2013
Ang Pagsagip na Naganap sa Lupang may Nakabaon na mga Bomba
Marso 2013


Hanggang sa Muli Nating Pagkikita

Ang Pagsagip na Naganap sa Lupang may Nakabaon na mga Bomba

Si Russell Westergard ay nakatira sa Virginia, USA.

Hindi namin makuha ang nabitag na sundalo, pero puwede naming palakasin ang loob niya, hikayatin siyang magpatuloy pa, at ikagalak ang kanyang tagumpay.

Noong Gulf War, namuno ako sa grupo ng mga sundalo sa Kuwait. Matapos naming mapasok ang mga depensa ng kalaban, siniyasat namin ang mga pinagpupwestuhan ng kalaban sa labanan para matiyak ang aming seguridad at tingnan ang anumang mahalagang impormasyon tungkol sa kalaban.

Kapapasok ko pa lang sa nasakop na kampo nang marinig ko ang pagsigaw ng sarhentong British ng, “Tigil! Huwag kang hahakbang!” Nang sumungaw ako sa bunker, nakita kong nasa panganib ang isa sa mga sundalo ko. Lumakad siya sa isang open area para dumampot ng dokumento at nakatayo sa gitna ng malawak na lupang may nakabaon na mga bomba. Nang marinig niya ang sigaw ng sarhento, tumigil siya at natantong nasa panganib siya.

Nang magtipon kami sa gilid ng lugar na iyon, nakikita ng grupo namin na nanginginig sa takot ang batang sundalo. Kailangan naming kumilos nang mabilis pero hindi kami makapagpadala ng mga sundalo para sagipin siya nang hindi inilalagay sa panganib ang buhay nilang lahat. Kaagad at walang pag-aatubiling kinausap namin ang sundalo, pinapanatag siya, pinalakas ang loob, at binilinan siya. Nakikita namin ang pagluha niya at nadarama namin sa kanyang tinig ang takot, ngunit unti-unti siyang napanatag sa ibinigay naming pag-asa.

Ilang sandali pa nagkaroon siya ng lakas ng loob na lingunin ang pinanggalingan niya, at sinabi sa aming nakikita niya nang bahagya sa buhangin ang mga bakas ng kanyang mga paa. Dahil sa paghikayat namin, kahit atubili ay tinunton niya ang dinaanan niya. Sa dahan-dahang pagtapak sa bawat bakas ng kanyang mga paa, nakaalis siya sa lupang may nakabaon na mga bomba, at humangos na palapit sa amin matapos ang huling paghakbang. Nagsigawan sa galak ang napakaraming sundalo sa gilid nang salubungin namin siya. Ang mga luha ng takot ay napalitan ng mga ngiti at yakap.

May ilan sa atin na nakatayo sa gilid ng totoong lupang may nakabaon na mga bomba. Ngunit alam ng marami sa atin na ang mga taong espirituwal na umalis sa ligtas na lugar ay nabibitag sa mga lupang may nakabaon na mga bomba ng buhay. Tulad ng batang sundalong iyon, maaaring madama rin nila na nag-iisa sila, natatakot, at nag-aatubili. Ngunit ang sundalong iyon ay hindi kailanman nag-isa. Naroon ang kanyang mga kaibigan na nagpapalakas ng loob niya, mga kaibigang nais na makabalik siya at hindi nawalan ng pag-asa. May mga pinuno siya na gumagabay at humihikayat. Siya lang ang puwedeng kumilos para makaalis sa lugar na may nakabaon na mga bomba, ngunit nagtulung-tulong kami para palakasin ang loob niya. Sa huli ikinagalak namin ang kanyang kaligtasan nang may tunay na pagmamahal at kagalakan.

Ang espirituwal na pagsagip ay maaaring ganoon din katindi. Sumasagip man tayo bilang pamilya, kaibigan, o bilang ward o branch, may maitutulong ang mga ginagawa natin. Ang angkop na mga salita ng paghikayat at paggabay ang nakasagip marahil sa buhay ng sundalo. Gayundin, makakatulong tayo sa pagsagip sa iba mula sa panganib ng espirituwal na kadiliman sa pamamagitan ng panghihikayat at paggabay na maaaring magpabalik sa kanila sa bandang huli. Kapag ginawa natin ito, malaki ang ating magiging kagalakan—hindi lang sa buhay na ito kundi pati sa kawalang-hanggan (tingnan sa D at T 18:15).

Paglalarawan ni Craig Dimond