2017
Ang Plano ng Kaligtasan
January 2017


Pangako ng Propeta

Ang Plano ng Kaligtasan

“Napakahalaga sa plano [ng kaligtasan] ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo. Kung wala ang Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo, lahat ay maliligaw. Hindi sapat, gayunman, na maniwala lamang sa Kanya at sa Kanyang misyon. Kailangan nating gumawa at matuto, magsaliksik at manalangin, magsisi at magpakabuti. Kailangan nating malaman ang mga batas ng Diyos at ipamuhay ang mga ito. Kailangan nating matanggap ang Kanyang nakapagliligtas na mga ordenansa. Sa paggawa lamang nito natin matatamo ang tunay at walang hanggang kaligayahan.

“Mapalad tayo na nasa atin ang katotohanan. Inutusan tayong ibahagi ang katotohanan. Ating ipamuhay ang katotohanan, upang maging marapat tayo sa lahat ng ibibigay ng Ama sa atin. Wala siyang gagawin na hindi para sa ating kapakanan. Sinabi Niya sa atin, ‘Masdan, ito ang aking gawain at aking kaluwalhatian—ang isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao’ [Moises 1:39].

“Mula sa kaibuturan ng aking kaluluwa, at buong pagpapakumbaba kong pinatototohanan ang dakilang kaloob na plano ng ating Ama para sa atin. Ito ay perpektong landas tungo sa kapayapaan at kaligayahan dito at sa mundong darating.”