Selestiyal na mga Sandali
Ang awtor ay naninirahan sa North Lanarkshire, Scotland.
Kung minsan ang langit ay parang hindi naman ganoon kalayo.
Isang araw, itinuro sa amin ng mga lider namin sa Young Women ang tungkol sa mahahalagang sandali kung saan nadarama mo talaga ang Espiritu at dama mong malapit ka sa Diyos. Ang tawag nila sa mga ito ay “mga selestiyal na sandali,” isang simpleng kataga na madaling matandaan. Para sa akin, alam ko talaga ang ibig sabihin ng “selestiyal na sandali”; nadama ko na ito noon, tulad nang kapag nadama mo kahit paano o natikman ang uri ng buhay sa kahariang selestiyal. At marami ako ng ganitong mga sandali!
Matapos ipaunawa ng aming mga lider ang ideya, lumabas kami. Sumisilay ang araw sa mga puno. Nagpikit kami ng mga mata. Nadama ko ang sikat ng araw sa aking mukha nang umihip ang mainit-init na hangin. Umawit ang mga ibon at umindayog ang mga puno sa hangin habang nasisiyahan kami sa mga likha ng Diyos. Iyon ay isang selestiyal na sandali.
Ang isa pang pagkakataon na nagkaroon ako ng selestiyal na sandali ay matapos mabinyagan ang pinakamatalik kong kaibigan. Habang naglalakad kami noon pabalik sa chapel para tapusin ang serbisyo, hinawakan niya ang kamay ko at ikinuwento niya kung gaano kasaya na naging magkaibigan kami at mananatili iyong gayon—maging hanggang sa mga kawalang-hanggan. Hinding-hindi ko malilimutan iyon. Natuwa at masaya at nagpasalamat ako!
Makalipas ang isang taon o mahigit pa, kapwa kami nagalak na magkasamang muli nang tumayo kami sa harap ng bautismuhan at masdan ang kanyang ina sa paglusong sa mga tubig ng binyag. Talagang maganda ang paligid.
Marahil ang pinakamagandang lugar para maranasan ang mga ito ay sa loob ng bahay ng Panginoon. Noong una akong pumasok sa templo, pinalad akong makadalo na kasama ang aking mga magulang at kapatid. Nabinyagan ako para sa aking lola-sa-tuhod, at nadama ko na masaya siya.
Ang selestiyal na mga sandali ay maaaring mangyari saanmang lugar at anumang oras—habang nakikinig ng musika o sa oras ng family home evening o sa paaralan. Naaalala ko ang isang family home evening kung saan hindi matigil sa pagtawa ang lahat! Isa iyon sa paborito kong mga sandali.
Ang selestiyal na mga sandali ay nagpalakas ng aking patotoo at tinulungan akong magkaroon ng mas mapagpasalamat na espiritu. Tinuruan ako ng mga ito ng dakilang mga aral. Higit sa lahat, ginawa ako nitong masaya at nasasabik tungkol sa ebanghelyo! Alam ko na kung patuloy kong pipiliing ipamuhay ang ebanghelyo, lahat ng kagandahan, kaligayahan, kapayapaan, at pagmamahal na nadarama ko sa bawat selestiyal na sandali ay isang bagay na lagi kong madarama—nang higit pa—sa kahariang selestiyal.