2013
May Patotoo Ako Tungkol sa Pamilya
Marso 2013


Para sa Lakas ng mga Kabataan

May Patotoo Ako Tungkol sa Pamilya

Ann M. Dibb

Ilang taon na ang nakalipas, nakinig ako habang nagpapatotoo ang isang babae sa ward. Naaalala ko ang ibinahagi niya at ang nadama ko. Ipinagpasalamat ni Sister Reese ang kanyang mabuting pamilya at ang kanyang kagalakan at kapanatagan dahil alam niyang walang hanggan ang pamilya. Ipinadama sa akin ng Espiritu na taos-puso ko ring ninanais na magkaroon ng gayunding pagpapala at patotoo tungkol sa pamilya.

man with daughters

Magmumungkahi ako ng ilang makatutulong sa inyo para magtamo kayo ng patotoo tungkol sa kahalagahan ng pamilya:

1. Mapanalanging hangarin ang inspirasyon mula sa Panginoon at itala ang inyong mga naisip at nadama habang nag-aaral kayo. Dalisayin ang inyong buhay sa pagsunod sa mga kautusan. Makatutulong ito sa inyo para maging marapat sa Espiritu, na gagabay sa inyo sa hangaring ito.

2. Basahin “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,”1 na unang ipinahayag ng propeta halos 20 taon na ang nakararaan. Ang aking patotoo tungkol sa mga propeta, tagakita, at tagapaghayag ay napalalakas habang binabasa ko ang pahayag na ito at iniisip ang mga pagbabagong nagaganap sa mundo patungkol sa pamilya. Sa pagbasa ninyo ng paghahayag, itala ang mga doktrina, payo, babala, at mga pangakong biyaya at ang personal na ibig sabihin nito sa inyo.

3. Pag-aralan ang mga salita ng mga propeta at mga General Authority. Ang kanilang mga salita ay binigyang-inspirasyon at magpapala sa mga naniniwala at sumusunod sa mga ito. Halimbawa, itinuro ni Pangulong Thomas S. Monson: “Dapat na manguna sa ating buhay ang pamilya dahil ito lamang ang maaaring maging pundasyon na maituturing ng grupo ng mga responsableng tao na angkop para mapatatag ang bukas at mapanatili ang mga pinahahalagahan nila ngayon.”2

4. Pag-aralan ang mga banal na kasulatan. Naglalaman ito ng maraming halimbawa ng mga pamilyang matatag na nakasalig sa kabutihan, pagsunod, at pananampalataya sa patotoo kay Jesucristo. Basahin ang inyong mga banal na kasulatan, lalo na ang Aklat ni Mormon, at itanong “Anong mga turo ang magpapala sa akin kapag ipinamuhay ko ito sa aking pamilya at magiging pamilya?”

5. Pag-aralan ang Para sa Lakas ng mga Kabataan, lalo na ang bahagi tungkol sa “Pamilya.” Pag-aralan ang mga responsibilidad at pagpapala ng pamilya. Magtala ng kailangang gawin ng bawat miyembro para makabuo at manatiling nagkakaisa at nakasentro sa ebanghelyo ang pamilya. Alamin kung paano ninyo mapalalakas ang pagsasamahan sa inyong pamilya. Hanapin ang katiyakan at kaaliwang matatagpuan sa sidebar sa kanan.

Tunay ngang ang bawat bahagi sa Para sa Lakas ng mga Kabataan ay direktang tumutukoy sa ugnayan ng pamilya at makapagpapabuti rito. Kapag sinusunod ng bawat miyembro ang mga pamantayan at kautusan, mapapasakanila ang Espiritu Santo at magiging marapat sa mga sagradong ordenansa at tipan sa templo na magpapala sa bawat pamilya ngayon at sa kawalang-hanggan.

6. Ipamuhay ang natutuhan ninyo sa inyong pag-aaral at ipamuhay ang natutuhan ninyo sa inyong pamilya (tingnan sa D at T 88:119).

Napakinggan ko ang mga nakaaantig na patotoo ng mga kabataang babae sa ginagawa nila tungkol sa pangatlong karanasan sa pinahahalagahan sa bahaging banal na katangian ng Pansariling Pag-unlad, kung saan pinagagawa ang mga kabataang babae ng bagay na magpapalakas sa ugnayan ng kanilang pamilya sa loob ng dalawang linggo (makikita rin ng mga kabataang lalaki ang planong kahalintulad nito sa Pagtupad sa Aking Tungkulin sa Diyos [2010], 80–81). Sabi ng isang kabataang babae, “Nakaranas ako ng himala. Mahal ko ang kapatid kong babae, at nangyari ito sa loob lang ng dalawang linggo! Gumawa ako ng mithiin na ulitin ito sa bawat miyembro ng aking pamilya taun-taon. Bakit? Dahil labis akong pinaligaya nito!”

7. Manalangin at maghangad ng inspirasyon mula sa Espiritu tungkol sa kahalagahan ng pamilya. Maging matiyaga at mapagmasid. Darating ang patotoo sa pamamagitan ng Espiritu dahil “ang pamilya ay inorden ng Diyos” at “ito ang pinakamahalagang unit sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan.”3

Alam ko na sa paggawa ng mga bagay na ito darating ang panahon na kayo, tulad ni Sister Reese, ay tatayo at ibabahagi na, “Ako ay nagpapatotoo tungkol sa pamilya, at ang kaalamang ito ay nagbibigay sa akin ng kaaliwan at kagalakan.”

Mga Tala

  1. “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Liahona, Nob. 2010, 129.

  2. Teachings of Thomas S. Monson, comp. Lynne F. Cannegieter (2011), 112.

  3. Handbook 2: Administering the Church (2010), 1.1.1.

Mga paglalarawan mula sa Publishing Services Department