“Pagtuturo sa mga Batang Musmos,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Aklat ni Mormon 2020 (2020)
“Pagtuturo sa mga Batang Musmos,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2020
Pagtuturo sa mga Batang Musmos
Kung may mga batang musmos sa inyong pamilya, narito ang ilang aktibidad na makakatulong sa kanila na matuto:
-
Umawit. Ang Mga Himno at mga awitin mula sa Aklat ng mga Awit Pambata ay itinuturo ang doktrina sa mabisang paraan. Gamitin ang indeks ng mga paksa sa likod ng Aklat ng mga Awit Pambata para mahanap ang mga awiting nauugnay sa mga alituntunin ng ebanghelyo na itinuturo mo. Tulungan ang iyong mga anak na iugnay ang mga mensahe ng mga awitin sa buhay nila. Halimbawa, maaari kang magtanong tungkol sa mga salita o pariralang nasa mga titik ng awitin. Bukod sa pag-awit, maaaring umakto ang iyong mga anak na tugma sa mga awitin o makinig sa mga awitin bilang background music habang ginagawa nila ang iba pang mga aktibidad.
-
Pakinggan o isadula ang isang kuwento. Mahilig makinig ang mga batang musmos sa mga kuwento—mula sa mga banal na kasulatan, mula sa iyong buhay, mula sa kasaysayan ng Simbahan, o mula sa mga magasin ng Simbahan. Humanap ng mga paraan para maisali sila sa pagkukuwento. Maaari nilang hawakan ang mga larawan o bagay, idrowing ang naririnig nila, isadula ang kuwento, o maaari rin silang tumulong sa pagkukuwento. Tulungan ang iyong mga anak na matukoy ang mga katotohanan ng ebanghelyo sa mga ikinukuwento mo.
-
Magbasa ng isang talata sa banal na kasulatan. Maaaring hindi pa ganoon kagaling bumasa ang mga batang musmos, ngunit maaari mo silang isali sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Maaari mong kailanganing magtuon sa isang talata, mahalagang parirala, o salita. Baka nga maisaulo pa nila ang maiikling parirala mula sa mga banal na kasulatan kung uulitin nila ito nang ilang beses. Kapag narinig nila ang salita ng Diyos, madarama nila ang Espiritu.
-
Tingnan ang isang larawan o panoorin ang isang video. Kapag nagpakita ka sa iyong mga anak ng isang larawan o video na may kaugnayan sa isang alituntunin ng ebanghelyo o kuwento sa banal na kasulatan, tanungin sila ng mga bagay na tutulong sa kanila na matuto mula sa kanilang nakikita. Halimbawa, maaari mong itanong, “Ano ang nangyayari sa larawan o video na ito? Ano ang ipinadarama nito sa inyo?” Ang Gospel Library app, medialibrary.ChurchofJesusChrist.org, at children.ChurchofJesusChrist.org ay magagandang lugar para hanapan ng mga larawan at video.
-
Lumikha. Ang mga bata ay maaaring magbuo, magdrowing, o magkulay ng isang bagay na may kaugnayan sa kuwento o alituntuning natututuhan nila.
-
Sumali sa mga object lesson o pakay-aralin. Ang isang simpleng object lesson ay maaaring makatulong na magpaunawa sa iyong mga anak ng isang alituntunin ng ebanghelyo na mahirap unawain. Kapag gumagamit ng mga object lesson, humanap ng mga paraan para makasali ang iyong mga anak. Mas marami silang matututuhan sa pakikisalamuha kaysa sa panonood lamang ng isang pagtatanghal.
-
Magdula-dulaan: Kapag isinasadula ng mga bata ang isang sitwasyong malamang na mararanasan nila sa totoong buhay, mas mahusay nilang mauunawaan kung paano naaangkop ang mga alituntunin ng ebanghelyo sa kanilang buhay.
-
Ulitin ang mga aktibidad. Maaaring kailangang marinig nang maraming beses ng mga batang musmos ang mga konsepto para maunawaan nila ito. Huwag matakot na ulitin nang madalas ang mga kuwento o aktibidad. Halimbawa, maaari mong ikuwento nang ilang beses ang isang salaysay sa banal na kasulatan sa iba’t ibang paraan—magbasa mula sa mga banal na kasulatan, magbuod sa sarili mong mga salita, magpalabas ng video, hayaang tumulong ang iyong mga anak sa pagkukuwento, anyayahan silang isadula ang kuwento, at kung anu-ano pa.