“Mga Pangako ng Propeta,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Aklat ni Mormon 2020 (2020)
“Mga Pangako ng Propeta,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2020
Mga Pangako ng Propeta
Babaguhin ka ng pag-aaral ng Aklat ni Mormon. Babaguhin nito ang inyong pamilya. Gumawa na ng mga pangako ang mga propeta sa mga huling araw tungkol sa kapangyarihan ng Aklat ni Mormon mula nang ipanumbalik ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Pagnilayan ang sumusunod na mga pahayag, at rebyuhin ang mga ito nang regular. Alin sa mga pagpapalang ito ang gusto mong makamtan? Habang binabasa mo ang Aklat ni Mormon, isiping isulat at ibahagi sa iba kung paano natupad ang mga pangakong ito sa buhay mo.
Si Propetang Joseph Smith: “Sinabi ko sa mga kapatid na ang Aklat ni Mormon ang pinakatumpak sa anumang aklat sa mundo, at ang saligang bato ng ating relihiyon, at ang isang tao ay malalapit sa Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa mga tuntunin nito, nang higit kaysa sa pamamagitan ng alin mang aklat ” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 74).
Pangulong Ezra Taft Benson: “Hindi lamang itinuturo sa atin ng Aklat ni Mormon ang katotohanan, bagama’t ito nga ang ginagawa nito. Hindi lamang nagpapatotoo ang Aklat ni Mormon tungkol kay Cristo, bagama’t ito nga rin ang ginagawa nito. Mayroon pang iba. May kapangyarihan sa aklat na iyon na magsisimulang dumaloy sa inyong buhay sa sandaling simulan ninyong dibdibang pag-aralan ang aklat. Magkakaroon kayo ng karagdagang lakas para labanan ang tukso. Magkakaroon kayo ng kapangyarihang iwasan ang panlilinlang. Magkakaroon kayo ng lakas na manatili sa makipot at makitid na landas. Ang mga banal na kasulatan ay tinatawag na ‘mga salita ng buhay’ (D at T 84:85), at wala nang iba pang aklat na higit na totoo kaysa sa Aklat ni Mormon. Kapag nagsimula kayong magutom at mauhaw sa mga salitang iyon, makikita ninyo na lubos na sasagana ang buhay” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Ezra Taft Benson [2014], 164–165).
Pangulong Gordon B. Hinckley: “Mga kapatid, walang pag-aalinlangan kong ipinapangako sa inyo na kung mapanalangin ninyong babasahin ang Aklat ni Mormon, kahit ilang beses na ninyo ito nabasa, higit ninyong madarama ang Espiritu ng Panginoon. Lalo kayong magiging determinadong sundin ang kanyang mga utos, at lalong lalakas ang inyong patotoo na totoong buhay ang Anak ng Diyos” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Gordon B. Hinckley [2016], 260).
Pangulong Russell M. Nelson: “Mahal kong mga kapatid, ipinangangako ko na sa mapanalanging pag-aaral ng Aklat ni Mormon araw-araw, makagagawa kayo ng mas maiinam na desisyon—sa araw-araw. Ipinangangako ko na habang pinagninilayan ninyo ang inyong pinag-aaralan, ang mga durungawan ng langit ay mabubuksan, at tatanggap kayo ng mga sagot sa inyong sariling mga tanong at patnubay sa inyong buhay. Ipinangangako ko na sa araw-araw ninyong dibdibang pag-aaral ng Aklat ni Mormon, mapoprotektahan kayo laban sa mga kasamaan ngayon, pati na sa laganap na salot ng pornograpiya at ng iba pang nakamamanhid na mga adiksyon” (“Ang Aklat ni Mormon: Ano Kaya ang Buhay Ninyo Kung Wala Ito?” Ensign o Liahona, Nob. 2017, 62–63).