Mga Ideya mula sa Doktrina at mga Tipan tungkol sa Ama at sa Anak
Inihahayag ng aklat na ito ng paghahayag ang nawalang mga katotohanan tungkol sa Panguluhang Diyos at kung paano natin muling makakapiling ang Tagapagligtas at ang Ama sa Langit.
Ang Panunumbalik ng ebanghelyo ay nagbigay sa mundo ng higit na kaalaman tungkol sa katangian ng Panguluhang Diyos at sa Kanilang mga layunin. Sa kaalamang ito, lumalago ang pananampalataya natin sa Kanila at lalo nating hinahangad na sundin ang Kanilang mga utos.
Ang Doktrina at mga Tipan, lalo na, ay tinutulungan tayong malaman ang iba pa tungkol kay Jesucristo dahil itinuturo nito ang mga makapangyarihang katotohanan hinggil sa “Kanyang kabanalan, Kanyang kamahalan, Kanyang kaganapan, Kanyang pagmamahal, at Kanyang kapangyarihang tumubos” (pambungad sa Doktrina at mga Tipan). Kabilang sa aklat na ito ng makabagong paghahayag ang paanyaya ng Panginoon na “matuto ka sa akin, at makinig sa aking mga salita” (D at T 19:23). Mapapalalim nito ang ating pag-unawa sa Kanya, ang ating kaugnayan sa Kanya, ang Kanyang nagawa para matubos tayo, at ang inaasahan Niya sa atin.
Sa Doktrina at mga Tipan, maririnig natin ang tinig ni Jesucristo
Ang Doktrina at mga Tipan ay hindi sinaunang banal na kasulatan ngunit naglalaman ng mga paghahayag na ibinigay kay Joseph Smith at sa mga humalili sa kanya sa ating makabagong mundo. Maririnig ang banal na tinig ni Jesucristo na nagsasalita bilang kinatawan ng Ama.1 Ang tinig mismo ng Panginoong Jesucristo ay nakatala nang mas madalas sa Doktrina at mga Tipan kaysa sa pinagsama-samang Bagong Tipan, Aklat ni Mormon, at Mahalagang Perlas.2
-
D at T 18:33–35 “Ako, si Jesucristo, na inyong Panginoon at inyong Diyos, ang nagsabi nito. Ang mga salitang ito ay hindi mula sa mga tao … , kundi mula sa akin; … ang aking tinig ang nangusap ng mga ito sa inyo.”
Ang Doktrina at mga Tipan ay naglalaman ng mga salaysay ng mga taong nakakita sa Diyos
Bunga ng Unang Pangitain noong 1820, ang batang si Joseph Smith mismo ay nagtamo ng kaalaman tungkol sa pag-iral ng Ama at ng Anak. Nakatala sa Doktrina at mga Tipan ang iba pang mga pagkakataon na nakita ng mga Propeta at iba pa ang Ama at ang Anak sa mga pangitain o sa personal na pagpapakita. Ang mga salaysay na ito ay nagsisilbing mga makabagong saksi para sa atin na Sila ay buhay at na Sila ang pumatnubay sa Panunumbalik ng ebanghelyo.
-
D at T 76:19–23 Nakita ang mga Ama at ang Anak sa pangitain noong Pebrero 1832.
-
D at T 137:1–3 Nakita ang Ama at ang Anak sa pangitain noong Enero 1836.
-
D at T 110:2–4 Nagpakita ang dakilang Jehova, na si Jesucristo, noong Abril 1836.
Tinutulungan tayo ng Doktrina at mga Tipan na malaman ang tungkol sa Diyos Ama
Itinuro ni Propetang Joseph Smith: “Kapag nauunawaan natin ang pagkatao ng Diyos, at alam natin kung paano lumapit sa Kanya, sisimulan Niyang ihayag sa atin ang kalangitan. … Kapag handa na tayong lumapit sa Kanya, handa Siyang lumapit sa atin.”3 Tinutulungan tayo ng Doktrina at mga Tipan na mas mapalapit sa Ama sa Langit sa pamamagitan ng pagtuturo tungkol sa Kanyang likas na pagkatao, mga katangian, at mga layunin.
-
D at T 20:12, 17–18 Ang Diyos Ama ay walang hanggan at hindi nagbabago.
-
D at T 76:20, 23 Ang Ama at ang Anak ay magkahiwalay at magkaibang mga nilalang.
-
D at T 93:3–5 Ang Ama at ang Anak ay isa.
-
D at T 130:22 Ang Ama at ang Anak ay may katawang may laman at mga buto.
-
D at T 138:3–4 Mahal ng Ama sa Langit ang Kanyang mga anak, kaya isinugo Niya ang Kanyang Anak upang iligtas ang sangkatauhan.
Tinutulungan tayo ng Doktrina at mga Tipan na matuto tungkol kay Jesucristo
Si Jesucristo ang Panganay sa lahat ng espiritung anak ng Ama sa Langit. Sa premortal na buhay, natamo ni Jesus ang lahat ng kaalaman at kapangyarihan at kinatawan Niya ang Ama bilang Lumikha ng mga daigdig. Sa pamamagitan ng Kanyang banal na kapangyarihan, ang Panginoong Jesucristo ang pinagmumulan ng liwanag at buhay para sa lahat ng Kanyang nilikha. NiIilinaw sa Doktrina at mga Tipan ang marami sa Kanyang mga tungkulin sa plano ng Ama.
-
D at T 93:21 Si Jesucristo ang Panganay sa lahat ng espiritung anak ng Diyos.
-
D at T 38:1–3 Natamo ni Jesucristo ang lahat ng kaalaman at kapangyarihan bago nilikha ang mundo.
-
D at T 76:24 Kinatawan ni Jesucristo ang Ama bilang Lumikha ng mga daigdig.
-
D at T 88:6–13 Si Jesucristo ang pinagmumulan ng liwanag at buhay para sa lahat ng Kanyang likha.
-
D at T 45:11; 136:21, 22 Si Jesucristo ang dakilang Jehova ng Lumang Tipan.
-
D at T 43:34 Si Jesucristo ang Tagapagligtas ng sangkatauhan.
-
D at T 18:11–13; 20:21–25 Si Jesucristo ay nagdusa, ipinako sa krus, namatay, at muling nagbangon.
-
D at T 29:10–12 Nangako si Jesucristo na babalik sa lupa na may kapangyarihan at kaluwalhatian.
Tinutulungan tayo ng Doktrina at mga Tipan na malaman kung ano ang inaasahan sa atin ng Ama at ng Anak
Higit pa sa alinmang aklat ng banal na kasulatan, nililinaw ng Doktrina at mga Tipan kung ano ang buhay na walang hanggan: ang makabalik sa piling ng Ama at ng Anak, tanggapin ang lahat ng mayroon ang Ama, at maging katulad Nila. Sinasabi rin nito sa atin kung paano ito ginagawang posible ni Jesucristo, sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala, at kung ano ang kailangan nating gawin para magawa ang Kanyang mga ipinagagawa. Bukod pa riyan, natututuhan natin sa Doktrina at mga Tipan ang kahulugan ng pagsunod sa halimbawa ni Jesucristo, yamang, katulad natin, hindi nagkaroon ng kaganapan si Jesucristo sa simula kundi sa halip ay tumanggap Siya nang biyaya sa biyaya hanggang sa taglayin Niya ang buong kapangyarihan at kaluwalhatian.
-
D at T 1:32; 19:16–19; 58:42–43; 95:1–2 Nag-aalok ang Tagapagligtas ng kapatawaran sa mga nagsisisi.
-
D at T 20:37, 41, 72–74; tingnan din sa 33:11 Inaanyayahan ng Panguluhang Diyos ang mga naniniwala na magpabinyag at tanggapin ang Espiritu Santo.
-
D at T 84:19–21 Sa pamamagitan ng mga ordenansa ng Melchizedek Priesthood, nahahayag ang kapangyarihan ng kabanalan.
-
D at T 93:12–14, 16–17 Tumanggap si Jesucristo nang biyaya sa biyaya hanggang sa magkaroon Siya ng kaganapan.
-
D at T 20:30–31 Binibiyayaan ng Tagapagligtas ang mga nagmamahal at naglilingkod sa Kanya.
-
D at T 35:2; 50:40–43 Maaari tayong maging kaisa ng Ama at ng Anak.
-
D at T 93:19–20 Maaari nating matanggap ang kaluwalhatian at kaganapan ng Ama.
Ang Doktrina at mga Tipan ay naglalaan ng huwaran sa pagtatamo ng espirituwal na kaalaman
Bukod sa pagtuturo at pagpapatotoo tungkol sa Ama at sa Anak, ang Doktrina at mga Tipan ay naglalaan ng huwaran para magtamo ng espirituwal na kaalaman tungkol sa lahat ng miyembro ng Panguluhang Diyos sa tulong ng Espiritu Santo: pag-aralan ang salita ng Panginoon, humiling ng pang-unawa sa Ama sa Langit, at sumampalataya kay Jesucristo sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang mga kautusan.
Ang liwanag at katotohanan ay ipinangako sa mga namumuhay ayon sa lahat ng salita ng Panginoon. Mahalagang malaman ang mga detalye tungkol sa likas na katangian ng Panguluhang Diyos at ang Kanilang mga layunin. Ang kaalamang ito ay maaaring humantong sa masigasig na paghahanap ng espirituwal na pang-unawa at matibay na paniniwala sa katotohanan. Pinagtitibay sa atin ng kaalamang ito na personal tayong kilala ng Ama sa Langit at ni Jesucristo, na mahal Nila tayo, at nais Nilang biyayaan tayo ng buhay na walang hanggan.
-
D at T 6:5; 76:5–10, 114–118 Nais ng Ama sa Langit na humiling tayo ng kaalaman at nangangako Siyang ibahagi ito.
-
D at T 84:43–48 Tinuturuan tayo ng Ama kapag masigasig tayong nakikinig sa Kanyang mga salita.
-
D at T 88:118 Hangaring matuto sa pamamagitan ng pag-aaral at pananampalataya.
Katapusan
Tinutulungan tayo ng Doktrina at mga Tipan na mas mapalapit sa Ama sa Langit at sa Kanyang Bugtong na Anak na si Jesucristo sa pamamagitan ng paghahayag ng Kanilang katangian at Kanilang mga layunin. Ibinuod ni Propetang Joseph Smith kung bakit tayo maaaring magtiwala at umasa sa Diyos: “Dakila ang mga layunin ng ating Diyos, walang katapusan ang Kanyang karunungan, at walang hanggan ang Kanyang kapangyarihan; samakatwid, may dahilan ang mga Banal para magalak at magsaya, batid na ‘ang Dios na ito ay ating Dios magpakailanman-kailan man’ (Awit 48:14).”4