2013
Lalo pang Nakikilala ang Simbahan sa South America, Pag-uulat nina Elder Oaks at Elder Bednar
Marso 2013


Lalo pang Nakikilala ang Simbahan sa South America, Pag-uulat nina Elder Oaks at Elder Bednar

Ang pambungad na bahagi ng Doktrina at mga Tipan ay kinapapalooban ng propesiya na ang Simbahan ay lalabas “mula sa pagkakatago at mula sa kadiliman” (1:30). Marahil dumating na nga ang araw na iyan sa maraming lugar sa South America.

“Tayo ay lumabas mula sa pagkakatago at kadiliman,” sabi ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol pagkatapos niyang bumalik mula sa South America noong Oktubre. “Ang katotohanang iyan ay nakita sa kung paano kinikilala ng mga opisyal ng gobyerno [ng South America] ang Simbahan at kung paano tinatanggap ang mga kinatawan ng Simbahan kapag sila ay dumarating.”

Si Elder Bednar kasama si Elder Dallin H. Oaks, na miyembro din ng Korum ng Labindalawang Apostol, ay bumisita noong Oktubre 19–28 sa South America South Area na kinapalooban ng paglilibot sa area, mga missionary at priesthood leadership meeting, at mga debosyonal para sa mga kabataan at young single adult na ibinrodkast sa Chile, Argentina, Uruguay, at Paraguay.

Pinulong ng mga dumalaw na lider ang mahigit 1,800 missionary na naglilingkod sa apat na bansa ng area. “Kinamayan namin ang lahat ng mga misyonerong nakadaupang-palad namin, at mabuti naman sila,” sabi ni Elder Oaks. “Sila ay kahanga-hangang grupo ng mga missionary mula sa North at South America.”

Tinatayang 15,000 tao ang nanood sa dalawang debosyonal para sa mga kabataan at young single adult. Si Elder Oaks ang nangulo sa debosyonal para sa young single adult, na ibinrodkast sa 326 na lokasyon sa buong area. Si Elder Bednar ang nangulo sa debosyonal para sa mga kabataan, na napanood ng mga kabataan na edad 12 hanggang 18 at ng kanilang mga magulang na nagtipon sa 439 na lokasyon.

Sa bawat training at debosyonal, nagsalita ang bumisitang mga Kapatid tungkol sa kahalagahan ng pagtamo ng “tunay na pag-unlad” sa pamamagitan ng palaging pagdalo sa sacrament meeting, mga endowment at kasal sa templo, at pagmimisyon ng mga kabataan.

Sa debosyonal para sa mga kabataan, inanyayahan ang mga kabataang lalaki at babae na magtanong. Sinagot ng mga General Authority ang maraming iba’t ibang tanong tungkol sa paghahanda sa pagmimisyon at pananatiling matwid sa mundong lalo pang nagiging masama.

Pinayuhan din ng mga Kapatid ang mga lider ng priesthood sa lugar na ang tunay na pag-unlad ay matatamo lamang ng area kapag lalo pang dumami ang misyonero at napanatiling aktibo ang mga miyembro. Kinakailangan ang isang grupo ng mga aktibong returned missionary upang matiyak ang pagkakaroon sa hinaharap ng mahuhusay na lider, ang sabi ni Elder Oaks.

Inilarawan ni Elder Mervyn B. Arnold ng Pitumpu, Area President ng panahong iyon, ang pagdalaw ng mga General Authority at kanilang asawa bilang isang bagay na “nagbigay-inspirasyon, sigla at kaalaman” sa kanila.

“Hindi malilimutan ang kanilang pagmamahal, kabaitan, at pagtuturo,” ang sabi niya.

Nakausap ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol ang arsobispo ng Santiago, Chile, na si Monsignor Ricardo Ezzati Andrello.

Retrato sa kagandahang-loob ng South America South Mission at Church News