2013
Ano ang Mangyayari Kapag Namatay Tayo?
Marso 2013


Ano ang Mangyayari Kapag Namatay Tayo?

Ito ay mahalagang tanong, at sa pamamagitan ng mga propeta noon at ngayon, ibinigay ng Diyos ang sagot sa atin.

young man seeing spirit world

Ipinaalam ng mapagmahal nating Ama sa Langit ang mangyayari sa atin kapag namatay na tayo. Narito ang mga katotohanang makatutulong sa inyo na malaman kung nasaan na ngayon ang mga namatay nating mahal sa buhay at kung saan din tayo hahantong sa bandang huli.

Ano ang Alam Natin Tungkol sa Daigdig ng mga Espiritu?

Saan naroon ang daigdig ng mga espiritu?

Itinuro ni Pangulong Brigham Young (1801–77) na ang mga espiritu ng mga taong nabuhay sa mundo ay kasama pa rin natin sa mundong ito, bagama’t hindi natin sila nakikita.1

Ano ang kalagayan sa daigdig ng mga espiritu?

Depende iyan. Ang mabubuti ay makararanas ng paraiso—kaligayahan, kapahingahan, at kapayapaan, walang suliranin, alalahanin, at kalungkutan (tingnan sa Alma 40:12). Ang masasama ay makararanas ng impiyerno (tingnan sa Alma 40:13–14). Ang impiyerno ay mailalarawan bilang “pighati ng pagkabigo sa isipan ng tao.”2

Ano ang anyo ng mga espiritu?

Ang mga espiritu ng tao ay may anyong nasa kahustuhan ng gulang sa premortal na buhay at magtataglay pa rin ng ganoong anyo sa daigdig ng mga espiritu, namatay man sila na sanggol o kaya’y bata.3

Nakikita ba tayo ng mga espiritu sa daigdig ng mga espiritu?

Oo, kung kinakailangan. Sinabi ni Pangulong Joseph F. Smith (1838–1918) na ang mga nasa daigdig ng mga espiritu ay mas nakikita tayo kaysa nakikita natin sila at na “ang kanilang pag-aalala sa atin at kanilang pagmamahal sa atin at ang kanilang malasakit sa ating kapakanan ay mas matindi kaysa nadarama natin para sa ating sarili.”4

Ang mga espiritu ba sa daigdig ng mga espiritu ay matutukso pa rin?

Kung matapat ka sa buhay na ito, walang lakas si Satanas na impluwensyahan ka sa daigdig ng mga espiritu. Ang masasama ay mapapasailalim kay Satanas doon gaya nang narito sila sa lupa.5 Tulad nang ipinaliwanag ni Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol, ang buhay na ito ay ang panahon para magsisi, dahil “dito sa mortalidad magkasamang natututo ang katawan at ang espiritu.”6

Ano ang ginagawa ng mga espiritu sa daigdig ng mga espiritu?

Alam natin na ang mga espiritu ng matatapat na hindi pa nabuhay na mag-uli ay nagtuturo bilang mga missionary sa mga espiritung nasa bilangguan.7 Alam din natin na sa matatapat na naroon, nagpapatuloy ang ugnayan ng pamilya at organisasyon ng Simbahan.8

Ano ang Alam Natin Tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli?

Gaano karami ang mabubuhay na mag-uli?

Lahat ng taong nabuhay sa mundo ay mabubuhay na mag-uli (tingnan sa I Mga Taga Corinto 15:21–23).

Sino ang mabubuhay na mag-uli, at kailan?

Unang Pagkabuhay na Mag-uli, o “Pagkabuhay na Mag-uli ng Mabubuti” (D at T 76:17)

Sa Pagkabuhay na Mag-uli ni Cristo

Mga propeta at ilang mabubuting tao na tatanggap ng selestiyal na kaluwalhatian (tingnan sa Mosias 15:21–25).

Sa Ikalawang Pagparito ni Cristo

Ang mga tatanggap ng selestiyal na kaluwalhatian (tingnan sa D at T 76:50–70; 88:96–98).

Sa Pagsisimula ng Milenyo

Ang mga tatanggap ng terestiyal na kaluwalhatian (tingnan sa D at T 88:99).

Ikalawang Pagkabuhay na Mag-uli, o “Pagkabuhay na Mag-uli ng Masasama” (D at T 76:17)

Sa Pagtatapos ng Milenyo

Ang mga tatanggap ng telestiyal na kaluwalhatian (tingnan sa D at T 76:85; 88:100–101).

Mga anak na lalaki ng kapahamakan (tingnan sa D at T 76:43–48; 88:102).

Ano ang anyo ng katawan na nabuhay na mag-uli?

Ang katawan na nabuhay na mag-uli ay:

  • Imortal. “Ang katawang-lupang ito ay babangon sa isang walang kamatayang katawan, … upang sila ay hindi na mamatay” (Alma 11:45).

  • Ganap. “Ang espiritu at ang katawan ay magsasamang muli sa kanyang ganap na anyo” (Alma 11:43). Ipinaliwanag ni Pangulong Joseph F. Smith, “Ang kapinsalaan ng katawan ay mawawala; ang mga kapintasan ay aalisin, at ang mga kalalakihan at kababaihan ay magtatamo ng kaganapan ng kanilang mga espiritu, sa kaganapang nilayon ng Diyos sa simula pa lang.”9

  • Maganda. Sinabi ni Pangulong Lorenzo Snow (1814–1901), “Wala nang mas maganda pang masdan kaysa sa isang lalaki o babaeng nabuhay na mag-uli.”10

  • Maluwalhati. Si Pangulong Boyd K. Packer, Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, ay nagsabi: “Ang inyong espiritu ay bata at masigla at maganda. Kahit na ang katawan ninyo ay matanda at may karamdaman o lumpo o walang kakayahan sa alinmang paraan, kapag pinagsama ang espiritu at katawan sa Pagkabuhay na Mag-uli, magiging maluwalhati kayo; luluwalhatiin kayo.”11

  • Walang dalamhati o paghihirap. “Hindi na magkakaroon ng kamatayan; hindi na magkakaroon pa ng dalamhati, o ng pananambitan man, o ng hirap pa man” (Apocalipsis 21:4).

Ano ang mangyayari sa mga taong namatay na musmos pa lang?

Ayon kay Propetang Joseph Smith, ang mga magulang ng anak na namatay nang musmos pa lang “ay magkakaroon … ng kagalakan, ng pagkaaliw, ng kasiyahan sa [pag-aaruga] sa batang ito, pagkatapos ng pagkabuhay na mag-uli, hanggang sa marating nito ang kabuuan ng katayuan ng kanyang espiritu.”12

Ano ang mangyayari sa mga taong sinunog ang bangkay o hindi inilibing?

Bagama’t hindi hinihikayat ng Simbahan ang pagsusunog ng bangkay, naniniwala tayo na anuman ang mangyari, lahat ng tao ay mabubuhay na mag-uli nang may perpektong katawan. Itinuro ni Pangulong Brigham Young na sa pagkabuhay na mag-uli “ang naiibang pangunahing mga sangkap na bumubuo sa ating katawan dito, kung ang mga ito ay iginalang natin, bagama’t sila ay nailagak sa kailaliman ng dagat, at bagaman ang isa sa kanila ay nasa hilaga, ang isa ay nasa timog, ang isa ay nasa silangan, at ang isa ay nasa kanluran, ay magkakasamang titipunin muli sa isang kisap-mata, at aangkinin sila ng ating mga espiritu.”13

Ano ang Pisikal na Pagkabuhay na Mag-uli?

Ang pisikal na pagkabuhay na mag-uli ay bahagi ng plano ng Diyos at itinuro ng mga propeta mula pa noong panahon ni Adan (tingnan sa Moises 5:10). Pero “ang diyablo ay walang katawan, at iyon ang kanyang kaparusahan,”14 kaya sinisira niya ang doktrinang ito upang hindi maniwala ang mga tao sa pisikal na pagkabuhay na mag-uli.

Pinaniniwalaan ng maraming tao na ang katawan ay parang bilangguan para sa espiritu at magiging tunay na masaya lang tayo kapag napalaya ang espiritu mula sa katawan, pero hindi ito totoo. Ipinahayag ng Panginoon na ang pisikal na pagkabuhay na mag-uli ay kailangan dahil:

  • Sa ganyang paraan tayo nakatatanggap ng ganap na kagalakan. Tanging “ang espiritu at elemento [ang pisikal na katawan], hindi mapaghihiwalay ang kaugnayan, ay tatanggap ng ganap na kagalakan” (D at T 93:33). Alam din natin na ang mga namatay at naghihintay sa daigdig ng mga espiritu para sa Pagkabuhay na Mag-uli ni Cristo “ay tumingin sa matagal na pagkawalay ng kanilang mga espiritu mula sa kanilang mga katawan bilang isang pagkagapos” (D at T 138:50).

  • Ito ang pagpapala ng pagpili natin sa plano ng Ama sa Langit. Bago tayo isinilang sa mundo, lahat ng espiritung mabubuhay sa mundo ay piniling sundin ang plano ng Ama sa Langit kaysa ang paghihimagsik ni Satanas (tingnan sa Abraham 3:23–28). Dahil diyan, tumanggap tayo ng mortal na katawan at pagkatapos, sa pamamagitan ng kaloob na Pagkabuhay na Mag-uli ni Cristo, ay mabubuhay na mag-uli nang walang hanggan. Ang mga sumunod kay Satanas sa premortal na daigdig ay hindi kailanman tatanggap ng anumang uri ng pisikal na katawan.

  • Dadalhin tayo nitong muli sa kinaroroonan ng Diyos upang hatulan. Malinaw na itinuturo ng Aklat ni Mormon na ang kapangyarihan ng pagkabuhay na mag-uli ang nagtutulot sa ating makapasok sa kinaroroonan ng Diyos para hatulan alinsunod sa ating mga ginawa.15

  • Kailangan ito para maligtas. Itinuro ni Joseph Smith, “Walang taong magkakaroon ng kaligtasang ito kung hindi sa pamamagitan ng isang katawan [pisikal na katawan].”16

  • Sa ganyang paraan tayo nagiging katulad ng Ama sa Langit at ni Jesucristo. “Ang Ama ay may katawang may laman at mga buto na nahihipo gaya ng sa tao; ang Anak din” (D at T 130:22).

Mga Tala

  1. Tingnan sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Brigham Young (1997), 311.

  2. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 261.

  3. Tingnan sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph F. Smith (1998), 157–58.

  4. Joseph F. Smith, Gospel Doctrine, ika-5 edisyon (1939), 430–31.

  5. Tingnan sa Mga Turo: Brigham Young, 315–16; Alma 34:34–35.

  6. M. Russell Ballard, “Is It Worth It?” New Era, Hunyo 1984, 42.

  7. Tingnan sa D at T 138:30; tingnan din sa Mga Turo: Joseph Smith, 556.

  8. Tingnan sa Mga Alituntunin ng Ebanghelyo (2009), 289; para sa kaalaman tungkol sa daigdig ng mga espiritu, tingnan sa Dale C. Mouritsen, “The Spirit World, Our Next Home,” Ensign, Ene. 1977, 46–51.

  9. Joseph F. Smith, Gospel Doctrine, 23.

  10. Lorenzo Snow, The Teachings of Lorenzo Snow, ed. Clyde J. Williams (1996), 99.

  11. Boyd K. Packer, “Ang 20-Mark Note,” Liahona, Hunyo 2009, 23; New Era, Hunyo 2009, 5.

  12. Mga Turo: Joseph Smith, 206.

  13. Mga Turo: Brigham Young, 309.

  14. Mga Turo: Joseph Smith, 245.

  15. Tingnan sa 2 Nephi 9:22; Jacob 6:9; Mosias 16:8–10; Alma 11:41; 33:22; 40:21; Helaman 14:17; Mormon 7:6; 9:13.

  16. Mga Turo: Joseph Smith, 247.

Mga Aralin Tuwing Linggo

Ang Paksa sa Buwang Ito: Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo

MGA PAGLALARAWAN NI G. Bjorn Thorkelson; O Aking Ama, ni Simon Dewey

Siya ay Buhay, ni Simon Dewey; KANAN; PAGLALARAWAN NI G. Bjorn Thorkelson