2013
Kailangan ang Tulong ng mga Media Professional sa mga Proyekto ng Simbahan
Marso 2013


Kailangan ang Tulong ng mga Media Professional sa mga Proyekto ng Simbahan

Sa pagsisikap na lalo pang maunawaan ang kuwento tungkol sa Simbahan sa iba’t ibang dako ng mundo, binuo ng Publishing Services Department ang Media Professional Database (mediapro.lds.org), isang direktoryo para sa mga media professional na interesado sa paggawa at pag-produce ng pelikula, video, broadcast, live na mga kaganapan, at digital media

Ang pangunahing layunin ng database ay matukoy ang mahuhusay na mga media professional sa buong mundo, at gusto ng Simbahan na isama hangga’t maaari ang maraming “beterano”—o lisensyadong—mga propesyonal, indibiduwal, at kompanya. Sinabi ni Scott Olson, project manager para sa database, “Ang Simbahan ay naghahanap ng mahuhusay na propesyonal na ilang taon nang nagtatrabaho. Hindi ito database para sa mga naglilibang lamang.”

Noon kapag kailangang matapos ang isang media project, ang mga lokal na kontratista sa Utah ay tatanggapin sa trabaho at pupunta sila sa isang lugar para mag-video shoot o tapusin ang proyekto at pagkatapos babalik sila at kukumpletuhin ito sa headquarters ng Simbahan. Ang Simbahan ay may mga audiovisual professional na gumagawa sa mga proyekto, ngunit napakarami pang mga media project na kailangang tapusin na hindi magagawang lahat ng mga tauhan ng Simbahan. Ang database ng mahuhusay na propesyonal sa buong mundo ay mahalaga sa mga media project ng Simbahan sa hinaharap.

Sinabi ni Brother Olson, “Para lubos at epektibong magamit ng Simbahan ang MediaPro, kailangang mas marami pang propesyonal mula sa iba’t ibang dako ng mundo ang idagdag dito. Ang mithiin namin para sa site ay makakuha ng mahuhusay na media professional na nakapasok na sa database ng Simbahan nang sa gayon kapag nagkaroon ng proyekto saanman sa mundo, makokontak namin sila at madaling masisimulan ito.”

Dapat ipadala ng isang media professional na gustong mapabilang sa mga proyekto ang kanyang pangalan, email address, at maikling talambuhay sa mediapro@ldschurch.org. Pupunan ng mga media professional ang isang bahagi ng impormasyon tungkol sa detalyadong kasaysayan ng kanilang trabaho, pati na ang mga halimbawa ng kanilang mga nagawa, listahan ng mga kasanayan, at kailan sila maaaring magtrabaho. Sinabi ni Brother Olson, “Mahalaga na maging partikular kayo sa inyong mga kasanayan dahil ang ilang mga kasanayan ay karaniwan sa video, film, at sa web.”

Ang pagrehistro sa MediaPro ay hindi garantiya na makakapagtrabaho sa Simbahan, ngunit kung hindi nagrehistro ang mga propesyonal, hindi sila magkakaroon ng pagkakataon. Ang pagrehistro ng kanilang impormasyon at mga kasanayan ay nagtutulot sa Simbahan na makilala sila at malaman kung ano ang magagawa nila.

Sa tulong ng Media Professionals Database, magagamit ng Simbahan ang mga team ng mga media professional sa iba’t ibang bansa para mag-shoot ng video sa iba’t ibang dako ng mundo nang mas mabilis at matipid.

Paglalarawan ni Matthew Reier