Paglikha ng mga Tradisyon sa Pasko ng Pagkabuhay na Nakasentro kay Cristo
Si Diane L. Mangum ay naninirahan sa Utah, USA.
Sa Pasko ng Pagkabuhay ipinagdiriwang natin ang kaloob ng ating Tagapagligtas: ang Pagbabayad-sala.
Isang umaga ng Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay ilang taon na ang nakararaan, ang aking apat na taong gulang na anak na si Ben ay bumaba sa pasilyo ng aming meetinghouse matapos ang Primary, na masayang iwinawagayway ang papel na kinulayan niya. Tinawag niya ako na tuwang-tuwa, “Inay, Inay, narinig na po ba ninyo ang tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli?” Gusto niyang matiyak na narinig ko ang mabuting balita. May isang bagay na sinabi ang guro ni Ben sa Primary na nakaantig sa kanyang puso kaya masaya niyang naunawaan ang Pagkabuhay na Mag-uli. Kay-inam na madama nating lahat ang gayon ding kagalakan tuwing Pasko ng Pagkabuhay!
Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo, pati na ang Pagkabuhay na Mag-uli, ang pinakasentro ng Pasko ng Pagkabuhay. Ang paglikha ng mga tradisyong nakasentro kay Cristo ay tutulong sa atin na magtuon sa mga kaloob na ito ng ating Tagapagligtas.
Ang Pagsamba at mga Tradisyon sa Araw ng Linggo
Nang walang anumang handaan, parada, o pagdiriwang, tayong mga Banal sa mga Huling Araw ay sama-samang makasasamba sa Pasko ng Pagkabuhay tulad ng ginagawa natin tuwing Linggo. Ang mga lider natin sa ward at branch ay nagpaplano ng mga tagapagsalita at kakantahin na nakatuon kay Jesucristo. Tungkol sa Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay, sinabi ni Elder L. Tom Perry ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang Panginoon ay hindi nagbigay sa atin ng partikular na kaugaliang pangrelihiyon tulad ng pista at pagdiriwang na nagpapaalala sa atin ng mga pagpapala na natanggap natin ngayon mula sa Kanya. Gayunpaman, ang pagkakaroon ng tradisyon upang manatili tayong malapit sa dakilang pamana na dapat nating tamasahin ay isang bagay na dapat panatilihing buhay ng bawat pamilya” (“Family Traditions,” Ensign, Mayo 1990, 20).
Ang sumusunod ay iba’t ibang tradisyon mula sa mga pamilya habang ipinagdiriwang nila ang Pasko ng Pagkabuhay at pinaglalapit ang mga mahal sa buhay.
Pagbabahagi ng mga Patotoo Tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli ni Cristo
-
Sinimulan nina Janice at Kirk Nielson ang isang espesyal na “Grandparents Night” na naging tradisyon sa Pasko ng Pagkabuhay. Sinabi ni Sister Nielson, “Naniniwala ako na ang pinakaepektibong bagay na magagawa namin bilang lolo’t lola ay ang magpunta sa bahay ng mga anak at makipag-usap sa aming mga apo at ipaalam sa kanila na may patotoo kami tungkol sa Tagapagligtas.”
-
Nang maliliit pa ang kanilang mga anak, nagtuturo ng maikling aralin sina Hector at Sherilyn Alba bawat gabi sa loob ng isang linggo bago ang Pasko ng Pagkabuhay tungkol sa mga bagay na nangyari sa huling linggo ng buhay ng Tagapagligtas.
-
May ilang pamilyang dumadalaw sa mga puntod ng kanilang mga mahal sa buhay. Ikinuwento nila sa kanilang mga anak ang tungkol sa mga kapamilya na pumanaw na at nagpapasalamat sa Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo.
Ang itlog ay halos naging simbolo ng Pasko ng Pagkabuhay ng lahat ng tao na sumasagisag sa paglagot ng Tagapagligtas sa mga gapos ng kamatayan sa Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli. Kaya nga ang pagkukulay at pagtatago ng mga itlog para sa Easter egg hunt at pagbibigay ng Easter basket ay karaniwang tradisyon sa iba’t ibang dako ng mundo.
-
Sa Russia, kadalasang binabati ng mga tao ang isa’t isa sa Pasko ng Pagkabuhay sa pagsasabing, “Nabuhay na muli si Jesus.” Sasagot naman ang taong binati ng, “Tunay na Siya ay nabuhay na muli.” Sa Albania ganito rin ang tradisyon; pinag-uuntog nila ang pulang itlog nang sabay-sabay at sinasabing, “Si Cristo ay nabuhay na muli.”
-
Pinahahalagahan ni Karen Spencer ang alaala ng kanyang lolang Danish sa pagdiriwang ng Pasko ng Pagkabuhay at nasisiyahang gawin ang pagtitina ng mga itlog sa pinakuluang balat ng sibuyas na kulay-ube tulad ng ginawa ng kanyang lola noon. Natuklasan ng kanyang pamilya na magandang panahon ito para pag-usapan ang itlog bilang simbolo ng bagong buhay at ng Pagkabuhay na Mag-uli.
-
Ang ilang pamilya na may maliliit na anak ay natutuwa sa paghahanap ng Easter egg na may mensahe na nakalakip dito. Inilalagay nila sa supot ng itlog ang isang maliit na aytem na sumasagisag sa isang bagay na may kaugnayan sa kamatayan at Pagkabuhay na Mag-uli ni Cristo at isang talata na babasahin. Pagkatapos nilalagyan nila ng numero ang mga itlog ayon sa pagkakasunud-sunod ng kuwento tungkol sa Pasko ng Pagkabuhay. Kapag binabasag na ng mga bata ang mga itlog ayon sa pagkakasunud-sunod nito, natututuhan nila ang tungkol sa Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Mag-uli ni Cristo.
Pakikinig at Pag-awit ng mga Musika Tungkol sa Pasko ng Pagkabuhay
Malaki ang impluwensya ng musika sa atin sa Pasko ng Pagkabuhay.
-
Sina David at Joyce Beer ay naghahanap ng mga konsiyertong may kaugnayan sa Pasko ng Pagkabuhay na tutulong sa kanila na maalala ang sakripisyo ng Tagapagligtas.
-
Nasisiyahan sina Dave at Nancy Harmon sa pakikinig ng Messiah ni George Frideric Handel, na dama ni Sister Harmon na “talagang patungkol sa Pasko ng Pagkabuhay kaysa Kapaskuhan.”
-
Isang ina ang humihikayat sa kanyang mga anak na nag-aaral ng musika na magpraktis ng isang kanta tungkol sa Pasko ng Pagkabuhay sa buwang iyon.
-
Ang pamilya nina Dale at Sara Okerlund ay nagtitipon sa tabi ng piano upang kumanta ng mga himno at awit ng Primary tungkol sa Pasko ng Pagkabuhay.
Pagsasalu-salo sa Pagkain sa Pasko ng Pagkabuhay
Ang pagkain ng pamilya ay isa pang makahulugang tradisyon tuwing Pasko ng Pagkabuhay sa iba’t ibang dako ng mundo.
-
Isang pamilya ang salu-salong kumakain ng ham at nag-uusap-usap kung paano naisakatuparan ni Cristo ang Batas ni Moises. Isa pang pamilya ang nagsasalu-salo sa pagkain ng isda upang maalala ang kinain ni Jesus. Ang pamilya nina Eliza at Michael Pereira ay salu-salong kumakain at kasama dito ang pagkain ng karne ng tupa, at pinag-uusapan ang simbolismo sa kuwento tungkol sa Paskua.
-
Pagkatapos kumain ng aming pamilya, kinukuhanan namin ng retrato ang buong pamilya at ang iba pang malalapit na kaibigan na nakasalo namin sa pagkain. Mayroon kaming espesyal na scrapbook tungkol sa Pasko ng Pagkabuhay na nagsasalaysay ng mahigit 30 taon ng masasayang alaala ng pamilya.
-
Isang mag-asawa na malalaki na ang mga anak ang nag-iimbita sa matatandang kaibigan para sa espesyal na hapunan. Doon ay nagbabahagi sila ng mga alaala at pinagninilayan ang kahulugan ng Pasko ng Pagkabuhay.
-
Sa ilang bansa ang Biyernes at Lunes ay walang pasok tuwing Pasko ng Pagkabuhay. Sa Tahiti, kadalasang nagpipiknik ang mga pamilya sa ibang isla. Sa Gitnang Amerika, ang ilang mga Banal sa mga Huling Araw ay ginagamit ang ekstrang oras sa pagbisita sa kanilang pamilya, pagsasalu-salo, at pagpunta sa templo.
Pagbabahagi ng mga Tradisyong Hindi Pang-relihiyon sa Ibang Araw
Ang mga pamilyang Banal sa mga Huling Araw ay nagdaraos ng mga aktibidad na hindi pang-relihiyon na may kinalaman sa Pasko ng Pagkabuhay sa ibang araw maliban sa araw ng Linggo.
-
Sa Brazil tuwing Biyernes o Sabado bago ang Pasko ng Pagkabuhay, isang lola na Banal sa mga Huling Araw ang nag-iiwan ng isa o dalawang karot na may maliit na tapyas sa lugar na nakikita at nagtatago ng mga Easter egg malapit sa mga karot.
-
Sa araw ng Lunes matapos ang Pasko ng Pagkabuhay, ang pamilya nina Joyce at Scott Hendricks ay nagluluto sa bakuran at nagkakaroon ng espesyal na Easter egg hunt.
Palaging Gunitain si Cristo sa Pasko ng Pagkabuhay
Ang pag-aaral ng tungkol kay Jesucristo sa family home evening, pakikinig sa musika tungkol sa Pasko ng Pagkabuhay ay nagpapalakas sa espirituwalidad ng mga tao anuman ang edad nila. Ang pagdiriwang ay hindi nangangailangan ng malaking pagtitipon. Ang personal na tradisyon sa pagdiriwang ng Pasko ng Pagkabuhay sa isang tahanan o sa puso ay makabuluhan din.
Maaalala at maipagdiriwang din natin ang kagalakan ng Pasko ng Pagkabuhay katulad ng munting si Ben, na bumaba sa pasilyo ng meetinghouse upang ibahagi ang mabuting balita tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli.