2017
Limang Bagay na Itatanong Kapag Tila Hindi Nasasagot ang mga Dalangin
January 2017


Limang Bagay na Itatanong Kapag Tila Hindi Nasasagot ang mga Dalangin

Ang awtor ay naninirahan sa New York, USA.

Questions about prayer

Nakapagdasal ka na ba at naghintay ng sagot na tila hindi na dumating? Hindi ka nag-iisa—ngunit makatitiyak ka na talagang dinirinig ng Ama sa Langit ang iyong mga dalangin. Mahalagang tandaan na ang mga sagot ay maaaring hindi dumating sa oras o sa paraan na nais mo at na alam palagi ng ating Ama sa Langit kung ano ang pinakamainam.

Narito ang ilang tanong na maaari mong itanong sa iyong sarili kapag nahihirapan kang tumanggap ng mga sagot sa isang panalangin:

1 Handa ba akong kumilos ayon sa sagot?

Ang ibig sabihin ng pagdarasal nang may pananampalataya ay maging handang kumilos ayon sa sagot na natanggap mo—ito man ang sagot na inaasahan mo o hindi. Minsa’y tinanggap ni Propetang Joseph Smith ang tagubiling ito: “Ihanda ang iyong puso upang tanggapin at sundin ang mga tagubiling aking ibibigay sa iyo; sapagkat ang lahat ng yaong mayroon ng batas na ito na ipinahayag sa kanila ay kailangang sundin ang gayon din” (D at T 132:3). Kung ipagdarasal mo kung dapat kang dumalo sa party na iyon o hindi, susundin mo ba kahit ano ang mangyari (kahit ang sagot ay hindi)?

2 Ginawa ko na ba ang lahat sa abot ng aking makakaya?

Sabihin nating hindi ka nag-aral para sa pagsusulit mo sa science dahil sa halip na mag-aral ay sumama ka sa mga kaibigan mo. Tutulungan ka ba ng Ama sa Langit na pumasa sa pagsusulit mo kung hihingi ka lang ng tulong sa Kanya?

Kailangan nating gampanan ang ating bahagi para matanggap ang mga pagpapala. Kaya sa pag-aaral para sa isang pagsusulit, maaari kang manalangin para sa lakas na makakuha ng mataas na marka batay sa iyong paghahanda.

Isipin ang halimbawa ng mga anak ni Mosias, na nagtagumpay sa kanilang gawaing misyonero nang dagdagan pa nila ang kanilang pagsisikap: “Itinuon nila ang kanilang sarili sa maraming panalangin, at pag-aayuno; kaya nga taglay nila ang diwa ng propesiya, at ang diwa ng paghahayag, at kapag sila ay nagturo, sila ay nagtuturo nang may kapangyarihan at karapatan ng Diyos” (Alma 17:3).

3 Binalewala ko ba ang sagot?

Palagi kang dinirinig ng Ama sa Langit, kaya posibleng nasagot na Niya ang iyong panalangin! Gaya ng nakasaad sa Doktrina at mga Tipan 6:14, “Ikaw ay nagtanong sa akin, at masdan, sa tuwing magtatanong ka ikaw ay makatatanggap ng tagubilin mula sa aking Espiritu.” Maaari mong ipagdasal na makita ng espirituwal na mga mata mo ang sagot, dahil ang mga panalangin ay sinasagot kung minsan sa mga paraang hindi halata o hindi tuwiran—tulad ng sa pamamagitan ng mga kilos ng iba.

Gayundin, huwag kalimutang mag-ukol ng oras na pakinggan ang sagot. Ipinaliwanag ni Elder Richard G. Scott (1928–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol na: “Bihirang dumating ang [mga sagot ng Ama sa Langit] habang nakaluhod kayo at nananalangin. … Sa halip, magpaparamdam Siya sa inyo sa tahimik na mga sandali kung kailan maaantig na mabuti ng Espiritu ang inyong puso at isipan” (“Paggamit sa Kaloob ng Langit na Panalangin,” Liahona, Mayo 2007, 9).

4 Matwid ba ang aking mga hangarin?

Kung may hiniling ka na hindi makakabuti sa iyo, malamang na hindi ipinagkaloob ang kahilingan mo. Itinuro ng Tagapagligtas na “dapat tayong laging manalangin sa Ama sa pangalan [ni Jesucristo]” (3 Nephi 18:19), na nagmumungkahi na hilingin natin ang mga bagay na tama para maipagkaloob ang mga ito. Itanong sa iyong sarili, “Ano ang madarama ng Tagapagligtas tungkol sa mga gusto ko?” Kung ang mga naisin mo ay sanhi ng kasakiman o iba pang uri ng kasamaan, ipagdasal na magbago ang iyong puso at malaman ang nais ng Tagapagligtas na naisin mo.

5 Ito ba ang tamang oras?

Kailangan ay tama ang ating hinihiling, at kailangan ay nasa tamang oras din ito. May dakilang plano ang Ama sa Langit para sa atin, ngunit kung minsan ay medyo kaiba ang iskedyul natin kaysa Kanya. “Ang aking mga salita ay tiyak at hindi mabibigo. … Gayunman lahat ng bagay ay kinakailangang mangyari sa kanilang panahon” (D at T 64:31–32). Maaaring mangailangan ng kaunting panahon para gumaling ang sugat na iyon o mahanap ang nawawalang alagang hayop, at kung minsa’y sakop ng panahon ng Panginoon ang kabilang-buhay—ngunit makatitiyak ka na diringgin at tutulungan ka Niya sa tuwina.

Maaaring mahirap maging matiyaga, lalo na kapag ang sagot sa iyong panalangin ay hindi halata. Ngunit sa iyong pagsasaliksik, magkakaroon ka ng lakas-ng-loob sa pagkaalam na palagi mong mahahanap ang mga sagot na kailangan mo kung hahanapin mo ito nang may tunay na layunin: “At inyong hahanapin ako, at masusumpungan ako, pagka inyong sisiyasatin ako ng inyong buong puso” (Jeremias 29:13).