2013
Mga Nakatagong Panganib
Marso 2013


Mga Nakatagong Panganib

Para maiwasang mahulog sa sinkhole o malaking butas, huwag lumihis ng landas!

two young women

Sa tuktok ng Santa Cruz, isang pulo sa Galápagos, matatagpuan ang Los Gemelos, “the Twins.” Bawat isa sa malalaking sinkhole na ito ay kayang maglaman ng ilang football field. Mula sa gilid, para itong mga sinaunang tibagan na nagsusuplay ng bato sa mga templong itinayo noong unang panahon.

Kahit na likas na maganda ang lugar, hindi naman lahat ay ganoon. Natatakpan ng maraming pananim ang kalupaan maliban lang sa mga daanan. Sadyang pinili ang matigas na bahagi ng lupa para gawing daanan. Ang lupa sa magkabilang panig ng daan, kahit puno ng mga palumpong, halaman, at pati mga puno, ay hindi ganoon katigas at katatag.

Kung aalis ka sa mga daanang nakapalibot sa Los Gemelos para galugarin ang gubat, posibleng makatapak ka sa lupa na hindi ganoon katigas para makaya ang iyong bigat. Gaano kalalim ang babagsakan mo? Hindi mo malalaman hangga’t hindi mo naaabot ang pinakaibaba. Ilan sa mga sinkhole sa Santa Cruz ay mahigit 100 talampakan (30 m) ang lalim. Ayon sa mga kuwento ng mga tao sa lugar, may isang sinkhole na napakalalim kung kaya’t hindi matagpuan ang pinakaibaba nito.

May tinutumbok na tiyak na ruta ang mga daanan—na maaaring hindi mo gugustuhing tahakin. Pero siguradong ligtas ka sa mga daanan at tiyak na may patutunguhan.

Mag-ingat sa Malambot na Lupa

Sa ebanghelyo, ang mga daan sa paligid ng Los Gemelos ay sumasagisag sa maraming bagay, gaya ng mga kautusan, mga turo ng mga propeta, payo sa Tungkulin sa Diyos at sa Pansariling Pag-unlad, ang mga pamantayan sa Para sa Lakas ng mga Kabataan, at sa ebanghelyo mismo. Kapag nakikibahagi tayo sa ebanghelyo, kapag sinusunod natin ang mga turo ng propeta, kapag namumuhay tayo ayon sa paggabay ng mga kautusan, nadarama nating ligtas at payapa tayo. Kapag hindi natin ito ginagawa … manganganib ang mga bagay-bagay.

Kung minsan natutukso tayong tumigil sa pagsunod sa mga kautusan o balewalain ang mga turo ng Simbahan dahil pakiramdam natin ay mahigpit ito. Gusto nating piliin ang gusto nating gawin sa buhay.

Pero tulad ng mga daanan sa paligid ng Los Gemelos na tumutulong sa mga tao na makaiwas sa paglubog sa malambot na lupa, hindi hinihigpitan ng mga kautusan ang ating kalayaang pumili—sa halip, ibinibigay nito ang pinakamagandang pagkakataon para tayo lumigaya at magtagumpay. Lagi nating mapipili ang gusto nating gawin. Maaari nating piliin ang gusto nating paraan sa halip na sundin ang ipinlano ng Ama sa Langit para sa atin. Tiyak na hindi tayo makararating sa ating destinasyon nang mabilis kaysa kung susundin natin ang daanang subok na ligtas, at ang paghahanap ng sarili nating daan ay maaaring masakit at mahirap.

Ganoon din sa mga kautusan, gaya ng Word of Wisdom. Hindi tayo inaalisan ng Ama sa Langit at ng Kanyang Simbahan ng kalayaan sa pag-uutos na huwag tayong uminom ng alak. Puwede nating piliing sundin o hindi ang kautusang iyan. Pero kapag iyan ang pinili natin, pinipili rin natin ang mga ibubunga nito.

Kung pipiliin nating labagin ang mga kautusang iyon, hinahayaan din nating mawala ang mga pagpapalang kaakibat nito. Ang pagpili ay hindi tungkol sa kung tayo ba ay pinahihintulutang uminom ng alak o hindi, o gawin ang bagay na ito o hindi. Tungkol ito sa kung gusto ba natin o hindi ang mga pagpapala ng kaharian ng langit at paggawa ng iniuutos sa atin ng Panginoon dahil mahal natin Siya at sumasampalataya tayo sa Kanya.

Kaligtasan sa Landas

Alam nina Jessica P. at Nory A., dalawang dalagita na nakatira sa Santa Cruz, ang mga bagay na ito. Pareho silang miyembro ng Simbahan at kapwa nila nakita ang mga pagpapalang dulot ng pagsunod sa mga kautusan. Kaunti lang ang mga miyembro sa Galápagos Islands (sa tinatayang 25,000 tao sa kanilang isla, 125 lang ang miyembro ng kanilang branch). Maaaring mahirap manatili sa makipot at makitid na landas (tingnan sa 1 Nephi 8:20; 2 Nephi 4:33; 31:17–19; Alma 7:19) kapag napaliligiran ng tuksong gaya ng alak at bawal na gamot.

Naranasan ni Nory ang mga pagsubok sa kanyang sariling pamilya. Isang taon mula nang mabinyagan ang kanyang pamilya, nabuklod sila sa Guayaquil Ecuador Temple. Hindi pa natatagalan, gayunman, huminto sa pagsisimba ang ilan sa mga miyembro ng kanyang pamilya. Matagal ding sila lang ng kanyang nanay ang nagsisimba. Paano siya nanatiling matatag?

“Family home evening,” sabi niya. “Kami lang ni Inay ang nagdaraos nito noon. Kalaunan nakibahagi na rin sina Kuya at Itay. At sa tuwing mag-aaral kami ng ebanghelyo, sasabihin ni Itay, ‘Para sa akin ito.’ Ngayon patuloy na siyang tumatatag at pati na rin si Kuya.”

Iba naman ang hinarap na pagsubok ni Jessica. “Mahirap dahil ako lang ang miyembro ng Simbahan sa aming pamilya,” paliwanag niya. Ayaw ng ilang miyembro ng kanyang pamilya na nagsisimba siya. Sa katunayan, nauuwi ito sa pagtatalo.

“Kung minsan iniisip mo na sana miyembro ng Simbahan ang mga magulang mo, ang pamilya mo,” sabi niya, “para makapagbahagi ka sa kanila ng mga bagay-bagay. Mahirap iyan.

“Kapag may problema ka, hindi ka matutulungan ng alak o ng nangyayari sa paligid mo. Sa halip ay pumupunta ako sa simbahan, kung saan naroon ang mababait kong kaibigan.

“Tinutulungan nila ako palagi. Kapag malungkot ako, nariyan lagi si Nory o ang ibang dalagita. Kapag nagsisimba ako, sumisigla ako. Hindi ko nararamdaman ang lahat ng problema ko sa buhay.”

Pagpili sa Tamang Landas

Nadama nina Jessica at Nory ang galak sa pamumuhay ng ebanghelyo. O sa madaling salita, masaya sila dahil ipinamumuhay nila ang ebanghelyo.

Ang mga kautusan, tulad ng mga daanan sa paligid ng Los Gemelos, ay hindi naghihigpit sa atin. Ibinibigay ng mga ito ang gabay na kailangan para tayo maging perpekto sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas (tingnan sa D at T 82:8–9). Kapag pinipili nating sundin ang mga kautusan, pinipili nating magpakita ng pagmamahal at katapatan sa Diyos. Pinipili nating maging marapat na makasama ang Espiritu Santo. Pinipili nating maging marapat na tumanggap ng inspirasyon, na maglingkod, na pumasok sa templo, at igalang ang priesthood.

Higit sa lahat, pinipili nating pagsikapang kamtin ang buhay na walang hanggan sa selestiyal na kaharian kasama ang ating Ama sa Langit. Iyan ang landas ng kapayapaan at kaligayahan.

RETRATO NG MGA young women AT background ni Joshua J. Perkey