Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas
Pag-iisip Kung Mabisa ang mga Tanong sa Ating Talakayan
Maaaring ang pinakamahalagang tanong ay ang itinatanong ng mga guro sa kanilang sarili bago sila dumating sa klase.
Kunwari’y nakaupo kayo sa pananghalian kasama ang ilang kaibigan at nag-uusap-usap kayo tungkol sa pelikulang sama-sama ninyong pinanood. Pagkatapos ay sasabihin ng isa sa mga kaibigan ninyo, “Sino ang makapagsasabi sa akin kung ano ang pinakamahalagang tagpo sa pelikula?”
Medyo nalito sa tanong, mag-iisip kayo sandali at magmumungkahi na ang huling tagpo siguro ang pinakamahalaga. “Aba, magandang puna iyan,” sasabihin ng kaibigan mo. “Pero hindi ito ang nasa isip ko. May iba pa ba? Pakinggan natin ang isang tao na hindi pa nakakapagbahagi.”
Hindi kayo magsasalita nang ganito sa harap ng mga kaibigan pero sa kung anong kadahilanan ay tila madalas itong mangyari sa mga klase tuwing Linggo. Sa halip na pag-usapan ang mga katotohanan ng ebanghelyo sa natural at komportableng paraan, bilang mga guro kung minsa’y nagsasalita tayo ng mga bagay na tila kakatwa at magpapatigil pa sa usapan sa ibang pagkakataon. Umaasa tayo na madarama ng mga miyembro ng klase na mga kaibigan ang kasama nila, at magiging komportable silang magbahagi ng kanilang mga ideya tungkol sa mga alituntuning natututuhan nila. Ang gayong pagbabahagi ay maaaring mag-anyaya sa Espiritu at magpayaman sa karanasan ng lahat.
Paano natin masisiguro na ang ating mga tanong ay hahantong sa mas natural at makabuluhang talakayan? May ilang dapat at hindi dapat gawin na nakakatulong sa maraming guro: Huwag magtanong ng mga bagay na malinaw na ang mga sagot. Magtanong ng mga bagay na hindi lang iisa ang sagot. Huwag magtanong ng mga bagay na masyadong personal.
Maaaring mahalaga rin, bago tayo magsimulang magplano ng mga itatanong sa klase, itanong natin ito sa ating sarili: Bakit nga ba ako nagtatanong?
Bakit Kayo Nagtatanong?
Malaking kaibhan ang nagagawa ng motibo ng ating mga tanong. Halimbawa, nagtatanong ba tayo kung minsan dahil may sasabihin tayo pero mas gusto natin na isang miyembro ng klase ang magsabi nito? Tama namang ayawan natin na palagi na lang tayo ang nagsasalita, pero may gusto talaga tayong ipahayag na punto, kaya kung minsa’y nagtatanong tayo ng isang bagay na alam nating mag-aanyaya ng sagot na gusto nating marinig. Ang pananaw na ito ay humahantong sa mga tanong na talagang mga tagong pahayag, gaya ng “Paano kayo matutulungan ng pag-iwas sa pornograpiya na panatilihing dalisay ang inyong mga iniisip?” o “Mahalaga bang magdasal araw-araw?”
May mga sitwasyon na lubos na angkop na magtanong ng mga bagay na nilayong mag-anyaya ng partikular na sagot. Maaari itong magamit para bigyang-diin ang isang punto o tulungan ang guro na isulong ang aralin. Pero ang mga tanong na kagaya nito ay malamang na hindi makahikayat ng makabuluhang talakayan.
Sa kabilang dako, kung nagtatanong tayo dahil talagang gusto nating malaman ang nasa isipan at puso at buhay ng mga miyembro ng ating klase, makikita iyon sa mga tanong natin.
Ang mga tanong na nag-aanyaya sa mga miyembro ng klase na taos-pusong mag-usap na naghihikayat ng espirituwal na pagkatuto ay kinabibilangan ng mga tanong na gaya ng “Habang binabasa ninyo ang talatang ito, ano ang namumukod-tangi sa inyo?” o “Anong mga karanasan ang nakapagturo sa inyo na magtiwala sa mga pangako ng Panginoon?” o halos anumang tanong na nagsisimula sa “Ano sa palagay ninyo … ?”
Isaalang-alang ang mga halimbawang ito:
-
Tinanong ng Espiritu si Nephi, “Ano ang ninanais mo?” (1 Nephi 11:10).
-
Tinanong ni Jesus ang Kanyang mga disipulo, “Ano ang sabi ninyo kung sino ako?” (Mateo 16:15).
-
At sinabi Niya kay Marta, “Ako ang pagkabuhay na maguli, at ang kabuhayan: … Sinasampalatayanan mo baga ito?” (Juan 11:25, 26).
Bawat isa sa mga tanong na ito ay nag-anyaya sa isang tao na ibahagi ang kanyang saloobin. At sa bawat pagkakataon, kasunod nito ang isang makapangyarihang espirituwal na karanasan.
Ang Pagtatanong ay Pagpapakita ng Pagmamahal
Maniwala man kayo o hindi, ang pagtatanong na naghihikayat ng talakayan ay likas na dumarating sa halos lahat—maging sa mga tao na hindi itinuturing ang kanilang sarili na magagaling na guro. Likas natin itong ginagawa tuwing may makabuluhang pakikipag-usap tayo sa mga kaibigan o kapamilya—o nag-uusap-usap lang tayo tungkol sa isang paboritong pelikula habang nanananghali. Pero kapag tumayo tayo sa harapan ng mga estudyanteng umaasam, bigla nating nalilimutan ang lahat ng likas na nangyayari.
Kaya siguro mahalagang bahagi ng pagtatanong ng mga bagay na maghihikayat ng magandang talakayan ang isipin natin, “Paano ko itatanong ito kung wala kami sa klase—kung nakaupo lang kaming magkakaibigan sa bahay at nag-uusap tungkol sa ebanghelyo? Paano ko sila aanyayahang ibahagi ang kanilang mga ideya at damdamin?” Ang pagtuturo ay hindi talaga parang isang karaniwang pag-uusap ng magkakaibigan, pero may isang bagay na karaniwan sa mga ito: dapat ay bunga ito ng taos-pusong malasakit at tunay na pagmamahal.
Kaya huwag mangamba kung hindi pa kayo bihasa sa mahusay na pagbubuo ng mga tanong. Kahit na ang magagawa lang ninyo ay mahalin ang mga taong tinuturuan ninyo, gagabayan kayo ng Espiritu, at unti-unti kayong lalong huhusay sa pag-alam kung ano ang sasabihin. “Ang pagibig ay hindi nagkukulang kailan man,” pahayag ni Pablo (I Mga Taga Corinto 13:8), at totoo iyan maging sa isang bagay na kasing-simple ng pagtatanong ng isang guro sa klase.