2017
Naging Marapat si Min-Jun
January 2017


Naging Marapat si Min-Jun

Ang awtor ay naninirahan sa Colorado, USA.

“Si Jesus ay kaibigan. … Na mapagmahal” (Aklat ng mga Awit Pambata, 37).

Tumingin si Min-Jun sa mga ulap sa labas ng bintana. “Parang uulan bukas,” sabi niya.

Nag-angat ng tingin si Lolo mula sa binabasa niyang diyaryo at tumango. Patapos na ang tag-init sa Seoul, South Korea, at simula na ng panahon ng habagat.

Itinabi ni Min-Jun ang isang payong sa damit na isusuot niya sa Linggo. “Palagay ko dapat po tayong umalis nang maaga bukas.”

Ngumiti si Lolo. “Magandang ideya. Mas mahaba ang lalakarin natin, sakaling bumaha sa mas mabababang kalye.”

“Palagay po ba ninyo hindi babahain ang gusali ng Simbahan?” tanong ni Min-Jun. Noong isang taon nagbaha po sa basement noong panahon ng habagat.

“Oo nga,” sabi ni Lolo. “Pero hindi masamang magdasal.”

“Kung gayon po, ipagdarasal ko ang simbahan ngayong gabi. At na makarating tayo roon nang ligtas. Jal-ja-yo (good night).” Yumuko si Min-Jun at natulog na.

Kinaumagahan maaga silang umalis ng apartment. Tumingala si Min-Jun sa maiitim na ulap na pumuno sa kalangitan.

“Manampalataya ka,” sabi ni Lolo.

Sinundan ni Min-Jun si Lolo paakyat sa makitid na hagdanan sa burol malapit sa kanilang apartment. Tumigil sila sa tuktok para magpahinga sandali. Basa na ang puting polo nila dahil sa matinding halumigmig sa hangin.

Inilahad ni Lolo ang kanyang palad para damhin ang unang patak ng ulan. “Nararamdaman mo ba iyan? Nagsisimula nang umulan.”

Binuksan nila ang kanilang mga payong. Nang makarating sila sa susunod na hagdanan, malakas na ang ulan. Inaninag ni Min-Jun ang bawat baitang sa malakas na pagbuhos ng ulan. “Aray!” sigaw niya nang magkamali siya ng tapak at mapaluhod.

“Nasaktan ka ba?” tanong ni Lolo. Yumuko siya para tingnan ang butas sa pantalon ni Min-Jun.

“Gasgas lang po,” sabi ni Min-Jun, na nanginginig ang boses.

“Maaayos natin iyan sa simbahan,” sabi ni Lolo.

Inakyat nina Min-Jun at Lolo ang natitirang mga baitang ng hagdanan at lumiko papunta sa mas mataas na kalye.

“Mas malakas ang hangin dito,” sabi ni Lolo, habang hawak nang mahigpit ang kanyang payong. Halos hindi mapigil ni Min-Jun ang kanyang payong. Biglang umihip nang malakas ang hangin at bumaligtad ito, at nasira ang payong sa dugtungan. Lumaylay ang mga balikat ni Min-Jun.

Iniabot ni Lolo ang payong niya. “Sumukob ka sa payong ko. Malapit na tayo.”

Nagsukob sa payong sina Min-Jun at Lolo, pero hindi ito gaanong nakatulong para hindi sila mabasa ng ulan. Nang malapit na sila sa simbahan, narinig ni Min-Jun na nagkakantahan na.

“Nagsimula na po sila!” Tumakbo si Min-Jun sa pintuan sa harapan. Pagkatapos ay nakita niya ang sarili niya sa salamin. Magulo at basang-basa ang buhok niya, punit ang pantalon niya, at maputik ang sapatos niya. Lumayo siya sa pintuan at umatras nang ilang hakbang.

“Hindi … hindi ako puwedeng pumasok,” pautal na sabi ni Min-Jun.

“Ayos ka naman,” sabi ni Lolo.

“Pero marumi po ako at basa!”

Tiningnan ni Lolo si Min-Jun, pagkatapos ay tiningnan ang panukat ng ulan na nakatali sa bakod.

“Madaling sukatin ang ulan, Min-Jun, pero paano natin susukatin ang sarili natin?”

Napakurap si Min-Jun kay Lolo.

“Nakikita mo ang maputik na sapatos, gasgas sa tuhod, at magulong buhok, at iniisip mo na hindi ka gaanong karapat-dapat,” sabi ni Lolo. “Pero may mas mabuting paraan ng pagsukat si Jesucristo. Nakikita Niya ang nilalaman ng puso mo at alam na tama ang ginagawa mo. Kung susukatin mo ang sarili mo ayon sa Kanyang paraan, makikita mo na umaapaw ang panukat.”

Tumingin si Min-Jun sa panukat ng ulan. Patuloy itong nadaragdagan sa bawat patak ng ulan. Naisip niya kung gaano siya nagpakahirap na makarating sa simbahan at kung gaano siya kasigla at kasaya habang naroon siya. Naisip niya kung gaano niya kamahal ang Tagapagligtas at kung gaano siya kamahal ng Tagapagligtas.

Niyakap ni Min-Jun si Lolo, at sabay silang naglakad papasok sa simbahan.

Larawan
Min-Jun Measures Up

Print