Ang Ating Paniniwala
Naniniwala Tayo na Pupunuin ng Simbahan ang Mundo
Anim lamang ang miyembro ng Simbahan nang itatag ito noong 1830 sa isang munting bayan sa New York, USA. Simula noon umabot na sa mahigit 15.5 milyon ang mga miyembro ng Simbahan na may mga ward at branch sa mahigit 150 bansa. Ang paglagong ito ang katuparan ng propesiya sa Lumang Tipan na ang Simbahan ay lalaganap hanggang sa mapuno nito ang buong mundo (tingnan sa Daniel 2:31–45). Ang Simbahan—ang kaharian ng Diyos sa lupa—ay inilarawan bilang isang bato na “tinibag sa bundok, hindi ng mga kamay” (Daniel 2:45), na naghahayag na ito ay isang gawaing banal at hindi gawa ng tao.
Kahit pinupuno ng impluwensya ng Simbahan ang mundo, kakaunti pa rin ang mga miyembro nito. Nakinita ito ni Nephi at isinulat niya tungkol sa ating panahon, “Namasdan ko ang simbahan ng Kordero ng Diyos, at ang bilang nito ay kakaunti” dahil sa kasamaan sa paligid (1 Nephi 14:12). Habang papalapit ang Ikalawang Pagparito ni Jesucristo, ang mundo, mas lalong magiging masama, at “di-gaanong magiging popular ang pagiging Banal sa mga Huling Araw.”1
Ngunit nakinita rin ni Nephi “na ang simbahan ng Kordero, na mga banal ng Diyos, ay nasa lahat din ng dako ng mundo” (1 Nephi 14:12). Ang mga ward at branch ay matatagpuan sa buong daigdig, ang pangkalahatang kumperensya ay ini-interpret sa mahigit 90 wika, at halos 75,000 full-time missionary ang nagbabahagi ng ebanghelyo sa 418 mission. Ipinalalaganap din ang ebanghelyo sa buong mundo sa pamamagitan ng social media at mga website tulad ng Mormon.org at LDS.org.
Ang mga pagsisikap na ito ay mahalaga at malawakan ngunit kadalasan ay di-gaanong napapansin. “Ang gawaing ito ng Panginoon ay tunay na dakila at kagila-gilalas, subalit ito’y sumusulong na hindi napapansin ng maraming lider sa pulitika, kultura, at akademiya. Pinauunlad nito ang bawat tao at bawat pamilya, nang tahimik at di sapilitan, ang banal na mensahe nito ay nagpapala sa mga tao saan mang dako.”2
Ang batong ipinropesiya noong unang panahon ay talagang lumalaganap, at kapag ginawa natin ang ating tungkulin, ang ebanghelyo ay patuloy na lalaganap at pupunuin nito ang buong mundo (tingnan sa Daniel 2:31–45).
Ano ang maitutulong natin para maipalaganap ang ebanghelyo?
-
Ang pagsunod sa mga kautusan at pagpapalakas ng ating patotoo ay nagbibigay sa atin ng pundasyon para makatulong sa pagpapalaganap ng ebanghelyo.
-
Ang pagtuturo ng ebanghelyo sa ating pamilya ay nagpapatatag sa kanila na mamuhay nang tapat sa isang mundo na iba ang itinuturo sa kanila.
-
Ang pagtupad sa ating tungkulin ay tumutulong na mapalakas ang Simbahan sa ating lugar.
-
Makakatulong tayong ipalaganap ang ebanghelyo sa simpleng pakikipag-usap sa mga tao tungkol dito.
-
Sa templo makapagsasagawa tayo ng mga ordenansa para sa mga taong namatay nang hindi naririnig ang ebanghelyo sa buhay na ito.
Ang Hinaharap ng Simbahan
“Kakaunti lamang ang nakikita ninyo ritong mga Priesthood ngayong gabi, ngunit pupunuin ng Simbahang ito ang Hilaga at Timog Amerika—pupunuin nito ang buong mundo.”
Si Propetang Joseph Smith (1805–44), sa isang priesthood meeting noong 1834, sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 160.