2013
Ang Kapangyarihan ng Salita ng Diyos
Marso 2013


Ang Kapangyarihan ng Salita ng Diyos

Mula sa mensahe sa debosyonal na ibinigay sa Brigham Young University–Hawaii noong Marso 22, 2011. Para sa buong mensahe sa Ingles, magpunta sa devotional.byuh.edu/archive.

Elder Michael John U. Teh

Kakaunti lang ang iba pang mga aktibidad na nagdudulot sa atin ng mas malaking kabutihan sa espirituwal kaysa araw-araw at palagiang pag-aaral ng mga banal na kasulatan.

Noong bishop ako maraming taon na ang nakararaan, napagpasiyahan namin ng mga counselor ko na bibisitahin namin ang lahat ng miyembro sa kanilang tahanan nang minsan sa isang taon. Minsan nang bumisita kami, naglakad kami sa isang inabandonang riles ng tren na nahahanayan sa magkabilang panig ng maliliit na tahanan na yari sa cardboard-box na hindi hihigit sa anim na talampakan ang luwang at anim na talampakan ang taas (mga 2 m ang luwang at 2 m ang taas). Sa maliit na espasyong ito, dito na rin ang sala, kainan, tulugan, at kusina ng pamilya.

Ang matatanda na nakatira sa lugar na iyon ay may nakasanayan nang gawin. Ang kalalakihan ay halos walang trabaho o walang permanenteng trabaho. Inuubos nila ang kanilang oras sa pag-uumpukan sa mga mesa, naninigarilyo at nag-iinuman ng alak. Nag-uumpukan din ang kababaihan, pinag-uusapan ang mga pinakakontrobersyal na balita ng araw na iyon, na may halong paninira at pagtitsismis. Ang pagsusugal ay paborito ring libangan ng mga bata at matanda.

Ang lubos na nakabahala sa akin ay tila kuntento na ang mga tao na mamuhay sa gayong paraan. Sa huli naisip ko na marahil para sa marami sa kanila, ang kawalang-pag-asa ang nagtulak sa kanila na maniwala na ganito na talaga ang kapalaran nila. Talagang nakapanlulumo ang tagpong ito.

Kalaunan nalaman ko na ang aking counselor, na isang inhinyero, ay dating nakatira sa lugar na iyon. Hindi ko naisip iyon dahil ang kanyang pamilya ay ibang-iba sa mga pamilyang nakita ko roon. Lahat ng kanyang kapatid ay nakapag-aral at maayos ang mga pamilya.

Ang tatay ng counselor ko ay simpleng tao. Nang makilala ko siya, maraming tanong ang sumagi sa isipan ko. Paano niya iniahon ang kanyang sarili? Paano niya iniahon ang kanyang pamilya sa sitwasyong iyon? Paano siya nagkaroon ng pananaw ng maaari nilang marating? Paano siya nagkaroon ng pag-asa gayong tila ang lahat ng nakapalibot sa kanya ay wala nang pag-asa?

Maraming taon na ang nakararaan, sa Manila Philippines Temple, dumalo ako sa isang pagtitipon ng lahat ng mission president at kanilang asawa na naglingkod noon sa Pilipinas. Isang magandang sorpresa ang bumungad sa akin nang pumasok ako sa isa sa mga silid sa templo. Nakatayo sa harapan ko ang tatay ng aking counselor—ang tahimik, mapagpakumbabang lalaking ito—ay nakasuot ng puting damit.

Sa sandaling iyon dalawang tagpo ang nakita ko. Ang unang tagpo ay isang lalaking naglalasing kasama ang kanyang mga kaibigan at sinasayang ang kanyang buhay. Ang pangalawang tagpo ay nagpapakita sa lalaki ring iyon na nakasuot ng puting damit at nangangasiwa sa mga ordenansa ng banal na templo. Ang malaking kaibhan ng napakagandang pangalawang tagpong iyon ay mananatili sa aking puso at isipan magpakailanman.

Ang Kapangyarihan ng Salita

Ano ang nagtulak sa butihing miyembrong ito na iahon ang kanyang sarili at kanyang pamilya? Ang sagot ay matatagpuan sa kapangyarihan ng salita ng Diyos.

Naniniwala ako na kakaunti lang ang iba pang mga aktibidad na nagdudulot sa atin ng mas malaking kabutihan sa espirituwal kaysa araw-araw at palagiang pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Sa bahagi 26 ng Doktrina at mga Tipan—isang paghahayag ang ibinigay “upang palakasin, hikayatin, at tagubilinan”1 si Propetang Joseph Smith at iba pa—ipinayo ng Panginoon, “Masdan, sinasabi ko sa inyo na ilaan ninyo ang inyong panahon sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan” (talata 1).

Sinasabi sa atin ng Aklat ni Mormon, “Ang pangangaral ng salita ay … may higit na malakas [na] bisa sa isipan ng mga tao kaysa sa espada, o ano pa mang bagay, na nangyari na sa kanila” (Alma 31:5).

Itinuro ni Pangulong Boyd K. Packer, Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang tunay na doktrina, kapag naunawaan, ay nagpapabago ng asal at pag-uugali. Ang pag-aaral ng mga doktrina ng ebanghelyo ay mas mabilis na makapagpapabuti sa pag-uugali kaysa sa mismong pag-aaral ng pag-uugali.”2

Sinabi ni Pangulong Ezra Taft Benson (1899–1994): “Gumagawa ang Panginoon mula sa loob palabas. Gumagawa ang daigdig mula sa labas paloob. Maaalis ng daigdig ang mga tao sa magulo at maruming lugar. Inaalis ni Cristo ang di-magagandang ugali ng mga tao, at inaalis naman nila ang kanilang sarili sa magulo at maruming lugar. Hinuhubog ng daigdig ang mga tao sa pamamagitan ng pagbabago ng kanilang kapaligiran. Binabago ni Cristo ang mga tao, na siya namang nagbabago ng kanilang kapaligiran. Mahuhubog ng daigdig ang kilos ng mga tao, subalit mababago ni Cristo ang ugali ng mga tao.”3

Dahil lumaki ako sa Pilipinas, nalaman ko na noong mga unang taon ng 1900s, ang pagbabasa ng Banal na Biblia ay para lamang sa mga lider ng relihiyon. Hindi pinahihintulutan ang mga tao na magbasa ng mga banal na kasulatan o magkaroon nito.

Bilang kabaligtaran, nabubuhay tayo sa panahong maaari nating mabasa ang mga banal na kasulatan. Ngayon lamang nangyari sa kasaysayan ng mundo na nagkaroon ang mga anak ng Diyos ng pagkakataong mabasa ang mga banal na materyal na ito. Ang nakalathalang mga kopya ng mga banal na kasulatan ay mabibili na sa mga bookstore o internet. Ang mga electronic copy ay agad na makukuha sa pamamagitan ng World Wide Web at maaaring i-download sa napakaraming device. Napakadali na ngayon ang maghanda ng mga mensahe, magsulat ng mga artikulo, at magsaliksik ng impormasyon.

Ibinigay sa atin ng Diyos ang bagong teknolohiyang ito para sa matalinong layunin. Ang kaaway, gayunpaman, ay pinag-ibayo ang kanyang pagsalakay at ginagamit ang pagsulong ng teknolohiya—na nilayon ng Diyos na makatulong sa atin—upang maisakatuparan ang kanyang layunin na gawin tayong “kaaba-abang katulad ng kanyang sarili” (2 Nephi 2:27).

Kung gayon, responsibilidad nating matutuhang gamitin ang anumang ibinigay ng ating Ama sa Langit sa paraang epektibo, naaayon, at mabuti.

Ang Kasagraduhan ng Salita

Tinatanggap at pinahahalagahan nating mga Banal sa mga Huling Araw ang mga banal na kasulatan, ngunit kung minsan iba ang ipinahihiwatig ng ating kilos at pagpapahalaga sa mga ito. Ang kakulangan ng pag-unawa sa kahalagahan ng banal na kasulatan ay malinaw na inilarawan sa panaginip ni Lehi:

“At nakakita ako ng di mabilang na lipumpon ng mga tao, marami sa kanila ay nagpatuloy sa paglalakad, upang kanilang matamo ang landas patungo sa kinatatayuan kong punungkahoy.

“At ito ay nangyari na, na nagtungo sila, at nagsimula sa landas na patungo sa punungkahoy.

“At ito ay nangyari na, na may lumitaw na abu-abo ng kadiliman; oo, maging isang napakalaking abu-abo ng kadiliman, kung kaya nga’t sila na mga nagsimula sa landas ay nangaligaw, at sila ay nagpagala-gala at nangawala” (1 Nephi 8:21–23).

Ang isiping kailangan lang nating magsimula sa landas nang hindi mahigpit na kumakapit sa gabay na bakal ay kahangalan at tiyak na hahantong sa pagkawasak. Ipinaliwanag ni Nephi ang ibig sabihin ng mahigpit na kumapit sa gabay na bakal. “Kaya nga, kinakailangan kayong magpatuloy sa paglakad nang may katatagan kay Cristo, na may ganap na kaliwanagan ng pag-asa, at pag-ibig sa Diyos at sa lahat ng tao. Samakatwid, kung kayo ay magpapatuloy, nagpapakabusog sa salita ni Cristo, at magtitiis hanggang wakas, masdan, ganito ang wika ng Ama: Kayo ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan” (2 Nephi 31:20; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Alamin pa natin ang nangyari sa mga taong nakatanto ng kahalagahan ng gabay na bakal habang sinisikap nilang makarating sa punungkahoy.

“At sinuman ang makikinig sa salita ng Diyos, at mahigpit na kakapit dito, kailanman sila ay hindi masasawi; ni ang mga tukso o nag-aapoy na sibat ng kaaway ay makapananaig sa kanila tungo sa pagkabulag, upang akayin sila sa pagkalipol” (1 Nephi 15:24).

Mababasa natin sa aklat ni Alma:

“Ibinigay sa marami na malaman ang mga hiwaga ng Diyos; gayunpaman, sila ay pinasailalim sa isang mahigpit na pag-uutos na hindi nila ipamamahagi tanging alinsunod lamang sa bahagi ng kanyang salita na ipinagkaloob niya sa mga anak ng tao, alinsunod sa pagtalima at pagsusumikap na kanilang ibinigay sa kanya

“At kaya nga, siya na magpapatigas ng kanyang puso, siya rin ang tatanggap ng higit na maliit na bahagi ng salita; at siya na hindi magpapatigas ng kanyang puso, sa kanya ay ibibigay ang higit na malaking bahagi ng salita, hanggang sa ibigay sa kanya na malaman ang hiwaga ng Diyos, hanggang sa kanyang malamang ganap ang mga ito.

“At sila na magpapatigas ng kanilang mga puso, sa kanila ay ibibigay ang higit na maliit na bahagi ng salita hanggang sa wala na silang malaman pa hinggil sa kanyang mga hiwaga; at pagkatapos, sila ay kukuning bihag ng diyablo, at aakayin ng kanyang kagustuhan tungo sa pagkawasak” (Alma 12:9–11).

Naniniwala ako na ang pagbabale-wala sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan sa araw-araw ay isang uri ng pagpapatigas ng ating puso. Natatakot ako na kung magpapatuloy tayo sa landas na iyan, mabibigyan lang tayo ng maliit na bahagi ng salita at kalaunan ay wala na tayong malalaman pa sa mga hiwaga ng Diyos. Ang pag-aaral ng mga banal na kasulatan araw-araw, sa kabilang banda, ay tutulong sa atin na magkaroon ng espirituwal na lakas at kaalaman, mailantad ang mga panlilinlang ng diyablo, at matuklasan ang patibong na inilatag niya sa atin upang mabihag tayo.

Habang itinatanong ninyo sa inyong sarili ang mga sumusunod, inaanyayahan ko kayo na tulutan ang Espiritu Santo na mangusap sa inyong puso’t isipan:

  • Pinag-uukulan ko ba ng oras ang pagbabasa ng mga banal na kasulatan araw-araw?

  • Kung hindi, ano ang dahilan ko sa hindi paggawa nito?

  • Ang dahilan ko ba ay katanggap-tanggap sa Panginoon?

Hinahamon ko kayo na mangakong basahin ang mga banal na kasulatan araw-araw. Huwag kayong matulog ngayong gabi nang hindi nagbabasa. Kapag nagbasa kayo, magkakaroon kayo ng malaking hangaring gawin ang kagustuhan ng Panginoon at baguhin ang inyong buhay.

Mga Tala

  1. Doktrina at mga Tipan 24, pambungad sa bahagi.

  2. Boyd K. Packer, “Huwag Matakot,” Liahona, Mayo 2004, 79.

  3. Ezra Taft Benson, “Born of God,” Ensign, Okt. 1985, 6.

Paglalarawan ni Jim Madsen

Larawang kuha ni Tim Taggart