Mensahe ng Unang Panguluhan
Pagtutok sa Sentro
Kamakailan, pinanood ko ang isang grupo ng mga tao na nagpapraktis ng archery. Sa panonood lang, naging malinaw sa akin na kung talagang gusto mong maging mahusay sa paggamit ng pana at palaso, kailangan mo ng panahon at praktis.
Palagay ko hindi ka kikilalaning mahusay na archer kung papanain mo ang isang dingding na walang nakasabit at magdodrowing ng mga target sa paligid ng mga palaso. Kailangan mong matutuhang hanapin ang target at tamaan ang bull’s-eye.
Pagpipinta ng mga Target
Tila medyo nakakatawa ang pagpana muna at pagdodrowing ng target sa paligid ng pana pagkatapos, ngunit kung minsa’y iyon mismo ang nakikita sa pag-uugali natin sa iba pang mga sitwasyon sa buhay.
Bilang mga miyembro ng Simbahan, kung minsa’y mahilig tayong pumili ng mga programa, isyu, at maging ng mga doktrina ng ebanghelyo na tila nakakatuwa, mahalaga, o nakasisiya sa atin. Natutukso tayong magdrowing ng mga target sa paligid ng mga ito, na pinaniniwala tayo na nakatutok tayo sa sentro ng ebanghelyo.
Madaling gawin iyan.
Sa nakalipas na mga panahon tumanggap na tayo ng napakagandang payo at inspirasyon mula sa mga propeta ng Diyos. Tumanggap din tayo ng patnubay at paglilinaw sa iba’t ibang mga lathalain, hanbuk, at manwal ng Simbahan. Madali tayong makakapili ng paborito nating paksa ng ebanghelyo, magdrowing ng bull’s-eye sa paligid nito, at mangatwiran na natukoy na natin ang sentro ng ebanghelyo.
Nagpaliwanag ang Tagapagligtas
Hindi kakaiba ang problemang ito sa ating panahon. Noong unang panahon, gumugol ng maraming oras ang mga pinuno ng relihiyon sa pagtatala, pagraranggo, at pagdedebate kung alin sa daan-daang utos ang pinakamahalaga.
Isang araw sinubukang akitin ng isang grupo ng mga iskolar ng relihiyon ang Tagapagligtas na makipagtalo. Hiniling nila na magbigay Siya ng pananaw tungkol sa isang isyu na masasang-ayunan ng ilan.
“Guro,” tanong nila sa Kanya, “alin baga ang dakilang utos sa kautusan?”
Alam nating lahat kung ano ang sagot ni Jesus: “Iibigin mo ang Panginoon mong Dios ng buong puso mo, at ng buong kaluluwa mo, at ng buong pagiisip mo.
“Ito ang dakila at pangunang utos.
“At ang pangalawang katulad ay ito, Iibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili.
“Sa dalawang utos na ito’y nauuwi ang buong kautusan, at ang mga propeta.”1
Pansinin lamang ang huling sinabi: “Sa dalawang utos na ito’y nauuwi ang buong kautusan, at ang mga propeta.”
Hindi lamang ipinakita sa atin ng Tagapagligtas ang target, kundi tinukoy Niya rin ang bull’s-eye.
Pagtama sa Target
Bilang mga miyembro ng Simbahan, nakikipagtipan tayo na tataglayin natin sa ating sarili ang pangalan ni Jesucristo. Nakapahiwatig sa tipang iyon ang pag-unawa na sisikapin nating malaman ang tungkol sa Diyos, mamahalin Siya, palalakasin ang ating pananampalataya sa Kanya, igagalang Siya, tatahakin ang Kanyang landas, at tatayo nang matatag bilang Kanyang mga saksi.
Habang lalo tayong natututo tungkol sa Diyos at nadarama natin ang Kanyang pagmamahal sa atin, lalo nating nauunawaan na ang walang-hanggang sakripisyo ni Jesucristo ay isang banal na kaloob ng Diyos. At binibigyang-inspirasyon tayo ng pagmamahal ng Diyos na tahakin ang landas tungo sa tunay na pagsisisi, na hahantong sa himala ng pagpapatawad. Binibigyang-kakayahan tayo ng prosesong ito na magkaroon ng higit na pagmamahal at habag sa mga nasa paligid natin. Matututo tayong unawain ang iba nang higit pa sa ating nakikita. Lalabanan natin ang tuksong akusahan o husgahan ang iba ayon sa kanilang mga kasalanan, pagkukulang, kapintasan, opinyon sa pulitika, paniniwala sa relihiyon, nasyonalidad, o kulay ng balat.
Kikilalanin natin ang bawat makilala natin bilang anak ng ating Ama sa Langit—bilang kapatid nating lalaki o babae.
Tutulungan natin ang iba nang may pag-unawa at pagmamahal—lalo na ang mga tao na maaaring hindi madaling mahalin. Makikidalamhati tayo sa mga nagdadalamhati at aaliwin natin ang mga nangangailangan ng aliw.2
At mauunawaan natin na hindi tayo kailangang malito tungkol sa tamang target ng ebanghelyo.
Ang dalawang dakilang utos ang target. Sa dalawang utos na ito nauuwi ang buong kautusan at ang mga propeta.3 Kapag tinanggap natin ito, lahat ng iba pang mabubuting bagay ay malalagay sa dapat nilang kalagyan.
Kung ang ating pangunahing tuon, pag-iisip, at mga pagsisikap ay nakasentro sa pagpapaibayo ng ating pagmamahal sa Diyos na Maykapal at minamahal natin ang iba, malalaman natin na natagpuan na natin ang tamang target at nakatutok tayo sa bull’s-eye—ang maging tunay na mga disipulo ni Jesucristo.