2013
Pinagpapala ng Ikapu ang mga Pamilya
Marso 2013


Pinagpapala ng Ikapu ang mga Pamilya

Sandie Graham, New York, USA

Lumaki ako sa Simbahan ngunit lumayo ako noong tinedyer na ako. Nang bumalik ako sa Simbahan, sinuportahan ako ng asawa kong si Dale pero hindi siya interesado na magpaturo sa mga missionary.

Matapos maging aktibo, kinausap ako ng bishop para sa temple recommend. Itinanong niya kung ako ay tapat na nagbabayad ng ikapu, at masaya kong sinabing nagbabayad ako. Nagulat ako nang itanong ng bishop, “Alam ba ng asawa mo na nagbabayad ka ng ikapu?” Natigilan ako—bakit mahalaga iyon? Magiliw na sinabi ng bishop na bumalik ako sa kanya kapag nasabi ko na kay Dale na nagbabayad ako ng ikapu.

Isang umaga ng Linggo nagkaroon ako ng lakas ng loob na sabihin sa asawa ko na nagbabayad ako ng ikapu. Ginulat ako ni Dale sa pagsasabing, “Alam ko.” Ito ang una sa maraming himala na dulot ng pagbabayad ng ikapu.

Di-nagtagal, ipinabahala sa akin ni Dale ang kita ng pamilya. Nang ipaliwanag ko na magbabayad ako ng buong ikapu sa lahat ng kita namin, pumayag siya dahil nakita niya ang pagpapalang dulot ng ikapu.

Ang aming paminggalan ay palaging puno, nagdarasal kaming pamilya araw-araw, pumupunta ang mga missionary minsan sa isang buwan, at sumasali ang asawa ko sa family home evening. Naniniwala ako na balang-araw magiging miyembro ng Simbahan si Dale at na ang kanyang pagbabalik-loob ay nagsimula sa desisyon naming magbayad ng buong ikapu nang magkasama.