Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Mga Ideya para Mapagbuti ang Iyong Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan


“Mga Ideya para Mapagbuti ang Iyong Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Aklat ni Mormon 2020 (2020)

“Mga Ideya para Mapagbuti ang Iyong Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2020

babaeng nag-aaral ng mga banal na kasulatan

Mga Ideya para Mapagbuti ang Iyong Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

Narito ang ilang simpleng paraan para mapagbuti ang iyong pag-aaral ng salita ng Diyos sa mga banal na kasulatan:

Maghanap ng mga Katotohanan tungkol kay Jesucristo

Itinuturo sa atin ng mga banal na kasulatan na lahat ng bagay ay nagpapatotoo kay Cristo (tingnan sa 2 Nephi 11:4; Moises 6:63), kaya hanapin Siya sa mga pangyayari, kuwento, at turo sa Aklat ni Mormon. Isiping isulat o markahan ang mga talatang nagtuturo tungkol sa Tagapagligtas at kung paano sumunod sa Kanya.

Hanapin ang Nakapagbibigay-Inspirasyong mga Salita at Parirala

Maaari kang mapahanga sa partikular na mga salita at parirala sa mga banal na kasulatan, na para bang isinulat ang mga ito para sa iyo. Maaari mong madama na angkop ito sa iyo mismo at maaaring magbigay-inspirasyon at makahikayat sa iyo. Isiping markahan ang mga ito sa iyong mga banal na kasulatan o isulat ang mga ito sa isang study journal.

Maghanap ng mga Katotohanan ng Ebanghelyo

Kung minsan ang mga katotohanan ng ebanghelyo (na madalas na tawaging doktrina o mga alituntunin) ay diretsahan ang pagkasabi, at kung minsan ay ipinahihiwatig ang mga ito sa pamamagitan ng isang halimbawa o kuwento. Itanong sa iyong sarili, “Anong mga walang-hanggang katotohanan ang itinuturo sa mga talatang ito?”

Pakinggan ang Espiritu

Pag-ukulan ng pansin ang iyong mga iniisip at nadarama, kahit walang kaugnayan ang mga ito sa binabasa mo. Maaaring ang mga impresyong iyon mismo ang mga bagay na nais ng iyong Ama sa Langit na matutuhan mo.

Ihalintulad ang mga Banal na Kasulatan sa Iyong Buhay

Isipin kung paano naaangkop sa buhay mo ang mga kuwento at turong binabasa mo. Halimbawa, maaari mong itanong sa iyong sarili, “Ano ang mga naranasan ko na kahalintulad ng binabasa ko?” o “Paano ko masusunod ang halimbawa ng taong ito sa mga banal na kasulatan?”

Magtanong Habang Nag-aaral Ka

Habang nag-aaral ka ng mga banal na kasulatan, may mga tanong na maaaring pumasok sa isipan mo. Ang mga tanong na ito ay maaaring nauugnay sa binabasa mo o sa buhay mo sa pangkalahatan. Pagnilayan ang mga tanong na ito at hanapin ang mga sagot habang patuloy kang nag-aaral ng mga banal na kasulatan.

Gamitin ang mga Tulong sa Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

Para magkaroon ng mga karagdagang kabatiran sa mga talatang binabasa mo, gamitin ang Gabay sa mga Banal na Kasulatan (scriptures.ChurchofJesusChrist.org), at iba pang mga tulong sa pag-aaral.

Isipin ang Konteksto ng mga Talata sa Banal na Kasulatan

Maaari kang makakita ng mga makabuluhang kabatiran tungkol sa isang talata sa banal na kasulatan kung iisipin mo ang konteksto nito—ang mga kalagayan o tagpo sa talata. Halimbawa, ang pagkaalam sa kasaysayan at mga paniniwala ng mga tao na kinausap ng propeta ay maipapaunawa sa iyo ang layunin ng kanyang mga salita.

Itala ang mga Iniisip at Nadarama Mo

Maraming paraan para maitala ang mga impresyong dumarating habang nag-aaral ka. Halimbawa, maaari mong markahan ang isang makabuluhang salita o parirala at itala ang mga iniisip mo sa iyong banal na kasulatan. Maaari mo ring isulat sa isang journal ang mga ideya, damdamin, at impresyong natatanggap mo.

Pag-aralan ang mga Salita ng mga Propeta at Apostol sa mga Huling Araw

Basahin ang itinuro ng mga propeta at apostol sa mga huling araw tungkol sa mga alituntuning nakikita mo sa mga banal na kasulatan (halimbawa, tingnan sa conference.ChurchofJesusChrist.org at mga magasin ng Simbahan).

Magbahagi ng mga Ideya

Ang pagtalakay sa mga ideya mula sa iyong personal na pag-aaral ay hindi lang isang mabuting paraan para turuan ang iba, kundi tumutulong din itong patatagin ang pagkaunawa mo sa iyong nabasa.

Ipamuhay ang Natututuhan Mo

Ang pag-aaral ng banal na kasulatan ay hindi lamang dapat magbigay-inspirasyon sa atin kundi dapat din tayong akayin nito na baguhin ang paraan ng ating pamumuhay. Pakinggan ang ipinahihiwatig ng Espiritu na gawin mo habang nagbabasa ka, at pagkatapos ay mangakong kumilos ayon sa mga pahiwatig na iyon.

lalaking nag-aaral ng mga banal na kasulatan

Sabi ni Pangulong Russell M. Nelson: “Kung tayo ay ‘magpapatuloy, nagpapakabusog sa salita ni Cristo, at magtitiis hanggang wakas, … [tayo] ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan’ [2 Nephi 31:20].

“Ang magpakabusog ay hindi lamang tumikim. Ang ibig sabihin ng magpakabusog ay namnamin. Namnamin natin ang mga banal na kasulatan sa pamamagitan ng pag-aaral sa mga ito na nalulugod sa pagtuklas at matapat na pagsunod. Kapag nagpakabusog tayo sa mga salita ni Cristo, nakaukit ang mga ito sa mga ‘tapyas ng pusong laman’ [II Mga Taga Corinto 3:3]. Nagiging mahalagang bahagi ang mga ito ng ating pagkatao” (“Living by Scriptural Guidance,” Ensign, Nob. 2000, 17).