2013
Manatili sa Cape Town
Marso 2013


Manatili sa Cape Town

Nicky Burgoyne Smith, Utah, USA

Mula nang magmisyon ako sa England London Mission, gusto kong bumalik doon para manirahan at magtrabaho. Katatapos ko lang noon ng master’s degree, nagpasiya ako na maaaring tamang panahon ito para sa akin na manirahan sa London. Nakahanap ako ng trabaho at maganda ang pakiramdam ko sa desisyon kong lumipat.

Gayunman, isang gabi, nanalangin ako para malaman ang kagustuhan ng Panginoon at kung makabubuti para sa akin na manirahan sa London. Habang pinipilit kong makatulog, paulit-ulit kong naisip ito: “Kailangan mong manatili sa Cape Town.” Ang kaisipang ito ay pabalik-balik sa loob ng ilang oras. Sa huli ay naisip ko na gusto ng Diyos na manatili ako sa Cape Town. Kaya, kahit gusto kong lumipat, nagpasiya akong manatili rito. Kaagad akong nakatulog pagkatapos niyon.

Nang sumunod na araw binale-wala ko ang nangyari noong nakaraang gabi at patuloy na inisip kung maninirahan ba ako sa London. Ngunit nang gabing iyon naulit ang naranasan ko noong isang gabi. Ang mga salitang “Kailangan mong manatili sa Cape Town” ay paulit-ulit na sumagi sa aking isipan. Nang pagnilayan ko ang bagay na ito, nakumbinsi ako na gusto talaga ng Panginoon na manatili ako sa Cape Town, at nais kong gawin ang ipagagawa sa akin ng Panginoon.

Nang sumunod na linggo tinawagan ako ng aming stake president at hiniling na makipag-usap ako sa kanya. Nalaman ko agad na may tungkuling ibibigay ang Panginoon sa akin. Nagpatotoo ang Espiritu na ang dahilan kaya kailangan kong manatili sa Cape Town ay may ipagagawa sa akin ang Panginoon.

Tinanggap ko ang tungkulin bilang stake Young Women president, at habang naglilingkod sa loob nang ilang taon, naging kasangkapan ako sa mga kamay ng Panginoon. Bunga nito, pinagpala ang buhay ko at ang buhay ng mga taong pinaglingkuran ko. Humusay ako sa pamumuno, at tinuruan ako ng Panginoon ng maraming bagay sa pamamagitan ng paglilingkod sa iba.

Magmula noon lalo akong nagtiwala sa Panginoon. Lubos akong nagpapasalamat sa banayad na panghihikayat ng Espiritu na gumabay sa akin upang malaman at magawa ang Kanyang kagustuhan. Dahil hindi ako gaanong nag-alinlangan at handang sundin ang inspirasyong natanggap ko, nadama ko ang malaking kagalakan at kapayapaan, nalalamang nalulugod ang aking Ama sa Langit sa aking buhay.