Huwag Kalimutang Ipagdasal si Erik
Ang awtor ay naninirahan sa Nevada, USA.
“Bawat tao’y malayang pumili’t magpasya” (Hymns, blg. 240).
Lumuhod ang pamilya ni Kari sa tabi ng sopa para magdasal. Bawat isa ay magalang na naghalukipkip ng kanilang kamay. Hinilingan ni Papa ang batang kapatid ni Kari na si Liv, na mag-alay ng panalangin.
“Huwag mong kalimutang pasalamatan ang Ama sa Langit sa marami nating pagpapala,” paalala ni Papa sa kanya.
“At huwag mong kalimutang ipagdasal si Erik,” dagdag ni Mama. Palaging ipinaaalala sa kanila ni Mama na ipagdasal si Erik.
Si Erik ay kuya ni Kari. Bago siya nagkolehiyo, matalik silang magkaibigan ni Kari. Talagang hinanap-hanap ni Kari ang masasayang bagay na ginawa nila noon.
Ilang buwan pa lang ang nakararaan, sinabi ni Erik kina Mama at Papa na ayaw na niyang maging miyembro ng Simbahan. Nagulat at nalungkot si Kari at ang kanyang pamilya. Sinimulan nilang ipagdasal si Erik gabi-gabi. Kung minsan ipinagdarasal nilang madama ni Erik ang Espiritu Santo at gustuhin nang bumalik sa simbahan. Ipinagdasal ni Papa na magliwanag ang isipan ni Erik para makagawa siya ng mabubuting pasiya. Madalas ipagdasal ni Mama na matulungan sana si Erik ng isang taong pinagkakatiwalaan niya na mahanap ang tamang landas. Pagkatapos ng mga panalangin nilang lahat, hindi mapigil ni Kari na magalit nang kaunti. Bakit hindi pa ibinabalik ng Ama sa Langit si Erik sa simbahan?
Sa huli, nang magbukas ng bibig si Liv para magdasal, hindi na nakapagpigil si Kari. “Bakit hindi pa sinasagot ng Ama sa Langit ang mga panalangin natin?” bulalas niya. Gulat na napatingin ang lahat kay Kari, pero galit na galit siya kaya hindi niya napansin ito. Saglit na walang umimik.
“Kari,” sabi ni Papa, “pag-uwi mo mula sa eskuwela kanina, itinabi mo ba ang backpack mo?”
“Po?” tanong ni Kari, na nalilito. Ano ang kinalaman ng backpack niya rito? Sumulyap siya sa pintuan sa harapan at nakita niya ang kanyang backpack na nakasandal sa dingding sa halip na nakasabit sa tabi ng backpack ni Liv. “Hindi po … sori po.”
“Hindi ba ipinaalala sa iyo ni Mama na isabit ito?”
“Opo,” sagot ni Kari. Napayuko siya.
“Hindi ba madalas ipaalala sa iyo ni Mama na isabit ang backpack mo?”
“Opo,” bulong ni Kari. Hindi pa rin niya alam kung ano ang kinalaman nito sa anuman. Hindi ba sineryoso ni Papa ang tanong niya?
“Alam ko na kapag ipinagdarasal natin si Erik, dinirinig talaga ng Ama sa Langit ang ating mga panalangin—sa tuwina. Ang problema ay baka hindi nakikinig si Erik ngayon mismo. Maaaring pagpasiyahan ni Erik kung pakikinggan niya ang Espiritu Santo, gaya ng pagpapasiya mo kung pakikinggan mo si Mama tungkol sa backpack mo. Pero palagay mo ba palagi mong babalewalain si Mama kapag inutusan ka niyang isabit ang backpack mo?”
“Hindi po siguro,” sabi ni Kari.
“Balang-araw makikinig siya!” sabi ni Mama, na kumindat kay Kari. Ngumiti si Kari.
“Kaya siguro po balang-araw makikinig din si Erik,” dagdag ni Kari.
“Tama,” sabi ni Mama. “Ang pakikinig sa Espiritu Santo ay isang kasanayan na dapat linangin. Baka hindi pa natututuhan ni Erik ang kasanayang iyon.” Nagsimulang gumanda ang pakiramdam ni Kari.
Yumuko silang lahat habang nagdarasal si Liv. Ipinagdasal niya na matuto si Erik na makinig sa Espiritu Santo. Habang nagdarasal si Liv, napayapa at nag-alab ang damdamin ni Kari. Alam niya na naririnig ng Ama sa Langit ang kanilang mga panalangin. Habang binabanggit ni Liv ang ilang paraan na napagpala ang kanilang pamilya, naisip ni Kari ang isa pang biyayang idaragdag sa listahan—mas naunawaan na niya ngayon ang tungkol sa panalangin!
Nang matapos ang panalangin, alam ni Kari na hindi nalilimutan ng Ama sa Langit si Erik. Alam din niya na hindi siya kalilimutan ng Ama kailanman.