Library
Daigdig ng mga Espiritu


mural ng daigdig ng mga espiritu

Pag-aaral ng Doktrina

Daigdig ng mga Espiritu

Ang daigdig ng mga espiritu pagkatapos ng buhay na ito ay isang lugar kung saan nananahan ang mga espiritu ng mga yaong pumanaw bago ang Pagkabuhay na Mag-uli. Ang daigdig ng mga espiritu ay binubuo ng paraiso, kung saan nananahan ang mabubuti, at ng bilangguan ng mga espiritu, kung saan nananahan ang mga yaong naging masama sa buhay na ito.

Buod

Ang daigdig ng mga espiritu pagkatapos ng buhay na ito ay isang lugar kung saan nananahan ang mga espiritu ng mga yaong pumanaw bago ang Pagkabuhay na Mag-uli. Ang daigdig ng mga espiritu ay binubuo ng paraiso, kung saan nananahan ang mabubuti, at ng bilangguan ng mga espiritu, kung saan nananahan ang mga yaong naging masama sa buhay na ito.

Itinuro ni Pangulong Brigham Young na ang daigdig ng mga espiritu pagkatapos ng buhay na ito ay nasa lupa, nasa paligid natin (tingnan sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Brigham Young [1997], 312).

Ang mga espiritung nilalang ay mayroon ding hugis ng katawan na katulad ng sa mga taong mortal maliban sa ang espiritung katawan ay nasa ganap na kaanyuan (tingnan sa Eter 3:16). Taglay pa rin ng mga espiritu ang kanilang ugali ng katapatan o pagsalungat sa mga bagay ng kabutihan (tingnan sa Alma 34:34). Ang kanilang mga hilig at mithiin ay katulad ng taglay nila noong nabubuhay pa sila sa lupa. Ang lahat ng espiritu ay may anyo na nasa hustong gulang. Sila ay nasa hustong gulang bago pa sila nabuhay sa mundo, at ang anyo nila ay nasa hustong gulang pagkatapos ng kamatayan, kahit na sanggol o bata pa sila nang mamatay (tingnan sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph F. Smith [1999], 158–59).

Itinuro ng propetang si Alma sa Aklat ni Mormon ang tungkol sa dalawang bahagi o kalagayan sa daigdig ng mga espiritu.

Paraiso. Ayon sa propetang si Alma, ang mabubuting espiritu ay nagkakaroon ng kapahingahan mula sa mga alalahanin at kalungkutan sa mundo. Gayunman, sila ay abala sa paggawa ng gawain ng Panginoon. Nakita ni Pangulong Joseph F. Smith sa isang pangitain na pagkatapos maipako sa krus si Jesucristo, dinalaw Niya kaagad ang mabubuti sa daigdig ng mga espiritu. Siya ay nagtalaga ng mga sugo, nagkaloob sa kanila ng kapangyarihan at awtoridad, at nag-utos sa kanila na “dalhin ang liwanag ng ebanghelyo sa kanila na nasa kadiliman, maging sa lahat ng espiritu ng tao” (Doktrina at mga Tipan 138:30).

Ang Simbahan ay inorganisa sa daigdig ng mga espiritu, at ipinagpapatuloy ng mga maytaglay ng priesthood ang kanilang mga responsibilidad doon (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 138:30). Itinuro ni Pangulong Wilford Woodruff: “Ang Priesthood ding ito ang umiiral sa kabilang-buhay. … Ang bawat Apostol, bawat Pitumpu, bawat Elder, atbp., na namatay sa pananampalataya ay pumapasok sa gawain ng ministeryo sa sandaling makarating siya sa kabilang panig ng tabing” (Deseret News, Ene. 25, 1882, 818).

Ang mga ugnayan ng pamilya ay mahalaga rin. Nakita ni Pangulong Jedediah M. Grant, isang tagapayo kay Brigham Young, ang daigdig ng mga espiritu at inilarawan niya kay Heber C. Kimball ang organisasyong umiiral doon:

“Sinabi niya na ang mga taong nakita niya roon ay sama-sama bilang magpapamilya. … Sinabi niya, ‘Nang makita ko ang mga pamilya, ang ilan ay hindi buo, … dahil nakakita ako ng mga pamilya na hindi pinayagang maglapit at sama-samang manahanan, dahil hindi nila tinupad ang kanilang tungkulin dito’” (Deseret News, Dis. 10, 1856, 316–17).

Bilangguan ng mga Espiritu. Tinukoy ni Apostol Pedro ang daigdig ng mga espiritu pagkatapos ng buhay na ito bilang isang bilangguan, na gayon nga para sa ilan (tingnan sa 1 Pedro 3:18–20). Nasa bilangguan ng mga espiritu ang espiritu ng mga yaong hindi pa nakatatanggap ng ebanghelyo ni Jesucristo. Ang mga espiritung ito ay may kalayaang pumili at maaaring mahikayat kapwa ng mabuti at masama. Maaaring umunlad ang mga espiritu habang natututuhan nila ang mga alituntunin ng ebanghelyo at namumuhay sila ayon sa mga ito. Ang mga espiritung nasa paraiso ay maaaring magturo sa mga espiritung nasa bilangguan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 138). Kung tatanggapin nila ang ebanghelyo at ang mga ordenansang isinagawa para sa kanila sa mga templo, maaari na silang lumisan sa bilangguan ng mga espiritu at manirahan sa paraiso.

Nasa bilangguan din ng mga espiritu ang mga yaong tumanggi sa ebanghelyo pagkatapos itong maipangaral sa kanila sa lupa o sa bilangguan ng mga espiritu. Ang mga espiritung ito ay nagdurusa sa kalagayang kilala bilang impiyerno. Inalis nila ang kanilang mga sarili sa awa ni Jesucristo, na nagsabing, “Masdan, ako, ang Diyos, ay pinagdusahan ang mga bagay na ito para sa lahat, upang hindi sila magdusa kung sila ay magsisisi; subalit kung hindi sila magsisisi sila ay kinakailangang magdusa na katulad ko; kung aling pagdurusa ay dahilan upang ang aking sarili, maging ang Diyos, ang pinakamakapangyarihan sa lahat, na manginig dahil sa sakit, at labasan ng dugo sa bawat pinakamaliit na butas ng balat, at magdusa kapwa sa katawan at sa espiritu” (Doktrina at mga Tipan 19:16–18). Matapos pagdusahan ang kanilang mga kasalanan, sila ay papayagan, sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, na manahin ang pinakamababang antas ng kaluwalhatian, ang kahariang Telestiyal.

AnItala ang Iyong mga Impresyon

Mga Kaugnay na Paksa

Mga Banal na Kasulatan

Mga Reperensya sa Banal na Kasulatan

Resources sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan

Mga Mensahe mula sa mga Lider ng Simbahan

Resources sa Pag-aaral

Pangkalahatang Resources

Ang Plano ng Kaligtasan

Mga Magasin ng Simbahan

David A. Edwards, “Ano ang Alam Natin tungkol sa Kabilang Buhay?Liahona, Hunyo 2016

Ano ang Mangyayari Kapag Namatay TayoLiahona, Marso 2013

Mga Manwal sa Pag-aaral

Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan

Resources sa Pagtuturo

Mga Outline sa Pagtuturo