2013
Ang Ikapu ay Nagpapabalik-loob
Marso 2013


Ang Ikapu ay Nagpapabalik-loob

Ol’ga Nikolayevna Khripko, Ukraine

Ang isyu tungkol sa pagbabayad ng ikapu ay napag-usapan sa aming pamilya nang sumapi sa Simbahan ang aming anak. Kaming mag-asawa ay hindi miyembro noon. Kumikita na ang anak namin, pero dahil nakatira siya sa aming mag-asawa, pinagsasama-sama namin ang kita naming lahat. Hindi ko maubos-maisip kung paano namin mapagkakasya ang kita nang wala ang 10 porsiyento ng kanyang suweldo na ipinasya niyang ibayad sa ikapu, ngunit unti-unti akong nasanay sa desisyon ng aking anak. Kapag iniuwi na niya ang kanyang suweldo, ang unang tanong ko ay, “Naitabi mo na ba ang iyong ikapu?”

Kalaunan naging interesado ako na malaman ang tungkol sa ebanghelyo, pero nagpasiya akong hindi sumapi sa Simbahan dahil kailangan kong magbayad ng ikapu. Ang dalawang pagbabayad ng ikapu ng isang pamilya ay sobra na!

Matapos ang mahigit isang taong pagsisimba, nakadama ako ng kalungkutan at pagkabalisa. Nang magnilay ako at manalangin, natanto ko na gusto kong magbayad ng ikapu. Nagulat ako sa aking hangarin, dahil noon ay hindi ko ito gusto.

Nang sumunod na Linggo, humingi ako sa branch president ng tithing slip. Nalungkot ako sa narinig ko na hangga’t hindi ako miyembro, hindi ako puwedeng magbayad ng ikapu. Ngunit, maaari akong magbigay ng donasyon. At ibinigay ko nga ang 10 porsiyento ng aking kita sa Simbahan ng Panginoon. Kaagad akong nakadama ng kapanatagan, kagalakan, at kasiyahan. Sabik na ako sa araw ng aking binyag para makapagbayad na ako ng totoong ikapu.

Alam ko na ang mga pagpapalang temporal na tinatamasa ng aming pamilya ay mula sa pagbabayad ng ikapu. Ngunit ang pinakamalaking mga pagpapala ay ang walang kapantay na damdamin kapag sinusunod namin ang ating Ama sa Langit: kasiyahan sa pagsunod, pagtitiwala na hindi kami pababayaan ng ating Ama sa Langit, at pagkakaroon ng kapayapaan at kaligayahan.