Ipinropesiyang mga Alituntunin ng Katapatan
Mula sa isang mensahe sa debosyonal, “Where Will You Be in 20 Years?” na ibinigay sa Brigham Young University–Idaho noong Mayo 15, 2012. Para sa buong mensahe sa Ingles, magpunta sa web.byui.edu/devotionalsandspeeches.
Anong mga desisyon at pangako ang kailangan ninyong gawin ngayon at sa hinaharap para matulungan kayong manatiling tapat?
Mahigit 20 taon na ang nakalipas, natapos ko ang paglilingkod ko bilang mission president sa South America. Nakita namin ng asawa kong si Rhonda, ang malaking tagumpay gayundin ang nakalulungkot na trahedya sa buhay ng aming mga missionary sa loob ng 20 taong iyon.
Karamihan sa aming mga missionary ay masayang nabuklod sa templo, nagpapalaki ng mabubuting anak at ipinadadala sila sa mission, at matapat na naglilingkod sa mga katungkulan sa priesthood at auxiliary ng Simbahan. Gayunpaman, may ilan na di-gaanong aktibo, ang ilan ay ikinasal at nagdiborsyo, at ang iba ay natiwalag sa Simbahan.
Ano ang nakagawa ng kaibhan sa buhay ng dati naming mga missionary? Ano kaya ang kakaibang ginawa ng ilan sa kanila para maiwasan ang personal na trahedya? Kayo kaya? Ano ang kapupuntahan ninyo pagkaraan ng 20 taon? Anong mga desisyon at pangako ang kailangan ninyong gawin ngayon at sa hinaharap para matulungan kayong manatiling tapat?
May 10 alituntunin akong imumungkahi na makakatulong sa inyo.
1 Patuloy na Pangalagaan ang Inyong Patotoo
Ang mga karanasan sa mission na puspos ng Espiritu ang naglalatag ng pundasyon ng pananampalataya na maaaring magpala sa inyo habambuhay. Ang pundasyong iyan ng pananampalataya ay mapapahina lamang ng kapabayaan o kasalanan.
Kamakailan ay may ininterbyu akong isang returned missionary na di-gaanong aktibo at nagsabing nawalan na siya ng pananampalataya. Tinanong ko siya kung nagdarasal siya at pinag-aaralan niya ang Aklat ni Mormon, tulad noong missionary pa siya. Hindi na raw dahil nawalan na siya ng pananalig kay Joseph Smith.
Nadama ko na dapat kong itanong ito sa kanya: “Tumitingin ka ba sa pornograpiya?” Sumagot siya ng oo. Sinabi ko sa kanya na hindi nakapagtataka na nawalan na siya ng patotoo.
Ipinaliwanag ko na ang patotoo ay pagsaksi ng Espiritu Santo sa ating kaluluwa tungkol sa katotohanan ng ebanghelyo at ng ipinanumbalik na Simbahan. Kapag hindi tayo nagdarasal at nag-aaral ng mga banal na kasulatan, ang impluwensya ng Espiritu sa ating buhay ay humihina, kaya hindi natin napaglalabanan ang tukso. Kapag nagkakasala at nagiging marumi tayo, hindi na tayo pinapatnubayan ng Espiritu Santo. Kung wala ang patuloy na pagsaksi ng Espiritu, madali nating maiisip na wala tayong patotoo at siguro’y hindi tayo nagkaroon nito kailanman.
Kailangang patuloy na pangalagaan ang ating patotoo. Ang pangangalagang iyan ay nagmumula sa personal na panalangin, araw-araw na pag-aaral ng banal na kasulatan—lalo na ng Aklat ni Mormon—at habambuhay na paglilingkod sa Simbahan.
2 Sundin ang Payo ng mga Buhay na Propeta at Apostol
Muli kong babasahin ang payo ng propeta na makakatulong na maging masaya ang pagsasama ninyong mag-asawa, maging tapat ang inyong pamilya, at maging matagumpay ang inyong buhay. Ang tinutukoy ko ay ang “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo.” Ibabahagi ko ang ilang mahahalagang bahagi ng paghahayag na iyon, na inilabas ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol noong 1995. Sinasang-ayunan natin ang mga Kapatid na ito bilang mga propeta, tagakita, at tagapaghayag. Sila ang mga tagapagsalita ng Panginoon sa Kanyang mga anak sa lupa.
Noong araw na inorganisa ang Simbahan, ganito ang sinabi ng Diyos tungkol sa Kanyang propeta, “Sapagkat ang kanyang salita ay inyong tatanggapin, na parang mula sa sarili kong bibig, nang buong pagtitiis at pananampalataya.” At nangangako ang Panginoon ng temporal na mga pagpapala at walang-hanggang mga biyaya kapag sinusunod natin ang payo ng mga propeta: “Sapagkat sa pamamagitan ng paggawa ng mga bagay na ito ang pintuan ng impiyerno ay hindi mananaig laban sa inyo; oo, at itataboy ng Panginoong Diyos ang mga kapangyarihan ng kadiliman mula sa harapan ninyo, at payayanigin ang kalangitan para sa inyong ikabubuti, at sa ikaluluwalhati ng kanyang pangalan” (D at T 21:5–6).
Napakagandang pagpapala sa mga panahong ito ng paghihirap.
3 Mabuklod sa Templo at Tuparin ang Inyong mga Tipan
Ang mga propeta, tagakita, at tagapaghayag ay “nagpapahayag na ang kasal sa pagitan ng isang lalaki at isang babae ay inorden ng Diyos at ang pamilya ang sentro sa plano ng Tagapaglikha para sa walang hanggang tadhana ng Kanyang mga anak.” Dagdag pa nila: “Ang plano ng kaligayahan ng Diyos ang nagpapahintulot sa mga ugnayan ng mag-anak na magpatuloy sa kabilang-buhay. Ang mga banal na ordenansa at tipan na makukuha sa mga banal na templo ang nagbibigay ng pagkakataon sa mga tao na makabalik sa kinaroroonan ng Diyos at upang ang mga mag-anak ay magkasama-sama sa walang hanggan.”1
Ang pinakamahalagang desisyong gagawin ninyo sa buhay ay “magpakasal sa tamang tao, sa tamang lugar, sa pamamagitan ng tamang awtoridad”2 at pagkatapos ay tuparin ang inyong mga tipan sa templo. Walang kadakilaan kung walang pagbubuklod sa templo.
Para maging karapat-dapat sa kadakilaan, ang mga mag-asawa ay kailangang pumasok sa “bago at walang hanggang tipan, ay ito ay [kailangang] ibinuklod sa kanila ng Banal na Espiritu ng pangako, sa pamamagitan niya na siyang hinirang”—ang propeta. Kung tutuparin natin ang ating mga tipan sa templo, tayo ay “magmamana ng mga trono, kaharian, pamunuan, at kapangyarihan, mga sakop, lahat ng taas at lalim … at kaluwalhatian sa lahat ng bagay, … kung aling kaluwalhatian ay magiging isang kaganapan at isang pagpapatuloy ng mga binhi magpakailanman at walang katapusan” (D at T 132:19; tingnan din sa talata 7).
Ang pagbubuklod sa templo ay naglalaman ng pangako ng walang-hanggang mga pagpapala sa kabilang buhay at mas malamang na humantong sa masayang pagsasama ng mag-asawa sa buhay na ito. Bilang inilaan na anak ng Diyos, kayo ay nakipagtipan na pumarito sa lupa sa panahong ito upang itayo ang kaharian ng Diyos. Ang pagtatayong iyan ng kaharian ay kinabibilangan ng sarili ninyong kasal sa templo.
4 Makipagtuwang sa Diyos sa Pagdadala ng Kanyang mga Espiritung Anak sa Lupa
Nakasaad sa paghahayag tungkol sa mag-anak na: “Ang unang kautusan na ibinigay ng Diyos kina Adan at Eva ay tungkol sa potensyal nilang maging magulang bilang mag-asawa. Ipinapahayag namin na ang utos ng Diyos na magpakarami ang Kanyang mga anak at kalatan ang lupa ay nananatiling may bisa.”
Mas maliit ang mga pamilya ngayon kaysa nakaraang henerasyon—maging ang mga pamilyang LDS. Lagi tayong makakahanap ng mga dahilan para pangatwiranan ang pagpapaliban o paglilimita sa dami ng ating mga anak. Halimbawa, “Kailangan muna tayong makatapos ng pag-aaral” o “Kailangan tayong magkaroon ng mas magandang trabaho para kumita tayo nang mas malaki” o “Bakit mo aalisin ang saya sa pagsasama ng mag-asawa sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mga anak?”
Nabiyayaan kayo ng patotoo tungkol sa ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo. Nasa inyo ang mga pagpapala ng kawalang-hanggan na maibibigay ninyo sa inyong mga anak. Huwag ninyong masyadong isipin na kailangan ninyong ilaan ang lahat ng temporal na bagay. Ang pinakamagandang maipagkakaloob ninyo sa inyong mga anak ay ang access sa lahat ng espirituwal na bagay sa kaharian ng Diyos.
Kapag mapanalangin kayong nag-uusap na mag-asawa tungkol sa pagkakaroon ng mga anak, tandaan na kayo ang mga kabataan na may magiting na karapatan sa pagkapanganay. Huwag sana ninyong kalimutan ang Diyos sa inyong mga pag-uusap. Ibahagi ang karapatang iyan ng pagsilang sa lahat ng anak ng Diyos na inihanda Niyang ipadala sa inyong tahanan. Tutal, noon pa man ay Kanya nang mga anak ito bago pa sila mapasainyo.
Taglay ang pananampalataya sa Diyos at sa Kanyang salita ng propesiya, sumulong nang hindi nagdadahilan o nag-aatubili at lumikha ng sarili ninyong walang-hanggang pamilya.
5 Huwag Magpasasa sa Pornograpiya o sa Iba Pang Mahalay na Pag-uugali
Sabi pa sa paghahayag, “Ang mga anak ay may karapatang isilang sa loob ng matrimonyo, at palakihin ng isang ama at isang ina na gumagalang nang buong katapatan sa pangakong kanilang ginawa nang sila ay ikasal.”
Ang ibig sabihin ng lubos na katapatan ay pisikal na katapatan at katapatan ng damdamin sa inyong kabiyak. Ang pornograpiya at mga pakikipagrelasyon online ay mga halimbawa ng taksil na damdamin. Kapag ang isang kabiyak ay nasangkot sa pornograpiya, nilalabag niya ang napakasagradong pagtitiwala ng kanyang kabiyak. Dama ng walang-malay na kabiyak na pinagtaksilan siya. Ang kumpiyansa at tiwala sa pagsasama ng mag-asawa ay nasisira at naglalaho. Pangangalunya ang nagiging bunga ng pagkasangkot sa pornograpiya.
Nadarama ko rin ang damdamin ng isang lalaki na ibinuklod sa templo ngunit nawala ang kanyang pamilya dahil sa pornograpiya at sa pakikipagrelasyon sa isang babae online. Sa kalungkutan ay isinulat niya: “Hindi ko pinakinggan ang mga salitang ibinigay sa aking patriarchal blessing, na nagsasaad na si Satanas ay hindi magkakaroon ng kapangyarihan sa buhay ko maliban kung bigyan ko siya ng kapangyarihan. Binigyan ko siya ng maraming kapangyarihan, at unti-unti ay talagang kinuha niya ito at ginamit ang kapangyarihang iyon upang sirain ang buhay ko sa piling ng aking asawa’t mga anak. Minahal ko sila nang buong puso at mahal ko pa rin sila at mamahalin sa tuwina, ngunit ang pagmamahal na iyon ay hindi sapat upang madaig ang kapangyarihang kusang-loob kong ibinigay kay Satanas para sirain ang buhay ko. Ang mga turo ng Simbahan ang nagbigay-daan para makabalik tayo bilang pamilya na ibinuklod sa panahong ito at sa buong kawalang-hanggan sa ating Ama sa Langit, kung nakinig lamang ako at sumunod sa mga ito, ngunit sa huli ay hindi ako sumunod.”
Napakalungkot na pangyayari.
6 Ituro at Ipamuhay ang Ebanghelyo sa Inyong Tahanan
Itinuturo sa atin sa paghahayag ang ilang bagay na kailangan nating gawin upang maging maligaya sa ating tahanan. “Ang kaligayahan sa buhay ng mag-anak ay lalong higit na makakamit kapag isinalig sa mga turo ng Panginoong Jesucristo. Ang mga matagumpay na buhay mag-asawa at mag-anak ay itinatatag at pinananatili sa mga alituntunin ng pananampalataya, panalangin, pagsisisi, pagpapatawad, paggalang, pagmamahalan, awa, gawa, at kapaki-pakinabang na mga gawaing panlibangan.”
Noong bagong kasal pa kami, paulit-ulit naming sinikap na makaugaliang sama-samang magbasa ng mga banal na kasulatan araw-araw bilang pamilya. Noong mga pitong taong gulang na ang panganay naming anak, nakaugalian na naming gawin ito araw-araw. Sa pagbabasa muna sa umaga bago ang lahat, tapat namin itong ipinagpatuloy simula noon. Nang makaugalian na ito ng iba pa naming mga anak, ang mga mas nakababata ay sabik na makisali nang makaintindi na sila. Kadalasan ay kailangan naming magbasa noon bago mag-alas 6:00 n.u. dahil sa early-morning seminary.
Ang mga bagong kasal ay nasa posisyon na simulan ang sarili nilang mabubuting tradisyon ng pamilya—sa pag-aaral ng banal na kasulatan ng pamilya araw-araw, pagdarasal ng pamilya, at paghahanda sa kanilang mga anak na magmisyon at makasal sa templo.
7 Igalang ang Papel ng Ama at Ina sa Pagpapalaki ng mga Anak
Ang pagpapahayag ay nagbabahagi rin ng ilang mahahalagang payo tungkol sa pagpapalaki sa mga anak: “Ang mga ina ang may pangunahing tungkulin na mag-aruga sa kanilang mga anak. Sa mga banal na tungkuling ito, ang mga ama at ina ay may pananagutang magtulungan bilang magkasama na may pantay na pananagutan.”
Kung minsan nadarama ng isang magulang na siya ang mas karapat-dapat na magpalaki at magdisiplina sa mga anak. Paulit-ulit na itinuro ng mga propeta ng dispensasyong ito na ang mga mag-asawa ay magkatuwang sa kanilang pagsasama, na lahat ng desisyon na may kinalaman sa pamilya ay dapat nilang gawin nang magkasama at sa maayos na paraan.
Ang magkatuwang ay may pantay na pananagutan. Sumangguni sa isa’t isa at manalangin nang magkasama. Magpagabay sa Espiritu para malaman ang pinakamabisang paraan ng pagpapalaki sa inyong mga anak nang magkasama. Ang kanilang walang-hanggang tadhana ay maaapektuhan ng inyong mga desisyon.
8 Gamitin ang Inyong Kalayaang Moral na Piliing Sundin ang Tagapagligtas
Ang desisyon kung ano ang kapupuntahan ninyo pagkaraan ng 20 taon o 20 siglo ay nasasainyo. Malaya kayong magpasiya; gayunpaman, ang mga ibubunga sa kawalang-hanggan ay nagmumula sa inyong mga pasiya. Dahil sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, ang mga tao “ay tinubos mula sa pagkahulog [at] sila ay naging malaya magpakailanman, nakikilala ang mabuti sa masama; kumikilos para sa kanilang sarili at hindi pinakikilos, maliban sa kaparusahan ng batas sa dakila at huling araw, alinsunod sa mga kautusang ibinigay ng Diyos.
“Anupa’t ang mga tao ay … malayang makapipili ng kalayaan at buhay na walang hanggan, sa pamamagitan ng dakilang Tagapamagitan ng lahat ng tao, o piliin ang pagkabihag at kamatayan, alinsunod sa pagkabihag at kapangyarihan ng diyablo; sapagkat hinahangad niya na ang lahat ng tao ay maging kaaba-abang katulad ng kanyang sarili” (2 Nephi 2:26–27; idinagdag ang pagbibigay-diin).
Kinapopootan kayo ni Satanas dahil sa inyong pagkatao at sa kinakatawan ninyo. Gusto niya kayong maging miserable, katulad niya. Mahal kayo ni Jesucristo. Pinagbayaran Niya ang inyong mga kasalanan. Ibinigay Niya ang Kanyang buhay para sa inyo. Inaanyayahan Niya kayong sumunod sa Kanya at magsisi, kung kailangan. Kapag nagpasiya kayong sundin ang Tagapagligtas, magkakaroon kayo ng “kaligayahan sa buhay na ito at buhay na walang hanggan sa daigdig na darating.”3
9 Magkaroon ng Pananampalataya na Magtiis Hanggang Wakas
Ang pananampalataya ay dumarating kung kayo ay nagbabalik-loob sa Panginoon. Itinuro ng propetang si Nephi: “Kaya nga, kinakailangan kayong magpatuloy sa paglakad nang may katatagan kay Cristo, na may ganap na kaliwanagan ng pag-asa, at pag-ibig sa Diyos at sa lahat ng tao. Samakatwid, kung kayo ay magpapatuloy, nagpapakabusog sa salita ni Cristo, at magtitiis hanggang wakas, masdan, ganito ang wika ng Ama: Kayo ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan” (2 Nephi 31:20).
Sinabi ni Pangulong Thomas S. Monson kamakailan sa pangkalahatang kumperensya na, “Ang hinaharap ay kasingliwanag ng inyong pananampalataya.”4 Kabilang diyan ang pananampalatayang manatiling tapat at malampasan ang lahat ng hadlang, pati na ang mga ginawang kasalanan sa inyo, mga pagtataksil, at pagkasiphayo. Ang pananalig ninyong magtiis ang magtatakda ng inyong tadhana, maging ng inyong walang-hanggang tadhana.
10 Isuko ang Inyong Kalooban sa Kalooban ng Diyos
Nawa’y naantig ng Diyos ang inyong kaluluwa na hangaring maging mas mabuti at magpakabuti pa at sundin ang payo ng ating buhay na mga propeta. Nawa’y nakadama kayong hangarin na tibayan ang inyong pangakong marating ang lahat ng inorden ng Diyos na marating ninyo.
“Mga kapatid, hindi ba tayo magpapatuloy sa isang napakadakilang adhikain? Sumulong at huwag umurong. Lakas ng loob, … at humayo, humayo sa pananagumpay! … Tayo, samakatwid, bilang isang simbahan at mga tao, at bilang mga Banal sa mga Huling Araw, ay maghain sa Panginoon ng isang handog sa kabutihan” (D at T 128:22, 24).
Ano kaya ang alay na iyon na maibibigay ng bawat isa sa inyo sa Diyos? Iyon ang regalong hinding-hindi Niya hihingin sa inyo. Iyon ay ang isuko ang inyong kalooban sa Kanyang kalooban. Iyon ay ang ialay ang inyong kalayaan sa altar ng personal na sakripisyo.
Nakasaad sa isa sa Lectures on Faith, na inihanda ng naunang mga Kapatid sa dispensasyong ito, na: “Ang isang relihiyon na hindi nangangailangan ng pagsasakripisyo ng lahat ng bagay ay hindi kailaman magkakaroon ng sapat na kapangyarihan upang lumikha ng pananampalatayang kailangan tungo sa buhay at kaligtasan.”5
Ang inyong kalayaan ang isang bagay na talagang sa inyo na maibibigay ninyo bilang handog sa Diyos. Sa pagboboluntaryong isuko ang inyong kalooban sa Kanyang kalooban, kayo ay magiging katulad Niya.
Magtatapos ako sa aking patotoo tungkol sa Tagapagligtas. Sa tindi ng inyong pagsampalataya kay Jesucristo, pagsuko ng inyong kalooban sa kalooban ng Diyos, pagsunod sa payo ng Kanyang mga propeta, at pagsunod sa mga pahiwatig ng Espiritu, kayo ay magiging tapat, maligaya, at matagumpay.