Gordon B. Hinckley:Isang Propetang May Magandang Pananaw at Pangarap
Habang pinag-aaralan ninyo ang Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Gordon B. Hinckley sa priesthood at Relief Society ngayong taon, matututo kayo mula sa isang propetang walang limitasyon ang magandang pananaw, pagmamahal, at plano para sa hinaharap.
“Kailangan kong magtanim ng ilang puno bawat tagsibol,” pagtatala ni Pangulong Gordon B. Hinckley sa kanyang journal sa edad na 82. “Palagay ko nagawa ko na ito kahit nito lang huling 50 taon. … May magandang bagay tungkol sa isang puno. Nagsisimula ito nang napakaliit at lumalaki sa paglipas ng mga panahon. Nagbibigay ito ng lilim mula sa init ng araw sa tag-init. Matamis ang bunga nito. Ipinagpapatuloy nito ang pambihirang proseso ng photosynthesis. … Ang puno ay isa sa pambihirang mga likha ng Maykapal.”1
Patuloy na nagtanim ng mga puno si Pangulong Hinckley hanggang sa edad niyang 90s. Sa maraming paraan, ang hilig niyang magtanim ay namalas sa kanyang ministeryo bilang Apostol at bilang Pangulo ng Simbahan. Kapag siya ay nagtanim, iyon ay pagpapakita ng magandang pananaw, isang katangian na naging bahagi rin ng kanyang mga turo at pakikipag-ugnayan sa iba. Inalagaan niya ang bawat puno, tulad ng ginawa niya sa bawat tao. At malayo ang tingin niya sa hinaharap, na nakikita ang kahihinatnan ng mga puno—tulad nang makita niya ang walang-hanggang potensyal ng bawat tao at ang dakilang hinaharap ng gawain ng Diyos.
“Marami Tayong Dahilan para Magkaroon ng Magandang Pananaw”
“Ako ay isang taong naniniwala na magiging mabuti ang lahat!” madalas sabihin ni Pangulong Hinckley. “Nakikiusap ako na ihinto na natin ang paghahanap ng mga unos at higit na tamasahin ang liwanag [sikat ng araw].”2 Mas lumalim pa ang kanyang magandang pananaw kaysa pagkakaroon lang ng positibong pananaw, bagama’t pinagyaman niya ito. Ang tunay na pinagmulan ng kanyang magandang pananaw—ang pinagmulan na nagbigay rito ng kapangyarihan—ay ang kanyang pananampalataya sa Diyos at ang kanyang patotoo tungkol sa plano ng Diyos para sa kaligayahan at kaligtasan ng Kanyang mga anak.
Ang isang pagpapamalas ng magandang pananaw ni Pangulong Hinckley ay ang kanyang matibay na paniniwala na “magiging maayos ang lahat.”3 Ang pahayag na iyon, sabi ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol, ay “ang maaaring paulit-ulit na katiyakang ibinibigay ni Pangulong Hinckley sa pamilya, mga kaibigan, at mga kasamahan. ‘Patuloy na magsikap,’ ang sasabihin niya. ‘Maniwala. Maging masaya. Huwag panghinaan ng loob. Magiging maayos ang lahat.’”4
Gayunman, ang mensaheng ito ay hindi lamang para sa iba. “Sinasabi ko iyan sa sarili ko tuwing umaga,” sabi ni Pangulong Hinckley sa isang kongregasyon. “Kung gagawin ninyo ang lahat ng kaya ninyo, magiging maayos ang lahat. Magtiwala sa Diyos, at sumulong nang may pananampalataya at tiwala sa hinaharap. Hindi tayo pababayaan ng Panginoon.”5
Ang magandang pananaw ni Pangulong Hinckley ay sumuporta sa kanya sa mga oras ng pagsubok, damdamin ng kakulangan, at mabibigat na problema. At nanindigan siya sa kanyang paniniwala na “magiging maayos ang lahat” kahit dumanas siya ng mga problema at kabiguan, pighati at lumbay.
Sa kanyang magandang pananaw, hindi binawasan ni Pangulong Hinckley ang mga problema. Ipinaliwanag niya: “Marami na akong nakita sa mundong ito. … Nakapunta na ako sa mga lugar kung saan nagngangalit ang digmaan at naghahari ang poot sa puso ng mga tao. Nakita ko na ang nakapanlulumong pagdarahop sa maraming lupain. … Namasdan ko nang may takot ang gumuguhong moralidad ng ating lipunan.
“Gayunpama’y may maganda akong pananaw. Simple at taimtim ang pananampalataya ko na magtatagumpay ang kabutihan at mananaig ang katotohanan.”6
Sa interbyu ng isang New York Times reporter sa Nauvoo, Illinois, USA, inamin ni Pangulong Hinckley ang laganap na mga trahedya at problema, at pagkatapos ay humugot siya ng lakas sa kanyang pagkahilig sa kasaysayan ng Simbahan para magturo tungkol sa magandang pananaw:
“Nasa atin ang bawat dahilan upang maging maganda ang pananaw. … Tingnan ninyo ang Nauvoo. Tingnan ninyo ang itinayo nila rito sa loob ng pitong taon at pagkatapos ay umalis sila. Pero ano ang ginawa nila? Humilata lang ba sila at namatay? Hindi! Nagtrabaho sila! Lumipat sila sa kabilang panig ng kontinenteng ito at pinamulaklak nilang parang rosas ang lupa sa disyerto. Sa pundasyong iyon lumago ang simbahang ito at naging isang malaking pandaigdigang organisasyon na naghahatid ng kabutihan sa buhay ng mga tao sa mahigit 140 mga bansa. Hindi kayo maaaring, huwag kayong, sumalig sa negatibong pananaw o paghihinala. Magkaroon ng magandang pananaw, magsikap nang may pananampalataya, at mangyayari ang mga bagay-bagay.”7
Ang magandang pananaw ni Pangulong Hinckley ay nakaimpluwensya rin sa hilig niyang magpatawa—isang masaya at nakawiwiling talino na nakabuo ng ugnayan sa iba. Minsa’y nakitira siya sa isang stake president na ang pamilya ay nakatira sa isang lumang gusali ng paaralan na ginawa nilang tahanan. Noong gabing iyon, nagsilbing kuwarto ni Pangulong Hinckley ang isang silid-aralan. Sa stake conference kinabukasan, pabiro niyang sinabi, “[Nakatulog] ako sa maraming pagkakataon sa mga silid-aralan noong araw—pero hindi kailanman sa isang kama.”8
“Ang Ating Malasakit ay Kailangang Palaging Nakatuon sa Tao”
Sa una niyang mensahe sa pangkalahatang kumperensya bilang Pangulo ng Simbahan, nagsalita nang malawakan si Gordon B. Hinckley tungkol sa paglago ng Simbahan. “Tayo ay nagiging isang malaking pandaigdigang samahan,” sabi niya. Pagkatapos ay binigyang-diin niya ang mahalagang alituntuning ito: “Ang ating interes at malasakit ay kailangang palaging nakatuon sa tao. …
“… Nagsasalita tayo ayon sa dami ng mga miyembro, ngunit lahat ng pagsisikap natin ay kailangang ilaan sa pag-unlad ng bawat tao.”9
Noong miyembro siya ng Korum ng Labindalawang Apostol, naglakbay si Pangulong Hinckley sa ilan sa mga pinakaliblib na lugar sa mundo, pati na sa mga lugar na may digmaan, upang maglingkod sa mga tao. Walang grupong napakalayo o napakaliit para hindi niya bigyang-pansin. Patuloy niya itong ginawa bilang Pangulo ng Simbahan, na naglalakbay nang mahigit isang milyong milya sa mahigit 60 bansa, kung minsan ay para makipagpulong sa malalaking grupo, kung minsan ay sa iilan lamang.
Noong 1996, naglakbay nang 18 araw sina Pangulo at Sister Hinckley sa walong bansa sa Asia at sa Pacific. Simula sa Japan at kumikilos nang buong sigla, pinulong nila ang libu-libong tao na pumuno sa bawat pagdausan nila ng pulong. “Madamdamin ang mga karanasang ito para sa akin,” pagtatala ni Pangulong Hinckley habang nasa Korea. “Nakikita ko ang mga bagay na hindi ko pinangarap nang una akong pumarito noong 1960.”10 Sa biyaheng ito inilaan din niya ang Hong Kong China Temple.
Ang huling lugar na pupuntahan niya noon ay ang Pilipinas. Matapos magsalita sa 35,000 katao sa Maynila, itinala ni Pangulong Hinckley, “Tumayo ako at kumaway sa kanila nang may malaking pagmamahal sa puso ko. Umalis kami na may mga luha sa aming mga mata.” Maaga pa noong araw na iyon nagbalik siya sa lugar kung saan siya nag-alay ng panalangin ng paglalaan, noong 1961, para simulan ang gawaing misyonero sa Pilipinas. “Isang katutubong miyembrong Pilipino lang ang nakita namin,” paggunita niya. “Mula sa isang miyembrong iyon umabot na sa mahigit 300,000 ang mga miyembro ng Simbahan.”11
Nang pauwi na ang mga Hinckley, nalaman nila na magpapakarga ng gasolina ang eroplano sa pulo ng Saipan. Nagtanong si Pangulong Hinckley kung may mga missionary sa Saipan at sinabihan siya na kakaunti lang ang mga missionary doon. Bagama’t patapos na ang nakapapagod na paglalakbay, ginusto niyang makausap ang iilang missionary na iyon: “Itinanong ko kung maaari naming ipasabi sa kanila na lalapag kami sa Saipan nang mga alas-7:00 n.g. at sisikapin naming lumabas ng airport para batiin sila.”
Pagkaraan ng ilang oras sa Saipan, 10 missionary at mga 60 miyembro ng Simbahan ang naroon para salubungin ang mga Hinckley. “Niyakap nila kami,” pagtatala ni Pangulong Hinckley. “Malaki ang pasasalamat nila na makita kami, at nagpasalamat kaming makita sila. Maikling panahon lang namin silang nakasama dahil maikling panahon lang ang kinailangan para kargahan ng gasolina ang eroplano. Binasbasan namin sila at bumalik na kami sa eroplano.”12
Ang isa pang tipikal na halimbawa ng malasakit ni Pangulong Hinckley sa isang indibiduwal ay nangyari noong 2002 Winter Olympics, na ginanap sa Salt Lake City, Utah. Halos araw-araw ay kausap niya ang mga pangulo, embahador, at iba pang matataas na pinuno. Isang araw, bago kausapin ang pangulo ng Germany, kinausap niya ang isang 13-taong-gulang na dalagita sa kaarawan nito. “May sakit [siya] na aplastic anemia, isang napakalubhang karamdaman,” pagtatala niya. “Naging kalugud-lugod ang aming pag-uusap. … Sinabi ko sa kanya na ipagdarasal namin siya.”13
Espesyal ang pagmamahal ni Pangulong Hinckley para sa mga bata at kabataan ng Simbahan, at gayon din ang nadama nila para sa kanya. Matapos siyang magsalita sa Brazil, ipinahayag ng isang dalaga: “Nadama ko nang matindi ang Espiritu ng Diyos. Nang tinatapos na ni Pangulong Hinckley ang kanyang mensahe, sinabi niya sa amin, ‘Maaaring sa paglisan ninyo, at pag-uwi, ay malimutan ninyo ang lahat ng sinabi ko ngayon dito, pero huwag na huwag ninyong kalilimutan na mahal ko kayo.’ Hinding-hindi ko malilimutan ang mga salitang iyon.”14
Ang maybahay ni Pangulong Hinckley na si Marjorie ay katuwang at impluwensya sa malasakit niya sa mga tao. Itinala niya: “Tila mahal siya ng lahat ng kakilala niya dahil tunay ang malasakit niya sa mga tao. Nag-aalala siya sa kanilang mga problema at pangangailangan. Napakapalad kong magkaroon ng gayong kabiyak.”15
Nang malalaki na ang kanilang limang anak, karaniwan ay magkasamang maglakbay ang mga Hinckley, at ipinaabot ni Sister Hinckley ang kanyang pagmamahal sa buong mundo. Kapag may nakikilala siyang mga missionary, madalas ay walang pasubali niyang tinatawagan sa telepono ang kanilang mga magulang pag-uwi niya. Mahusay din siyang makipag-ugnayan sa maraming manonood. “Alam [ni Marge] kung paano magsabi ng mga bagay na nakasisiya at nakakatulong sa mga tao,” pagtatala ni Pangulong Hinckley pagkaraan ng isang regional conference. “Ang iba sa amin ay nangangaral samantalang kinakausap lang niya sila.”16
Sa burol ni Pangulong Hinckley, ibinuod ni Pangulong Henry B. Eyring, na isa sa kanyang mga tagapayo, ang ilan sa kanyang mga nagawa. Pagkatapos ay pinuna niya na lahat ng nagawang ito ay may isang bagay na karaniwan:
“Ang mga ito ay palaging upang biyayaan ng oportunidad ang mga indibiduwal. At inisip niya palagi ang mga taong halos walang oportunidad, ang karaniwang taong nahihirapang kayanin ang mga paghihirap sa buhay sa araw-araw at ang hamon na ipamuhay ang ebanghelyo ni Jesucristo. Hindi lang niya minsang itinuro ang kanyang daliri sa aking dibdib nang magmungkahi ako at sinabi niyang, ‘Hal, naalala mo ba ang taong nahihirapan?’”17
Pangarap sa Hinaharap
May kaugnayan sa magandang pananaw at pagtuon ng pansin ni Pangulong Hinckley sa mga tao ang pangarap niya para sa hinaharap bilang propeta. Kung pag-iisipang mabuti, ang pangarap niyang iyon ay tungkol sa mga templo. Ang mga ordenansa ng templo, pagbibigay-diin ni Pangulong Hinckley, “ang sukdulang mga pagpapalang maibibigay ng Simbahan.”18
Nang siya ay maging Pangulo ng Simbahan noong 1995, may 47 templong gumagana sa buong mundo. Sa ilalim ng kanyang pamumuno, mahigit pa sa doble ng bilang na ito ang ginawa ng Simbahan sa loob ng mahigit limang taon. Ang pangarap niya hinggil sa mga templo ay mapangahas at malawak, ngunit ang buong layunin ay isa-isang biyayaan ang mga indibiduwal.
Dumating ang inspirasyon para sa bagong panahong ito ng pagtatayo ng templo noong 1997 nang magpunta si Pangulong Hinckley sa Colonia Juárez, Mexico, para gunitain ang ika-100 anibersaryo ng isang paaralang pag-aari ng Simbahan. Pagkatapos, sa isang mahaba at maalikabok na paglalakbay, nagmuni-muni siya. “Tumahimik,” paggunita ng kanyang secretary na si Don H. Staheli. “At pagkatapos, sa pagkaunawa ko, nagsimulang dumating ang paghahayag. Naisip niya ang mas maliliit na templo noong araw, ngunit hindi sa paraang naisip niya sa pagkakataong ito.”19
Kalauna’y inilarawan ni Pangulong Hinckley ang proseso: “Sinimulan kong itanong sa sarili ko kung ano ang magagawa para posibleng magkaroon ng templo ang mga taong ito. … Habang pinagninilayan ito, pumasok ang ideya sa isipan ko na … maaari nating itayo ang lahat ng mahalagang bahagi ng isang templo sa medyo maliit na gusali. … Nagkrokis ako ng isang plano. … Napakalinaw na pumasok ang buong plano sa aking isipan. Buong puso akong naniniwala na inspirasyon iyon, na paghahayag iyon mula sa Panginoon. Umuwi ako at kinausap ko ang aking mga tagapayo tungkol doon, at inaprubahan nila iyon. Pagkatapos ay ipinakita ko iyon sa Labindalawa, at inaprubahan nila iyon.”20
Makalipas ang apat na buwan sa pangkalahatang kumperensya, gumawa ng makasaysayang pahayag si Pangulong Hinckley na sisimulan ng Simbahan na magtayo ng mas maliliit na templo sa mga lugar kung saan hindi sapat ang dami ng mga miyembro para makapagpatayo ng mas malalaking templo. “Hinangad namin … na ilapit ang mga templo sa mga tao at ibigay sa kanila ang lahat ng pagkakataon para sa napakahahalagang pagpapalang dulot ng pagsamba sa templo,” wika niya.21
Nang sumunod na pangkalahatang kumperensya, gumawa ng isa pang makasaysayang pahayag si Pangulong Hinckley, at sinabi na nagpaplano silang magkaroon ng 100 templong gumagana sa pagtatapos ng taong 2000. “Sumusulong tayo sa antas na hindi pa nangyari kahit kailan,” paglalahad niya.22 Nang ireport niya ang progreso ng pagtatayo ng templo noong Abril 1999, ginamit niya ang pamilyar na mga katagang: “Napakalaking gawain niyan, at maraming problema, pero kahit anong hirap, maayos ang lahat at tiwala ako na matutupad natin ang ating mithiin.”23
Noong Oktubre 2000, naglakbay si Pangulong Hinckley patungong Boston, Massachusetts, USA, para ilaan ang ika-100 templo ng Simbahan—isa sa 21 inilaan niya sa taon na iyon sa apat na kontinente. Nang siya ay sumakabilang-buhay, 124 na templo ang nakumpleto at 13 pa ang ibinalitang itatayo o kasalukuyang itinatayo.
Ang pangarap ni Pangulong Hinckley ang naghikayat sa kanya na maghangad ng inspirasyon tungkol sa iba pang mga paraan para mapagpala ang mga anak ng Diyos. Naghinagpis siya dahil sa pagdurusa at kahirapang nakita niya, kaya iniutos niya na palawakin nang husto ang kawanggawa ng Simbahan, lalo na sa mga hindi miyembro ng Simbahan. Pinasimulan din niya ang Perpetual Education Fund para tulungan ang mga miyembro ng Simbahan sa mga bansang naghihirap. Mula sa pondong ito, maaari silang makautang ng pambayad ng matrikula para sa pag-aaral na kailangan nila upang makakuha ng mas magandang trabaho, na makakatulong sa kanila na makaahon sa kahirapan at makaasa sa kanilang sarili. Hanggang 2016, mahigit 80,000 indibiduwal ang nabigyan ng pagkakataong makapag-aral o makapag-training na ginawang posible ng mga pautang mula sa pondong ito.
Maraming iba pang halimbawa ng pangarap mangyari ni Pangulong Hinckley bilang propeta, tulad ng “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo” at pagtatayo ng Conference Center, ang kasama sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Gordon B. Hinckley.
“Ang Aking Patotoo”
Ilang araw bago sumapit ang kanyang ika-91 kaarawan, itinala ni Pangulong Hinckley: “Hindi ko na kailangang magtanim, pero gagawin ko. Likas iyan sa akin.”24 Anuman ang kanyang edad, binatang missionary man o 97-taong-gulang na propeta, likas din sa kanya ang magtanim at magpalago ng mga binhi ng ebanghelyo sa puso ng mga tao sa buong mundo. Naglingkod siya nang 20 taon bilang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol. Pagkatapos ay naglingkod siya nang 14 na taon bilang tagapayo sa Unang Panguluhan. Nang siya ay maging Pangulo ng Simbahan sa edad na 84, pinamunuan niya ito sa loob halos ng 13 taon ng aktibong pag-unlad.
Pinakamahalagang bahagi ng habambuhay na paglilingkod ni Pangulong Hinckley ang kanyang patotoo tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo na ipinanumbalik sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith. Sa isang mensahe ng pangkalahatang kumperensya na pinamagatang “Ang Aking Patotoo,” ipinahayag niya ang sumusunod na patotoo, na sinasambit ang ilang bahagi nito sa gitna ng mga luha:
“Sa lahat ng bagay na pinasasalamatan ko sa umagang ito, ang isang ito ay tumatayong katangi-tangi. Iyon ay ang buhay na patotoo kay Jesucristo. …
“Siya ay aking Tagapagligtas at aking Manunubos. Sa pamamagitan ng pagbibigay ng Kanyang buhay sa pagpapakasakit at di-matatawarang paghihirap, bumaba Siya upang ako’y abutin, ang bawat isa sa atin, at ang lahat ng anak na lalaki at anak na babae ng Diyos, mula sa kailaliman ng walang hanggang kadiliman pagkatapos ng kamatayan. …
“Siya ay aking Diyos at aking Hari. Mula sa walang hanggan hanggang sa walang hanggan, Siya ang maghahari at mamumuno bilang Hari ng mga Hari at Panginoon ng mga Panginoon. Hindi magkakaroon ng katapusan sa Kanyang pamamahala. Walang gabi sa Kanyang kaluwalhatian. …
“Hatid ang pasasalamat, at di-nagmamaliw na pagmamahal, pinatototohanan ko ang mga bagay na ito sa Kanyang Banal na pangalan.”25