Bakit mas malaking kasalanan ang hindi magpatawad kaysa gawan ng pagkakamali ang isang tao?
Itinuro ng Panginoon na: “Nararapat ninyong patawarin ang isa’t isa; sapagkat siya na hindi nagpapatawad sa kanyang kapatid ng kanyang mga pagkakasala ay nahatulan na sa harapan ng Panginoon; sapagkat mananatili sa kanya ang mas malaking kasalanan.
“Ako, ang Panginoon, ay magpapatawad sa yaong aking patatawarin, subalit kayo ay kinakailangang magpatawad sa lahat ng tao” (D at T 64:9–10).
Kapag ipinagkait natin ang pagpapatawad, mas pinangingibabaw natin ang ating limitadong paghatol kaysa sa perpektong paghatol ng Panginoon. Perpekto ang kaalaman Niya tungkol sa puso at kalagayan ng mga tao, at ang paghatol ay sa Kanya lamang. Sa huli ay perpektong kahatulan at awa ang ibibigay Niya sa lahat—kapwa sa mga gumawa ng kamalian sa ibang tao at sa mga taong ginawan ng kamalian.
Bukod pa rito, sa pag-uutos sa atin na magpatawad, tinutulungan tayo ng Panginoon na piliin ang kaligayahan sa halip na kalungkutan, na kalimutan ang ating mga sama-ng-loob at galit at tumanggap ng paggaling sa pamamagitan ng Kanyang biyaya. At matutuklasan natin na, tulad ng ipinaalala sa atin ni Elder Kevin R. Duncan ng Pitumpu, “Ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas ay hindi lamang para sa mga taong kailangang magsisi; ito ay para rin sa mga taong kailangang magpatawad” (“Ang Nakapagpapagaling na Pamahid ng Pagpapatawad,” Liahona, Mayo 2016, 35).