Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw
Paggalang sa Kababaihan—Anuman ang Edad
Tinawag akong magturo sa Aaronic Priesthood sa aking branch, at isang araw ng Linggo ang paksa ay tungkol sa paggalang sa kababaihan. Sa lesson tinalakay namin na dapat magpakita ng paggalang sa bawat babae, mula sa pagiging sanggol hanggang sa pagtanda, tulad ng nakasaad sa manwal ng Aaronic Priesthood.
Sinabi ni Gabriel (binago ang pangalan), isa sa mga binatilyo sa klase, na para sa kanya ang babae ay sinumang sapat na ang gulang para maging nanay niya at sinumang babae na mas bata sa kanya ay dapat siyang igalang dahil lalaki siya. Walang sumang-ayon sa kanya sa klase, at hindi siya makapaniwala.
Patuloy naming tinalakay kung paano magpakita ng paggalang sa kababaihan, at sinabi ko sa kanila na ang ginagawa ko ay ibinibigay ko ang upuan ko sa sinumang babaeng sumasakay sa van na sinasakyan ko, kahit tumayo pa ako nang 30–40 minuto bago makarating sa aking pupuntahan. Sinabi ko sa kanila na dapat tumayo ang mga lalaki at paupuin ang mga babae sa kanilang upuan. Asiwa pa rin si Gabriel sa lesson.
Makalipas ang dalawang araw, sumakay ako ng van at naupo sa harapan. Wala nang maupuan nang sumakay ang isang lalaki at ang anak niyang babae at naglakad sila papunta sa likuran. Hindi nagtagal, isang matandang babae ang sumakay sa van, at tumayo ako at pinaupo ko siya.
Tinapik ako sa balikat ng isang lalaki sa likuran ko, itinuro ang likuran ng van, at sinabi sa akin na pinakalabit ako ng isang binata. Lumakad ako papunta sa likuran para tingnan kung sino ang binatang ito. Nakangiti ang lahat ng kalapit ko dahil kapapaupo lang ng binata sa lalaki at sa kanyang apat-na-taong-gulang na anak na babae na sumakay kanina. Si Gabriel pala iyon, ang binatilyo sa priesthood class ko, na naasiwa sa paksa tungkol sa paggalang sa kababaihan.
Sabi niya sa akin, “Tiningnan ko po kung pauupuin ninyo ang babaeng sumakay sa van. Naantig po ako nang makita ko na pinaupo ninyo siya, at naalala ko po ang lesson natin noong Linggo at kinailangan ko pong tumayo para paupuin ang mag-ama.”
Masayang-masaya akong makita na ipinamumuhay ng ating mga kabataang lalaki ang itinuturo sa kanila sa Simbahan. Dati-rati akala niya para lang sa matatandang babae ang paggalang, pero pagkatapos ng lesson namin noong Linggong iyon, pinili niyang magpakita ng paggalang sa isang apat-na-taong-gulang na batang babae.
Masaya rin ako na pinili kong ipamuhay ang itinuro ko, at naturuan ko siyang magpakita ng paggalang sa lahat ng babae anuman ang kanilang edad. Iniisip ko kung ano ang madarama niya kung hindi ko pinaupo ang babae sa van. Naisip ko ang isang talata sa banal na kasulatan: “Kung nalalaman ninyo ang mga bagay na ito, kayo ay mapapalad kung [inyo itong gagawin]” (Juan 13:17).