Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw
Pagbabago ng Aking mga Prayoridad
Hindi pa katagalan nang simulan ko ang aming family blog, natagpuan ko ang sarili ko na iniuukol ang libreng oras ko sa pag-update nito at iniisip ko kung paano ito gagawing mas malikhain o kaakit-akit. Maraming oras din akong nagbasa ng mga blog ng ibang tao.
Sa loob ng ilang linggo, mas inuna ko na ang blogging kaysa sa araw-araw na pag-aaral ng banal na kasulatan at iba pang babasahin. Hindi ako makatutok sa pinag-aaralan ko, ayaw kong magbasang masyado, at pakiramdam ko ay wala ang Espiritu sa buhay ko. Nabawasan ang pasensya ko sa mga anak ko, at ang oras na dapat sana ay iukol ko sa kanila ay iniukol ko sa computer.
Hindi naman sa hindi angkop ang blogging; kung tutuusin, napakagandang paraan ito para makipag-ugnayan sa pamilya at mga kaibigan. Pero dahil nadarama ko na napapalayo ang tuon ko sa mga bagay na makapagbibigay sa akin ng matibay na espirituwal na pundasyon, nabatid ko na may kailangan akong baguhin.
Sinimulan kong aminin sa sarili ko na hindi ko kailangang mag-blog araw-araw at na hindi ko rin kailangang tingnan ang blog ng ibang tao araw-araw. Nagpasiya ako na maiuukol ko pa rin ang libreng oras ko sa computer pero pagkatapos ko lang mag-aral ng banal na kasulatan at iba pang babasahin. Nang magawa ko na ang pinakamahahalagang bagay, kadalasan ay wala nang gaanong oras para mag-blog, pero OK lang. Maraming oras ang nabawi ko—oras na iniuukol ko na ngayon sa pag-aalaga at pakikipaglaro sa aking mga anak, pagbabasa, at pag-aaral.
Makalipas lang ang ilang araw ng pagbabago ng aking mga prayoridad, napansin ko na nadarama ko nang muli nang mas sagana ang Espiritu sa buhay ko.
Alam ko na sa pag-uuna kong gawin araw-araw ang anumang magiging kapaki-pakinabang sa akin sa espirituwal, mas lalo kong madarama ang Espiritu sa araw-araw. Alam ko na ang pag-uukol ng oras sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan, pagbabasa ng mga magasin ng Simbahan at iba pang mabubuting literatura, at pag-iisip tungkol sa mga bagay na walang hanggan ang kahalagahan ay makakatulong para maging mas mabuti akong asawa, ina, at miyembro ng Simbahan ng Panginoon.