2017
Sa Lahat Mong Kukunin, ay Kunin Mo ang Unawa
January 2017


Sa Lahat Mong Kukunin, ay Kunin Mo ang Unawa

Mula sa isang mensahe sa debosyonal na, “Religious Freedom and Fairness for All,” na ibinigay sa Brigham Young University noong Enero 14, 2015. Para sa buong teksto sa Ingles, magpunta sa speeches.byu.edu.

Ang tunay na pag-unawa ay darating sa inyo kapag naunawaan ninyo ang pagkakaugnay ng pag-aaral at panalangin, kapag nangako kayong maglingkod habang natututo kayo at kumikita, at kapag nagtiwala at umasa kayo sa Panginoong Jesucristo.

Woman reading

Mga paglalarawan ni Robert Hunt

Malaking bahagi ng buhay ko bilang estudyante sa unibersidad ang umikot sa iba’t ibang panig ng library. Tuwing papasok ako roon, sinasalubong ako ng isang karatula … na may nakasulat na, “Sa lahat mong kukunin, ay kunin mo ang unawa” (Mga Kawikaan 4:7).

Alam nating lahat na ang paggunita ay kasunod ng pag-uulit. Kaya nga hindi mabura sa isipan ko ang talatang ito mula sa aklat ng Mga Kawikaan, dahil nababasa ko ito tuwing papasok ako sa library sa apat na taon kong pag-aaral sa kolehiyo.

Ito rin ang ipapayo ko sa bawat isa sa inyo: “At sa lahat mong kukunin, ay kunin mo ang unawa.” Hinihikayat ko rin kayong pag-isipan ang kahulugan ng talatang ito at kung paano ito makakatulong sa inyo. Nagawa ko na iyan. Paulit-ulit ko nang pinag-aralan ang iba’t ibang anggulo nito sa aking isipan, at ang interpretasyon ko sa kahulugan nito ay lubhang lumawak. Marahil makikinabang kayo sa aking mga puna.

Isang Maunawaing Puso

Noong missionary ako sa Japan na nahihirapang matuto ng mahirap na wika, maaga at madalas kong marinig ang ilang salita sa bokabularyo. Dalawa sa mga pagbating ito ang ohayo gozaimasu (magandang umaga) o konnichiwa (magandang hapon). Ang isa pa ay wakarimasen, na ibig sabihi’y, “Hindi ko maintindihan.” Tila ang salitang ito, pati na ang pakikipagkamay na pabaligtad ang palad, ang paboritong tugon ng mga Japanese contact sa mga missionary habang tinatangka nilang kausapin ang mga ito.

Noong una, nang pag-isipan ko ang kahulugan ng “at sa lahat mong kukunin, ay kunin mo ang unawa,” mas naisip ko ang pag-unawa ayon sa uring ito ng pag-unawa: ang maaaring marinig ng aking mga tainga at maunawaan ng aking isipan. Naisip ko ang pagsasabi ng Japanese ng wakarimasen. Nauunawaan ko ba o hindi ko ba nauunawaan?

Gayunman, nang pag-aralan at mapuna ko ang paggamit ng salitang pag-unawa sa mga banal na kasulatan at mula sa mga salita ng mga buhay na propeta, may natuklasan akong mas malalim na kahulugan. Isipin ang mga salitang ito ni Elder Robert D. Hales ng Korum ng Labindalawang Apostol noong siya ang Presiding Bishop ng Simbahan:

“Una, nagsisimula tayo sa katalinuhang taglay natin nang ipanganak tayo. Sa ating katalinuhan idinaragdag natin ang kaalaman sa paghahanap natin ng mga sagot, pag-aaral, at pagtuturo sa ating sarili. Sa ating kaalaman idinaragdag natin ang karanasan, na dapat mag-akay sa atin sa isang antas ng karunungan. Bukod pa sa ating karunungan, idinaragdag natin ang tulong ng Espiritu Santo sa pamamagitan ng ating mga panalangin nang may pananampalataya, na humihingi ng espirituwal na patnubay at lakas. Pagkatapos, at pagkatapos lamang, niyon tayo magkakaroon ng pag-unawa sa ating puso—na naghihikayat sa atin na ‘tama’y gawin; ang bunga’y makikita.’ (Mga Himno, 2001, blg. 144.) Ang damdamin ng isang maunawaing puso ay nagbibigay sa atin ng magiliw na diwa ng katiyakan hindi lamang upang malaman kundi upang gawin ang tama anuman ang sitwasyon. Ang pag-unawa sa ating puso ay nagmumula sa malapit na pagkakaugnay ng pag-aaral at panalangin.”1

stairs

Ngayon isiping muli: “At sa lahat mong kukunin, ay kunin mo ang unawa.” Kasunod ng pag-unawa sa kontekstong ito ang katalinuhan, kaalaman, karanasan, karunungan, at mga panghihikayat mula sa Espiritu Santo—na pawang nag-aakay sa atin na malaman at gawin ang tama.

Karamihan sa inyo ay papalapit o nakapasok na sa mahalagang panahon ng pagdedesisyon sa inyong buhay. Nagiging mas malaya kayo sa bawat taon na lumilipas, at lumalalim ang pag-unawa ninyo sa bahagi ng inyong buhay na “at sa lahat mong kukunin.” Ano naman ang makukuha ninyo? Maaari kayong magkaasawa, magkapamilya, magkatrabaho, na ilan lang sa mga halimbawa.

Para mapamahalaan ang napakahahalagang bagay na ito na “nakukuha” natin, kailangan din nating magtamo ng “pag-unawa,” tulad ng itinuturo sa mga banal na kasulatan. “Ang pag-unawang ito ay dumarating sa pamamagitan ng pagkakaugnay ng pag-aaral at panalangin. Sa madaling salita, kailangan nating magtiwala at umasa sa Panginoong Jesucristo. Inilarawan ito ni Alma nang ihalintulad niya ang salita sa isang binhi. Ayon sa kanya, “Sinisimulan nitong liwanagin ang aking pang-unawa, oo, ito ay nagsisimulang maging masarap para sa akin” (Alma 32:28; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Madalas banggitin ni Pangulong Thomas S. Monson ang isang talata sa banal na kasulatan mula sa Mga Kawikaan na nagdaragdag ng isa pang aspeto sa pang-unawang ito: “Tumiwala ka sa Panginoon ng buong puso mo; at huwag kang manalig sa iyong sariling [pang-unawa]” (Mga Kawikaan 3:5).2

Kapag nagtiwala at umasa tayo sa Panginoon, darating sa ating puso ang mas matinding pag-unawa na nagmumula sa Kanya.

“Ang Kamay ng Panginoon ay Pasasa Atin”

Magbibigay ako ng halimbawa ng isang makapangyarihang babae na nagkaroon ng mahalagang papel sa Panunumbalik, nagtiwala sa Panginoon, at hindi nanalig sa kanyang sariling pang-unawa.

Hindi nagtagal matapos maitatag ang Simbahan sa Palmyra, New York, nanatili ang ina ni Joseph Smith na si Lucy Mack Smith sa Waterloo, New York, kasama ang isang malaking grupo ng mga Banal samantalang ang kanyang asawang si Joseph Sr. at ilan sa kanilang mga anak, kabilang na si Joseph Jr., ay nauna sa kanya na magtungo sa Kirtland, Ohio. Ang responsibilidad niya ay dalhin ang grupong ito sa Ohio nang makabalita siya mula sa kanyang anak, ang Propeta.

Maagang dumating ang balita noong tagsibol ng 1831. Sa tulong ng ilan sa mga kapatid, pinatulak na ni Lucy ang grupo patungong Buffalo, New York, para makapunta sa Ohio lulan ng barko sa Lake Erie. Sabi niya: “Nang maisip ng mga kapatid na ligtas nang maglakbay sa tubig, naghanda na kaming lahat na lisanin ang Kirtland. Umarkila kami ng barko … ; at … walumpu kami.”

Pagkatapos, nang tumulak na sila sa Erie Canal patungong Buffalo, sinabi niya: “Pagkatapos ay sabay kong tinawag ang kalalakihan at kababaihan, at ipinaalala sa kanila na naglalakbay kami sa utos ng Panginoon, tulad ni Amang Lehi, nang lisanin niya ang Jerusalem; at, kung kami ay matapat, pareho ang mga dahilan namin para asahan ang mga pagpapala ng Diyos. Pagkatapos ay hiniling kong maging seryoso sila, at patuloy na isamo ang pinakamatitindi nilang hangarin sa Diyos sa panalangin, nang kami ay paunlarin.”

Nangangalahati na kami papuntang Buffalo mula sa Waterloo, nang naging imposible nang daanan ang canal. Hindi maginhawa ang kundisyon para sa 80 Banal, at halos agad silang nagsimulang bumulung-bulong. Si Lucy, na umaasa sa Panginoon, ay kinailangang palakasin ang kanilang pananampalataya. Sinabi niya sa kanila: “Hindi, hindi, … hindi kayo magugutom, mga kapatid, ni anumang katulad niyon; magtiis lang sana kayo at tumigil sa pagbulung-bulong. Wala akong duda na tutulungan tayo ng Panginoon.”

Pagdating nila sa Buffalo nang ikalimang araw matapos lisanin ang Waterloo, nagyelo ang daungang papunta sa Lake Erie. Lumulan sila sa isang barko kasama si Kapitan Blake, isang lalaking nakakakilala kay Lucy Smith at sa kanyang pamilya.

Pagkaraan ng dalawang araw, bagama’t ang mga kundisyon sa barko ay hindi akma para manatili silang lahat habang hinihintay ang hudyat na aalis na ang barko, iniulat ni Lucy, “Hiniling ni Captain Blake sa mga pasahero na manatili sa barko, dahil gusto niya, mula sa oras na iyon, na maghanda silang umalis sa isang hudyat; kaalinsabay noon ay inutusan niya ang isang lalaki na sukatin ang lalim ng yelo, na nag-ulat, nang makabalik, na umabot ito sa taas na dalawampung piye [6 m], ipinalagay nito na aabutin pa sila nang hindi kukulangin sa dalawang linggo sa daungan.”

Nakapanlulumong balita iyon sa grupo. Kakaunti na lang ang suplay at mahirap ang kalagayan. Itinala pa ni Lucy Mack Smith ang kanyang payo sa mga Banal: “Sabi ninyo magtiwala sa Diyos, pagkatapos bubulung-bulong at magrereklamo kayo nang ganyan! Mas hindi kayo makatwiran kaysa mga anak ni Israel; dahil heto at naghahanap ng tumba-tumba ang kababaihan, at sinasabi naman ng kalalakihan, na inaasahan kong maging matatag at masigla, na talagang naniniwala sila na mamamatay sila sa gutom bago makarating sa kanilang pupuntahan. At bakit nagkagayon? Mayroon bang hindi nabusog sa inyo? … Nasaan ang pananampalataya ninyo? Nasaan ang pananalig ninyo sa Diyos? Hindi ba ninyo natatanto na ginawa Niya ang lahat ng bagay, at pinamamahalaan niya ang mga likha ng sarili niyang mga kamay? At kung magsusumamo lamang nang buong puso sa panalangin sa Diyos ang mga Banal na narito, upang mabuksan ang daan para sa atin, kaydali para sa kanya na tibagin ang yelong ito, upang sa isang sandali ay makapaglayag na tayo!”

Saints on boat

Ngayon, obserbahan lamang dito ang malaking pananampalataya ng Inang Smith—kung paano niya piniling magtiwala sa Panginoon at hiniling na huwag manalig ang mga Banal sa kanilang sariling pag-unawa:

“‘Ngayon, mga kapatid, kung kayong lahat ay mananalangin, na matibag ang yelong ito, at makapaglayag tayo, kasingtiyak na buhay ang Diyos na mangyayari ito!’ Sa sandali ring iyon may narinig na ingay, na parang dumadagundong na kulog. Sumigaw ang kapitan, ‘Pumuwesto kayo.’ Nahati ang yelo, at nag-iwan ito ng puwang na tamang-tama para madaanan ng barko, at napakakitid nito kaya nang dumaan ang barko[,] nasira (ng yelo) ang elisi ng waterwheel, na, kasabay ng utos ng kapitan, ang paos na pagsagot ng mga marino, ingay ng pagbitak ng yelo, at sigaw at kaguluhan ng mga nakamasid, ay nagpakita ng isang tagpong talagang nakasisindak. Hindi pa kami halos nakararaan sa lagusan nang muling magdikit ang yelo, at naiwanan ang kalalakihan ng Colesville sa Buffalo, at hindi nakasunod sa amin.

“Nang paalis na kami sa daungan, ibinulalas ng isa sa mga nakamasid, ‘Umalis na ang pangkat ng mga “Mormon”! Nakalubog ang barkong iyon sa tubig na mas malalim nang siyam na pulgada kaysa rati, at, maniwala kayo, lulubog iyan—tiyak na tiyak iyan.’ Sa katunayan, siguradung-sigurado sila roon kaya dumiretso sila sa tanggapan [ng mga balita] at ipinalathala na lumubog kami, kaya nang makarating kami sa Fairport, nabasa namin sa mga pahayagan ang balita na nangamatay kami.”3

“Huwag Kang Manalig sa Iyong Sariling Kaunawaan”

“At sa lahat mong kukunin, ay kunin mo ang unawa,” o, sa madaling salita, “Tumiwala ka sa Panginoon ng buong puso mo; at huwag kang manalig sa iyong sariling kaunawaan” (Mga Kawikaan 3:5).

Naobserbahan ko mismo ang dalamhati at personal na pinsalang nangyari sa mga nakatuon sa “pagkuha” ng mga makamundong bagay at hindi sa “kaunawaan” ng Panginoon. Tila ang mga taong nananalig sa kanilang sariling pang-unawa o umaasa sa lakas ng tao ay mas malamang na magkaroon ng di-makatwirang pagtutuon o pagnanasa sa kikitain, kabantugan, kapangyarihan, at posisyon. Ngunit ang pagsunod sa patnubay na “pagkuha” na ito sa banal na kasulatan tungkol sa “pag-unawa” ay palalamigin ang pagnanasa ninyo sa temporal na mga bagay. Tutulutan nito ang tamang konteksto para sa mga aktibidad ninyo bilang kapaki-pakinabang na miyembro ng lipunan at ng kaharian ng Panginoon.

Noong bata pa akong estudyante na puno ng pag-asa, natatandaan ko na nakinig ako sa mungkahi ng isang respetado at matagumpay na guro na angkop nating pinamamahalaan ang ating mga ambisyon sa pamamagitan ng pagsunod sa prosesong “matuto, kumita, maglingkod.” Nagturo si Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008) ng isang huwarang humahantong sa pagtitiwala sa Panginoon at pag-asa sa Kanya sa halip na umasa sa ating sarili. Sabi niya: “Bawat isa sa atin ay may apat na responsibilidad. Una, may responsibilidad tayo sa ating mga pamilya. Ikalawa, may responsibilidad tayo sa ating mga amo sa trabaho. Ikatlo, may responsibilidad tayo sa gawain ng Panginoon. Ikaapat, may responsibilidad tayo sa ating sarili.”

Kailangang balanse tayo. Iminungkahi ni Pangulong Hinckley na ginagampanan natin ang apat na responsibilidad na ito sa pamamagitan ng panalangin ng pamilya, family home evening, pag-aaral ng mga banal na kasulatan, at pagiging totoo at tapat sa ating amo, pagtupad sa ating mga responsibilidad sa Simbahan, personal na pag-aaral ng mga banal na kasulatan, pagpapahinga, paglilibang, at pag-eehersisyo.4

Sabi ng American philosopher at makatang si Ralph Waldo Emerson, “Ang panahong ito, gaya ng lahat ng panahon, ay napakaganda, kung alam lang natin kung ano ang gagawin dito.”5

Mabuti na lang, ang mga Banal sa mga Huling Araw ay hindi na kailangang lumayo pa para malaman kung ano ang gagawin. Sa kaalaman ninyo tungkol sa isang mapagmahal na Ama sa Langit at sa dakilang plano ng kaligayahan, matibay ang direksyon ninyo sa buhay na parang mga timon na nasa ilalim ng tubig. Ngayon, palalimin din ninyo ang inyong pagsagwan at sumagwan nang husto at sumulong.

Sa isang mensahe sa pangkalahatang kumperensya, bumanggit si Pangulong Monson mula sa mga Kawikaan, tulad ng dati niyang ginagawa: “Tumiwala ka sa Panginoon ng buong puso mo; at huwag kang manalig sa iyong sariling kaunawaan. Kilalanin mo siya sa lahat ng iyong mga lakad, at kaniyang ituturo ang iyong mga landas.” Pagkatapos ay sinabi niya, “Iyan ang kuwento ng buhay ko.”6 Napakagandang buhay na dapat tularan.

Malaki ang inaasahan ko sa bawat isa sa inyo, tulad ng Ama at ng Anak. Magtatapos ako kung saan ako nagsimula—sa panghihikayat na matatagpuan sa Mga Kawikaan: “At sa lahat mong kukunin, ay kunin mo ang unawa.”

Tunay na umunawa. Darating ito sa inyo kapag naunawaan ninyo ang pagkakaugnay ng pag-aaral at panalangin, kapag tinupad ninyo ang inyong pangako na maglingkod habang natututo kayo at kumikita, at kapag hindi kayo nagtiwala sa inyong sarili kundi sa halip ay nagtiwala at umasa kayo sa Panginoon.

Mga Tala

  1. Robert D. Hales, “Making Righteous Choices at the Crossroads of Life,” Ensign, Nob. 1988, 10; idinagdag ang pagbibigay-diin.

  2. Tingnan, halimbawa, sa Thomas S. Monson, “Mensahe sa Pagtatapos,” Liahona, Mayo 2010, 112.

  3. Lucy Mack Smith, History of Joseph Smith by His Mother, Lucy Mack Smith (1979), tingnan sa 195–99, 202–205; idinagdag ang pagbibigay-diin.

  4. Tingnan sa Gordon B. Hinckley, “Pagkagalak sa Pribilehiyong Maglingkod,” Pandaigdigang Pulong sa Pagsasanay sa Pamumuno, Hunyo 21, 2003, 23–25.

  5. Ralph Waldo Emerson, sa “The American Scholar,” isang mensaheng ibinigay noong Ago. 31, 1837, sa University of Cambridge.

  6. Thomas S. Monson, “Mensahe sa Pagtatapos,” 112; binanggit mula sa Mga Kawikaan 3:5–6.