Anong Simbahan Ito?
Angela Fallentine, New Zealand
Ilang taon na ang nakararaan kinailangan kong mapainspeksyon ang aking sasakyan para maging maayos ito at ligtas gamitin at makaayon sa mga pamantayan. Dumating ako isang hapon sa garahe at nakitang nakapila na roon ang walo o siyam na sasakyan.
Ito ay maaliwalas na araw ng tagsibol, kaya nagpasiya akong buksan ang mga bintana, patayin ang makina ng sasakyan, at kunin ang kopya ko ng “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” na nakalagay sa sasakyan ko kasama ng iba pang materyal ng Simbahan. Pinayuhan ng aming stake president ang mga miyembro ng stake na isaulo ang pahayag. Ang libreng oras na ito ay naging magandang oportunidad para magawa ko ito. Sa wakas, ang sasakyan ko na ang iinspeksyunin.
Isa sa kalalakihan na nagsagawa ng inspeksyon ang nagsabing imamaneho niya ang aking sasakyan papasok sa garahe. Pagkatapos hiniling niya sa akin na maghintay sa kalapit na silid hanggang sa matapos ang pag-iinspeksyon. Lumipas ang oras sa pagmamasid ko sa iba pang mga kostumer na dumating at umalis. Kalaunan napag-isip-isip ko na baka may malaking problema ang sasakyan ko.
Sa wakas pumasok ang mekaniko mula sa garahe sa silid na pinaghihintayan ko at sinabing nakapasa sa inspeksyon ang aking sasakyan. Nakahinga ako nang maluwag! Nagbayad ako sa kahera at nagpunta kung saan nakaparada ang aking sasakyan at nakita ang mekaniko na naghihintay sa akin.
“Miss,” sabi niya, na matamang nakatingin sa akin, “maaari bang makausap kita sandali?”
“Sige po,” sabi ko sa kanya.
“Gusto kong humingi ng paumanhin na natagalan ang pag-inspeksyon ko sa sasakyan mo. Kasi, nang ipasok ko ang sasakyan mo sa garahe, napansin ko ang isang papel sa upuan na naglalahad tungkol sa mga pamilya. Sa halip na kaagad bumalik sa sasakyan mo, naupo ako sa garahe at binasa nang paulit-ulit ang papel na iyon.”
Sinabi pa niya, “Anong simbahan ito? Ano ang dokumentong ito tungkol sa pamilya? Maaari ba akong humingi ng kopya nito? Sinasabi rito na isinulat ito ng mga Apostol. Ibig mo bang sabihin na may mga Apostol sa mundo ngayon katulad noong panahon ni Jesus? Gusto kong malaman ito.”
Halos hindi ako makapagsalita ngunit nakapag-isip agad ako. Sinabi ko sa kanya na talagang may mga apostol at mga propeta sa mundo, tulad noong panahon ni Jesucristo. Sinabi ko sa kanya ang tungkol kay Propetang Joseph Smith at ang Panunumbalik ng ebanghelyo. At ibinigay ko sa kanya ang lahat ng materyal sa Simbahan na naroon sa sasakyan ko. Ibinigay niya sa akin ang kanyang pangalan at numero ng telepono para makontak siya ng mga missionary. Nagtapos ang pag-uusap namin sa taos-puso niyang pasasalamat.
Habang nagmamaneho papalayo, napaluha ako. Nagpapasalamat ako na naiwan ko ang kopya ng “Ang Pamilya: Isang Pagpapahayag sa Mundo” sa upuan ng sasakyan.
Hindi ko malimutan ang kasabikan sa mga mata ng lalaking iyon. Ang karanasang ito ay hindi malilimutang aral tungkol sa kapangyarihan ng pagpapahayag tungkol sa pamilya, ang katotohanan ng paghahayag sa makabagong panahon, at ang kahalagahan ng pagbabahagi ng ebanghelyo sa araw-araw—at kung minsan sa di-inaasahang—mga sitwasyon.