5 Pangako ng Panalangin
Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.
Ibinigay ng Ama sa Langit ang panalangin bilang isang paraan ng tuwirang pakikipag-usap sa Kanya para magpasalamat, humingi ng mga pagpapala, at umunlad sa espirituwal. Kung minsan ang kailangan lamang ay magyuko ng ulo, humalukipkip, at sumambit ng ilang simple at taos-pusong salita. Ang galing, ’di ba? Narito ang limang iba’t ibang pangako o pagpapalang matatanggap natin kung mananalangin tayo:
1 Lakas na Makapanaig
Dahil tao tayo, nakadarama tayo ng kahinaan sa maraming paraan—sa katawan, damdamin, espiritu, at isipan. Maaari tayong mahirapang makipagpaligsahan o pumasa sa isang pagsusulit o paglabanan ang tukso o madama ang Espiritu. Ngunit ang panalangin ay mabibigyan tayo ng lakas na kailangan natin upang madaig ang anumang hatid sa atin ng buhay.
Sabi nga ni Nephi, “Ang Panginoon ay hindi magbibigay ng mga kautusan sa mga anak ng tao, maliban sa siya ay maghahanda ng paraan para sa kanila upang kanilang maisagawa ang bagay na kanyang ipinag-uutos sa kanila” (1 Nephi 3:7). Mabibigyan tayo ng Panginoon ng lakas na isagawa ang anumang mabuting bagay na sinisikap nating gawin kung iyon ang Kanyang kalooban.
Manalangin para sa lakas na paglabanan ang tukso. Manalangin para sa lakas na magtuon at mag-aral na mabuti para sa isang pagsusulit. Manalangin para sa lakas na tumakbo at hindi mapagod. Manalangin para sa lakas, at palalakasin ka Niya.
2 Kapatawaran
Bagama’t masarap isipin ang kabaligtaran, hindi tayo perpekto. Nakakagawa tayo ng mga kamalian, at bahagi lang iyan ng buhay. Ngunit ang Panginoon ay naglalaan ng daan para maiayos ang mga ito: ang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. At ang isang pag-access sa Kanyang kapangyarihan ay ang panalangin.
Kapag humingi ng kapatawaran sa pamamagitan ng panalangin, maaaring mapatawad ang ating mga kasalanan sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas. Bagama’t ang mas malalaking kasalanan ay maaaring mangailangan ng tulong ng isang bishop o branch president, ang personal at taos-pusong panalangin ay palaging magiging isa sa mga unang hakbang tungo sa kapatawaran—hinihiling man natin sa Ama sa Langit na patawarin tayo o kaya’y tulungan tayong patawarin ang ibang tao. Tutulungan pa niya tayong matuto kung paano patawarin ang ating sarili.
3 Kaalaman at Patnubay
Personal na paghahayag marahil ang isa sa unang ipinangakong mga pagpapala ng panalangin na naisip mo, lalo na sa bagong tema ng Mutwal na nasa isipan mo. Kulang ang kaalaman ni Joseph Smith tungkol sa kung aling simbahan ang sasalihan, kaya lumuhod siya sa Sagradong Kakahuyan, nagtanong, at tumanggap ng sagot—sa napakalaking paraan.
Ngunit ang paghahayag ay hindi lamang para sa mga propeta, at hindi ito kailangang maging isang napakahalagang karanasan. Kung kulang sa karunungan ang sinuman sa atin, maaari at dapat tayong humingi sa Diyos. Sasagot Siya, bagama’t kung minsa’y hindi sa paraang inaasahan natin. Sasagutin ng Panginoon ang ating mga tanong at gagabayan ang ating buhay, ngunit kailangan muna tayong humingi!
4 Hangaring Gawin ang Kalooban ng Panginoon
Maaaring mas mahirap itong ituring na pagpapala—dahil, ang totoo, kung minsa’y gusto natin ng mga bagay-bagay para sa ating sarili na ayaw ng Panginoon para sa atin. Ngunit kapag ipinagdasal natin na tunay tayong magbalik-loob at magkaroon ng hangaring gawin ang kalooban ng Panginoon, mapapansin natin ang isang bagay na kamangha-mangha: parang nagugustuhan na natin ang gusto Niya.
Gayunpaman, ang pagbabagong ito ng puso ay hindi agad-agad na nangyayari. Sabi ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Para sa marami sa atin, ang pagbabalik-loob ay tuluy-tuloy na proseso at hindi minsanang pangyayari na bunga ng isang matinding karanasan. Taludtod sa taludtod at tuntunin sa tuntunin, dahan-dahan at halos hindi mapupuna, ang ating hangarin, kaisipan, mga salita at gawa ay umaayon na sa kagustuhan ng Diyos” (“Nagbalik-loob sa Panginoon,” Liahona, Nob. 2012, 106–9).
5 Kapayapaan
Ang isa sa mga pagpapalang ipinangako sa atin kung magdarasal tayo ay kapayapaan at kapanatagan sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Tutal naman, ang tawag sa Kanya ay Mang-aaliw. Muli kong tinitiyak sa inyo na darating ang kapayapaan kahit sa mga oras ng paghihirap. Alalahanin ang pangako ng Panginoon sa Juan 14:27, “Ang kapayapaan ay iniiwan ko sa inyo; ang aking kapayapaan ay ibinibigay ko sa inyo: hindi gaya ng ibinibigay ng sanglibutan, ang ibinibigay ko sa inyo. Huwag magulumihanan ang inyong puso, ni matakot man.” Kalaunan ay darating ang kapayapaan kung hihingin natin ito.
Ang panalangin ay tuwirang pakikipag-usap sa ating mapagmahal na Ama. Gamitin ito at hayaang pagpalain Niya kayo dahil dito. Ngunit matapos tanggapin ang mga pagpapalang hatid ng taos-pusong panalangin, alalahaning ipahayag ang inyong taos-pusong pasasalamat sa—tama kayo—isang panalangin.