Mensahe sa Visiting Teaching
Ang Layunin ng Relief Society
Mapanalanging pag-aralan ang materyal na ito at maghangad ng inspirasyong malaman kung ano ang ibabahagi.
Ang layunin ng Relief Society ay “ihanda ang kababaihan para sa mga pagpapala ng buhay na walang hanggan,” sabi ni Linda K. Burton, Relief Society General President.1 Sa pamamagitan ng pananampalataya, pamilya, at kapanatagan natin nagagampanan ang ating “mahalagang bahagi sa gawain.”2
Ang Relief Society “ay isang temporal at espirituwal na gawain,” sabi ni Carole M. Stephens, Unang Tagapayo sa Relief Society General Presidency. “Iyan ang ginawa ng kababaihan sa panahon ng Tagapagligtas, at iyan ang patuloy nating ginagawa.”3
Kapag inunawa nating mabuti ang babaeng Samaritana sa tabi ng balon, na iniwan ang kanyang banga ng tubig at tumakbo para ikuwento sa iba na si Jesus ay isang propeta (tingnan sa Juan 4:6–42), o kay Febe, na buong buhay na masayang naglingkod sa iba (tingnan sa Mga Taga Roma 16:1–2), makikita natin ang halimbawa ng kababaihan sa panahon ng Tagapagligtas na naging aktibong bahagi sa paglapit kay Cristo. Siya ang nagbubukas ng daan tungo sa buhay na walang hanggan (tingnan sa Juan 3:16).
Kapag inunawa nating mabuti ang mga pioneer nating kababaihan sa Nauvoo, Illinois, na nagtipon sa tahanan ni Sarah Kimball noong 1842 upang bumuo ng sarili nilang organisasyon, makikita natin ang plano ng Diyos sa pagbubuo ng Relief Society na nakaayon sa priesthood. Matapos isulat ni Eliza R. Snow ang isang saligang-batas, nirebyu ito ni Propetang Joseph Smith. Natanto niya na ganap lamang na nabuo ang Simbahan nang maorganisa ang kababaihan. Sinabi niya na tinanggap ng Panginoon ang kanilang handog ngunit may mas mainam pa roon. “Aking isasaayos ang kababaihan sa ilalim ng priesthood ayon sa kaayusan ng priesthood,” wika niya.4
“Ang Relief Society ay hindi lamang isa pang grupo ng kababaihan na nagsisikap na gumawa ng kabutihan sa mundo. Kakaiba ito noon. Ito ay ‘mas mainam’ dahil inorganisa ito sa ilalim ng awtoridad ng priesthood. Ang organisasyon nito ay mahalagang hakbang sa paghahayag ng gawain ng Diyos sa daigdig.”5
Karagdagang mga Banal na Kasulatan at Impormasyon
Doktrina at mga Tipan 25:2–3, 10; 88:73; reliefsociety.lds.org