2013
Nawa’y Paghilumin Ninyo ang Aking Puso
Marso 2013


Mga Kabataan

Nawa’y Paghilumin Ninyo ang Aking Puso

Si Kelsey LeDoux ay nakatira sa Minnesota, USA.

Sa anibersaryo ng pagkamatay ng aking kapatid, pinagnilayan ko ang aking buhay mula noong pumanaw siya. Naalala ko hindi lamang ang sobrang sakit na nadama ko kundi pati na rin ang mga pagpapala ng Diyos sa akin.

Hindi ko nauunawaan noon kung paano nasasabi ng mga tao na ang pagpanaw ng mahal sa buhay ay nagdudulot ng mga pagpapala. Hindi ko maunawaan kung paano ako magagalak at magpapasalamat sa isang bagay na labis na nakasakit sa akin. Gayunpaman, isang gabi noon ang lubos na nagpabago sa aking pananaw.

Nagising ako sa kalaliman ng gabi na labis na nabibigatan ang puso. Naninikip ang dibdib ko sa sobrang sakit at lungkot. Lumuhod ako at taimtim na nanalangin sa aking Ama sa Langit. Sa buong buhay ko itinuro sa akin ang tungkol sa Pagbabayad-sala at mahimalang kapangyarihang magpagaling ni Jesucristo. Ngayon ay sinusubok ang aking pananampalataya. Talaga bang nananalig ako? Hiniling ko sa Ama sa Langit na paghilumin ang aking puso. Hindi ko kayang tiisin ang sakit nang mag-isa.

Pagkatapos niyon napuspos ng kapayapaan, kapanatagan, at pagmamahal ang buong katawan ko. Parang niyapos ako ng mga bisig ng Diyos at pinrotektahan ako sa sobrang sakit na nadama ko. Nangungulila pa rin ako sa kapatid ko, pero mas nauunawaan ko na ngayon ang nangyari. Marami akong matututuhan sa karanasang ito.

Alam ko na madarama natin ang pagmamahal at kapayapaan ng Panginoon. Kailangan lang nating makibahagi.