Mga Kuwento mula sa Kumperensya
Namnamin ang Sandali
Pangulong Dieter F. Uchtdorf, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan, “Mga Panghihinayang at Pagpapasiya,” Liahona, Nob. 2012, 23–24.
Kami ng asawa kong si Harriet ay mahilig magbisikleta. Napakasayang mamasyal at masdan ang kagandahan ng kalikasan. May mga gusto kaming dinaraanan sakay ng bisikleta, pero hindi namin gaanong pinapansin kung gaano na kami kalayo o kabilis kumpara sa ibang nagbibisikleta.
Pero, kung minsan, iniisip ko na dapat ay mas galingan namin ang pagbibisikleta. Sa palagay ko mas bibilis ang takbo namin at mas malayo ang mararating kung magpupursigi pa kami nang kaunti. At kung minsan hindi ko mapigilang banggitin ang mungkahing ito sa aking butihing maybahay.
Ang karaniwang reaksyon niya sa mungkahi ko ay laging magiliw, malinaw, at diretsahan. Nakangiti niyang sasabihin, “Dieter, hindi tayo nakikipag-unahan; naglalakbay tayo. Namnamin natin ang sandali.”
Tama nga siya!
Kung minsan sa buhay, masyado tayong nakatuon sa finish line kaya hindi tayo nasisiyahan sa paglalakbay. Hindi ako nagbibisikleta kasama ng aking asawa dahil sa gusto kong makarating sa gusto kong puntahan. Nagbibisikleta ako dahil masaya ako na makasama siya.
Hindi ba’t kahangalan na di-maranasan ang tuwa at saya ng isang pangyayari dahil ang lagi nating inaabangan ay kung kailan ito matatapos?
Pinapakinggan ba natin ang magandang musika na ang hinihintay marinig ay ang huling nota bago natin hayaan ang sariling masiyahan dito? Hindi. Nakikinig tayo at nakakaugnay sa iba’t ibang himig, ritmo, at magandang tunog sa buong komposisyon.
Nagdarasal ba tayo na ang iniisip lang ay ang salitang “amen” sa dulo? Siyempre hindi. Nagdarasal tayo upang maging malapit sa ating Ama sa Langit, matanggap ang Kanyang Espiritu at madama ang Kanyang pagmamahal.
Hindi natin dapat hintayin ang bukas para maging masaya, at matuklasang maaari palang maging maligaya—sa lahat ng sandali! Hindi rin dapat isipin ang nakaraan para lamang mapahalagahan ang buhay. “Ito ang araw na ginawa ng Panginoon … ,” ang isinulat ng Mang-aawit. “[Mangagalak] at ating katutuwaan.” [Mga Awit 118:24.]