2013
Nagtiwala sa Akin ang Kapatid Ko
Marso 2013


Nagtiwala sa Akin ang Kapatid Ko

Tinulungan ako ni Dan na paghusayin ang talento na alam kong hindi ko taglay.

boy with a microphone

Paglalarawan ni Guy Francis

Ako ay 15 taon nang malaman ko ang tungkol sa aking mga talento—o sa mas malinaw na salita, na wala akong talento—sa isang partikular na larangan: hindi ako marunong kumanta.

Sinubukan kong sumali sa isang dula-dulaan sa lugar namin, at dahil wala sa tono ang a cappella ko kung kaya’t sa kalagitnaan ng pagkanta, umakyat ang manunugtog at sinaliwan ako dahil naawa siya sa akin. Pagkatapos niyon, isinumpa kong hindi na nila ako maririnig na kumanta. Oras na para humanap ng ibang kahihiligan dahil tama na ang minsang kahihiyan.

Pero, ang aking kuya Dan, na napakagaling kumanta, ay may ibang pinaplano. Ilang buwan mula nang mag-audition ako, itinanong niya kung bakit takot akong kumanta nitong mga huling araw.

“Nahihiya ako,” sabi ko sa kanya. “Hindi ako marunong kumanta.” Ayaw maniwala ni Dan sa akin. Kahit panay ang tanggi ko, kinumbinsi pa rin niya akong kumanta. Ang tindi ng kaba ko.

Hindi ko na matandaan ang kinanta ko, pero maikli lang iyon, halos di marinig, at katibayan iyon na wala akong talento sa pagkanta. Ang sumunod na sinabi ni Dan ay hindi ko malilimutan kahit kailan. “Nakita mo na,” sabi niya, “alam ko na maganda ang boses mo. Kailangan mo lang magpraktis.”

Sa Doktrina at mga Tipan 38:25 itinuro sa atin na “pahalagahan ng bawat tao ang kanyang kapatid gaya ng kanyang sarili.” Kung pinagtawanan ako ni Dan at ang pagkanta ko, na maaaring gawin ng mga nakatatandang kapatid, walang dudang tinapos na niya ang pagtatangka kong kumanta, marahil nang habambuhay pa. Pero sa halip na gawin iyan, pinalakas ni Dan ang loob ko. Hinikayat niya ako.

Sa huli, sinunod ko ang payo niya at nagpraktis. Nagulat ako na unti-unting gumanda ang boses ko. Naging malaking kasiyahan sa akin ang pagkanta. Kumanta ako sa maraming koro noong hayskul at sa kolehiyo at kahit nang makatapos na ako. Hanggang ngayon, ang pagkanta ang isa sa mga lubos na nagpapasaya sa akin.

Itinuro ng Tagapagligtas: “Masdan, ang mga tao ba ay nagsisindi ng kandila upang ilagay sa ilalim ng takalan? Hindi, kundi sa isang kandelero, at ito ay nagbibigay-liwanag sa lahat ng nasa bahay” (3 Nephi 12:15). Napaningas ko ang liwanag na iyon, masayang ibinabahagi ang musika sa loob ng maraming taon, pero hindi ko magagawa iyon kung hindi ako hinikayat ng kapatid kong si Dan.