2017
Panalangin ng Isang Scoutmaster
January 2017


Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

Panalangin ng Isang Scoutmaster

Scoutmaster praying

Paglalarawan ni Allen Garns

Ako ay isang Scoutmaster na namumuno sa 20 binatilyo at dalawang lider sa isang activity trip sa katimugang Utah, USA.

Pagdating namin sa daan na maghahantong sa amin sa campsite, tumigil ako at siniyasat ko ang disyerto sa harapan ko. Maraming beses na akong nakapunta rito, pero sa kung anong dahilan, wala akong makitang anuman na pamilyar sa akin. Tumanaw ako sa kaliwa at sa kanan, sa paghahanap ng anumang bagay na pamilyar.

Ilan mang lansangan ang nilikuan ko, puro dead end ang mga ito.

Padilim na noon. Sa huli, tumigil ako at sinabi ko sa lahat na huwag lumabas ng sasakyan. Kumuha ako ng flashlight at sinabi ko sa kanila na maglalakad-lakad ako at sesenyasan ko sila kapag nahanap ko na ang daan.

Ang ginawa ko talaga ay lumuhod ako at nagsumamo sa Ama sa Langit na tulungan kaming makaalis sa nakakailang na sitwasyong ito. Taimtim kong ibinuhos ang damdamin ko sa Kanya, na idinedetalye ang aking kahandaan, pagmamahal sa mga bata, pasasalamat sa mga amang sumama sa amin, at buong pananampalataya na sasagutin Niya kaagad ang aking panalangin. Tinapos ko ang aking panalangin at tumindig na ako. Inasahan kong tumindig, itutok ang flashlight ko sa kadiliman, at sinagan nito ang tamang daan.

Ngunit walang nangyari.

Tahimik kong sinuri ang natatanaw ko na abot ng sinag ng flashlight ko.

Wala pa rin.

Hindi ako makapaniwala. Alam ko na pagtindig na pagtindig ko, makikita ko na ang daan. Alam ko na hindi ako bibiguin ng Panginoon, lalo na’t napakaraming taong nakaasa sa akin.

Kailangan ko ngayong harapin ang dalawang amang pinanghinaan na ng loob at ang mga van nila na puno ng magugulong binatilyo na sabik nang makarating, na pawang nagtatanong ng, “Nakarating na po ba tayo?”

Humingi ako ng paumanhin at tiniyak ko sa kanila na 20 beses na akong nakapunta rito at alam kong narito lang ang daan. Hindi ko nga lang ito makita.

Sa huli, ipinasiya naming tumuloy na lang sa bayan at umupa ng dalawang silid sa motel. Maaga na lang kaming magbibiyahe kinaumagahan ng Sabado.

Yamang hindi kami makapagparikit ng apoy para lutuin ang dala naming hapunan, nagpunta kami sa tindahan ng pizza sa lugar na nakita namin sa dulo ng bayan.

Napakasarap ng pizza at tuwang-tuwa ang mga bata, pero nakonsiyensya pa rin ako sa upa sa motel at sa binayaran naming hapunan.

Habang kumakain kami, nagtaka ako kung bakit hindi pa sinasagot ng Ama sa Langit ang aking dalangin, nang bigla akong makarinig ng malakas na dagundong.

Tumindig ako, binuksan ko ang pintuan ng tindahan ng pizza, at nakita ko ang pinakamalakas sa lahat ng nakita kong pagbuhos ng ulan. Matatalim ang kidlat sa hilagang kanluran—sa mismong lugar kung saan ako nagdasal para humingi ng sagot wala pang isang oras ang nakalilipas. Sa sandaling iyon, nadama ko ang Espiritu, at natanto ko na sinagot na ng Panginoon ang aking panalangin!

Kinaumagahan, asul na ang kalangitan, at habang papunta kami sa nakalilito at maalikabok na mga daan, diretso akong nagmaneho papunta sa mismong lugar na hinanap ko sa nagdaang gabi. Alam ko na ngayon kung paano sinasagot ng hindi ang mga panalangin kung minsan, ngunit palaging sinasagot ang mga ito.