatin ang mga bata na basahin ang 1 Nephi 10:17–19 at 11:1. Ano kaya ang masasabi ni Nephi kung tatanungin siya kung paano hanapin ang mga sagot sa mga tanong tungkol sa ebanghelyo? Paano tayo tinuturuan ng Diyos sa pamamagitan ng Espiritu Santo? (tingnan sa D at T 8:2).
-
Hilingin sa mga bata na magbahagi ng tungkol sa isang pagkakataon na tinulungan sila ng Espiritu Santo na malaman na ang isang bagay ay totoo. Hilingin sa kanila na isipin na kunwari ay mayroon silang kaibigan na nag-iisip na siya ay hindi makatatanggap ng mga sagot sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Ano ang maibabahagi nila mula sa 1 Nephi 10:17–19 at 11:1 upang matulungan ang kaibigang iyon?
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Hikayatin ang mga bata na gamitin ang pahina ng aktibidad para sa linggong ito para maibahagi sa kanilang pamilya ang natutuhan nila sa pangitain ni Lehi tungkol sa punungkahoy ng buhay.