2017
Ang Usapin ng Isang Buhay na Propeta
January 2017


Hanggang sa Muli Nating Pagkikita

Ang Usapin ng Isang Buhay na Propeta

Noong 1939, bago nagsimula ang World War II, inanyayahan ng isang miyembro ng House of Commons ng England si Brother Brown na maglahad ng isang legal na argumento ukol sa sinabi noon ni Brother Brown na si Joseph Smith ay isang propeta. Sa isang mensaheng ibinigay sa Brigham Young University noong Oktubre 4, 1955, na pinamagatang “The Profile of a Prophet,” inilarawan ni President Brown ang kanilang pag-uusap (tingnan sa speeches.byu.edu).

Hugh B. Brown

Paglalarawan ni James Johnson

Sinimulan ko sa … , “Sinabi mong ang paniniwala kong kinausap ng Diyos ang isang tao sa panahong ito ay hindi kapani-paniwala at katawa-tawa?”

“Para sa akin, oo.”

“Naniniwala ka ba na may nakausap na ang Diyos?”

“Oo naman. Malinaw iyan sa buong Biblia.”

“Nakipag-usap ba siya kay Adan?”

“Oo.”

“Kina Enoc, Noe, Abraham, Moises, Jacob, Jose, at sa lahat ng propeta?”

“Naniniwala ako na nakipag-usap Siya sa bawat isa sa kanila.”

“Naniniwala ka ba na natigil ang pakikipag-ugnayan ng Diyos [sa] tao nang pumarito si Jesus sa lupa?”

“Hindi, ang pakikipag-ugnayang iyon ay umabot sa sukdulan sa panahong iyon.”

“Naniniwala ka ba, sir, na matapos mabuhay [na mag-uli] si Jesus, isang kilalang abugado—na gumagawa rin ng tolda na ang pangalan ay Saulo, isang lalaking taga-Tarso—na habang patungo sa Damasco, [ang] nakipag-usap kay Jesus ng Nazaret, na ipinako sa krus, nabuhay na mag-uli, at umakyat sa langit?”

“Oo.”

“Kaninong tinig ang narinig ni Saulo?”

“Tinig iyon ni Jesucristo, dahil ipinakilala Niya ang Kanyang sarili.”

“Kung gayon, sinasabi ko sa iyo nang buong katapatan na pamantayang tuntunin noong kapanahunan ng Biblia na makipag-usap ang Diyos sa tao.”

“Palagay ko’y tatanggapin ko iyan, pero nahinto rin ito kaagad matapos ang unang siglo ng panahon ng Kristiyanismo.”

“Bakit kaya ito nahinto?”

“Hindi ko masabi.”

“Palagay mo ba hindi na nangusap pa ang Diyos mula noon?”

“Sigurado akong hindi na.”

“Tiyak na may dahilan. Mabibigyan mo ba ako ng isang dahilan?”

“Hindi ko alam.”

“Maaari ba akong magmungkahi ng ilang posibleng dahilan? Siguro hindi na nakikipag-usap ang Diyos sa tao dahil hindi na Niya kaya. Nawalan na Siya ng kapangyarihan.”

Sabi niya, “Aba, kalapastanganan iyan.”

“Kung gayon, kung hindi mo matatanggap iyan, siguro hindi na Siya nakikipag-usap sa mga tao dahil hindi na Niya tayo mahal at hindi na Siya interesado sa ginagawa ng mga tao.”

“Hindi,” sabi niya, “Mahal ng Diyos ang lahat ng tao, at hindi Siya nagtatangi ng mga tao.”

“Kung makakapagsalita naman pala Siya, at mahal Niya tayo, ang isa na lang posibleng sagot, sa nakikita ko, ay hindi natin Siya kailangan. Marami tayong makabagong likha sa agham, napakatalino na natin, kaya’t hindi na natin kailangan ang Diyos.”

At sinabi niya—at gumaralgal ang kanyang tinig sa naisip na nalalapit na digmaan—“Mr. Brown, walang panahon kailanman sa kasaysayan ng mundo na higit na kinailangan ang tinig ng Diyos kaysa ngayon. Siguro puwede mong sabihin sa akin kung bakit hindi Siya nakikipag-usap.”

Ang sagot ko ay: “Nagsasalita [nga] Siya, nagsalita Siya noon; subalit kailangang manampalataya ang mga tao para marinig Siya.”