Ang Bahaging para sa Atin
Pagtanggap sa #TempleChallenge
Nabinyagan ako noong 2012 at nagsimba sa isang branch sa Ipoméia Brazil District. Simula 2014, talagang gumagawa na ako ng family history. Nagsimula ito sa imbitasyon ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol sa RootsTech na gumawa ng mga pagbibinyag para sa sarili kong mga kamag-anak. Nadama ko na talagang kailangan kong gumawa ng family history, batid na kung ako ay “tutuktok,” ito ay “bubuksan” (tingnan sa Mateo 7:7).
Ngayon ay mas marami akong henerasyon, retrato, dokumento, at, ang pinakamahalaga, mas maraming kuwento tungkol sa pamilya, na nakakatuwa talaga. Sa pagkakaroon ng impormasyong ito, sumulat ako ng isang aklat na may mga retrato at petsa mula sa aking family history. Nakatulong sa akin ang proyektong ito na makontak ang mga kapamilya kong hindi miyembro at binigyan ako nito ng pagkakataong ibahagi ang aking patotoo na ang mga pamilya ay maaaring maging walang hanggan.
Natulungan ako ng gawaing ito na tumayo sa mga banal na lugar, manatiling aktibo sa Simbahan, at tumanggap ng tungkuling maglingkod sa Panginoon sa isang misyon.
May patotoo ako na ang gawain ng kaligtasan na ginagawa ng Simbahang ito sa magkabilang panig ng tabing ay totoo at binigyang-inspirasyon ng ating Ama sa Langit. Bago ako nagmisyon, nagkaroon ako ng pagkakataong magsagawa ng mga binyag para sa aking mga ninuno, at ngayon bilang missionary may pagkakataon akong binyagan ang mga taong buhay at gustong baguhin ang kanilang buhay magpakailanman.
Elder Claudio Klaus Jr., Arizona Mesa Mission