2017
Santiago 1:5–6
January 2017


Taludtod sa Taludtod

Santiago 1:5–6

Itinuro sa atin ni Santiago kung paano humingi sa Diyos para makatanggap tayo ng sagot.

5 Kung nagkukulang ng karunungan ang sinoman sa inyo, ay humingi sa Dios, na nagbibigay ng sagana sa lahat at hindi nanunumbat; at ito’y ibibigay sa kaniya.

6 Nguni’t humingi siyang may pananampalataya, na walang anomang pagaalinlangan. Sapagka’t yaong nagaalinlangan ay katulad ng isang alon ng dagat na itinutulak ng hangin at ipinapadpad sa magkabikabila.

Humiling nang May Pananampalataya

Elder David A. Bednar

“Ang kinakailangan sa paghingi nang may pananampalataya, ay nangangahulugan ng pangangailangang hindi lamang sabihin kundi gawin, ang dalawang obligasyong kapwa humiling at magsagawa, ang pangangailangang makiusap at kumilos.”

Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Humingi nang May Pananampalataya,” Liahona, Mayo 2008, 94.

Nagkukulang ng Karunungan

Kahit paano, lahat tayo ay nagkukulang sa karunungan na tanging Diyos lamang ang makapagbibigay sa atin. “Ang mga bagay ng Dios ay hindi nakikilala ng sinoman, maliban na ng Espiritu ng Dios” (I Mga Taga Corinto 2:11). Kaya kailangan nating lahat na humingi sa Kanya.

Humingi sa Dios

“Ang mga panalangin ay nakapatungkol sa ating Ama sa Langit sa pangalan ni Jesucristo. …

“Ang pakay ng panalangin ay hindi upang baguhin ang kalooban ng Diyos, kundi upang maisiguro sa ating sarili at sa iba ang mga pagpapala na nais ng Diyos na ipagkaloob, ngunit kinakailangan nating hilingin upang matanggap.”

Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Panalangin,” scriptures.lds.org.

Nagbibigay sa Lahat ng Tao

“Wala siyang tinatanggihan sa mga lumalapit sa kanya, … at pantay-pantay ang lahat sa Diyos.”

Nang Sagana

Nang Sagana—Ang ibig sabihin ng salitang Griyego na pinagmulan ng salin nito ay “kasimplihan,” na maaaring magpahiwatig ng pagtutuon ng isipan sa layunin ng Diyos na bigyan tayo nang bukas at sagana.

Hindi Nanunumbat

Sasagutin kayo ng Diyos at hindi kayo susumbatan (pipintasan, pagagalitan, o kakastiguhin) kailanman sa mapagpakumbaba ninyong paghingi sa Kanya ng sagot sa isang tapat na katanungan.

Walang Anomang Pagaalinlangan

Elder D. Todd Christofferson

“Sa oras ng pagdurusa, pahalagahan sa lahat ang inyong mga tipan at hustuhin ang inyong pagsunod. Sa gayo’y makahihiling kayo nang may pananampalataya, walang pag-aalinlangan, ayon sa inyong pangangailangan, at ang Diyos ay sasagot.”

Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Ang Kapangyarihan ng mga Tipan,” Liahona, Mayo 2009, 22.