Ating mga Tahanan, Ating mga Pamilya
Gusto Kong Makapiling Kayo Magpakailanman!
Ang awtor ay naninirahan sa Santo Domingo, Dominican Republic.
Nakatulong ang pananampalataya ng isang anim-na-taong-gulang sa pagbabalik ng aking pananampalataya.
Noong 22 anyos ako, may nangyari sa buhay ko na hindi ko inasahan: namatay ang nanay ko. Malakas ang pananampalataya niya at ng tatay ko, at pinalaki nila ako sa ebanghelyo. Pagkamatay niya, nangibang-bansa ang tatay ko at nagtungo sa Estados Unidos. Sa paglipas ng panahon, labis na akong nalungkot dahil nag-iisang anak ako. Hindi ko kasama ang nanay ko rito sa lupa, at malayo ang tirahan ng tatay ko; tatlong linggo ko lang siyang nakita sa buong taon.
Dahil sa mga damdaming iyon, lalo akong naghanap ng kanlungan sa “mga kaibigan” ko sa kolehiyo at sa opisinang pinagtatrabahuhan ko. Unti-unti, nakahanap ako ng artipisyal na kaligayahan sa mga temporal na bagay. Tumigil ako sa pagsisimba, at unti-unti akong naging lubos na di-aktibo. Kalaunan, nagpakasal ako sa isang kahanga-hangang binata na, bagama’t may napakagagandang tuntunin sa buhay, ay walang alam tungkol sa ebanghelyo. Nagkaroon kami ng tatlong anak: sina Leah, Isaac, at Ismael.
Isang buwan ng Oktubre, bumisita si Itay para makita ang bagong silang na sanggol. Nang bumisita siya, tinanong ng anim-na-taong-gulang na si Leah ang lolo niya kung bakit hindi niya isinama ang lola niya kahit kailan. Sa gayo’y ipinaliwanag sa kanya ni Itay na nasa napaka-espesyal na lugar si Lola na malapit sa Ama sa Langit. Pag-alis ni Itay, namimilit na sinabi sa akin ni Leah, “Inay, gusto kong makilala si Lola. Alam ko na nasa langit na siya, pero gusto ko ring magkasama-sama tayo roon balang-araw—sina Lola’t Lolo, Itay, Isaac, Ismael, at tayong dalawa. Gusto kong makapiling kayo magpakailanman. Gusto ko tayo rin ang magkakapamilya roon na katulad dito para makalaro natin si Lola!”
Hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko. Hinaplos ko ang maganda at inosente niyang mukha, at saka ako lumakad papunta sa kuwarto ko. Lumuhod ako at umiyak hanggang sa maubusan ako ng luha. Humingi ako ng kapatawaran sa Ama sa Langit. Alam ko na lumihis ako mula sa landas na magtutulot na magkasama-sama kami bilang isang walang-hanggang pamilya. Bigo ako sa responsibilidad kong akayin sila sa tamang landas, at bigo akong kausapin ang asawa ko tungkol sa ebanghelyo.
Nang makatayo na ako, kinontak ko ang isang lider ng Simbahan, at pinakontak niya ako sa mga elder sa aming ward. Nang sumunod na gabi, dumating sila at tinuruan ang asawa ko. Mula noong gabing iyon, nagbago na ang buhay namin magpakailanman. Nagsisimba na kami ngayon tuwing Linggo bilang pamilya. May calling ako na nagtutulot sa akin na matulungan ang di-gaanong aktibong kababaihan. Naghahanda na rin kaming pumasok sa templo.
Kung minsan ay ginagabayan tayo ng Espiritu ng Diyos sa mga bagay na hindi natin inaasahan. Sa pagkakataong ito nangyari iyon sa pamamagitan ng aking anim-na-taong-gulang na anak na babae. Alam ko na ngayon na sa pamamagitan ng pagbubuklod sa templo, maaari kong makapiling ang pamilya ko magpakailanman.