Ang Simbahan sa Iba’t Ibang Dako
Araw ng Paglilingkod sa Slovak Republic
Mahigit 130 miyembro mula sa Czech at Slovak Republic pati na ang dating mga missionary sa Czech at Slovak ang nagsama-sama sa Zilina, Slovak Republic, noong Setyembre 8, 2012, para maglingkod sa lungsod—nilinis ang 1.5 tonelada (1.3 tonnes) ng basura mula sa pampang ng Zilina reservoir, pinaganda ang gusali ng kindergarten at nursery, at inalisan ng damo ang mga halamanan sa lungsod.
“Nakatutuwang makita na masisipag ang mga boluntaryo at sila ay nakangiti at masaya!” ang sabi ng boluntaryong si Hana Snajdarova, na ang pamilya ay isa sa mga unang miyembro sa Simbahan sa Slovakia. “Siguro iyan ang dahilan kaya lubos kaming nasisiyahan sa paglilingkod. Gusto naming tumulong—maglingkod—at gustung-gusto namin ito.”
Makukuha na ang Aklat na Naglalaman Lamang ng Bagong Tipan sa Wikang Espanyol
Inilathala kamakailan ng Simbahan ang aklat na naglalaman lamang ng bersyon ng Bagong Tipan mula sa Espanyol na Santa Biblia: Reina Valera 2009, kaya ang mga banal na kasulatan ay mas mababasa at madali nang makuha ng mga miyembro at hindi miyembro ng Simbahan.
Ang bagong bersyon na ito ay standard size at naglalaman ng teksto ng Bagong Tipan, mga talababa, at mga piniling bahagi mula sa Pagsasalin ni Joseph Smith.
Ang aklat na naglalaman lamang ng Bagong Tipan sa wikang Espanyol ay may malambot na pabalat at makukuha sa mga Church distribution center o store.lds.org (aytem blg. 09215002).
Pagbabago sa South America South Area Presidency
Noong Enero 6, 2013, si Elder Walter F. González ay ini-release bilang miyembro ng Panguluhan ng Pitumpu at hinalinhan si Elder Mervyn B. Arnold bilang Pangulo ng South America South Area sa Buenos Aires, Argentina. Si Elder Arnold ay tumanggap ng bagong tungkulin sa headquarters ng Simbahan.
Sina Elder Jorge F. Zeballos at Elder Francisco J. Viñas ay patuloy na maglilingkod bilang mga tagapayo sa Area Presidency.
“Pinasasalamatan namin ang tapat na paglilingkod ng mga kapatid na ito at hangad na magampanan nila ang kanilang mga tungkulin,” ayon sa liham ng Unang Panguluhan.
Nagsaya ang mga Banal sa Botswana sa Pagkakaroon ng Unang Stake
Noong Nobyembre 2012 halos 900 miyembro ng Simbahan ang nagtipon sa Botswana, Africa, upang saksihan ang pag-organisa ng bagong Gaborone Botswana Stake—ang unang stake sa bansa.
Nangulo si Africa Southeast Area President Elder Dale G. Renlund at si Elder Colin H. Bricknell, Area Seventy, sa pulong. Si Clement M. Matswagothata ay tinawag bilang stake president, si Geoffrey Tembo bilang unang tagapayo, at Oduetse S. Mokweni bilang pangalawang tagapayo.
“Ang stake ay magiging isang kanlungan, isang lugar ng pag-aaral, kabutihan at kaligtasan, isang lugar ng kaayusan, kabaitan at pagmamahal, at lugar ng Diyos,” ang sabi ni Daniel Hall, pangulo ng Ro-odepoort South Africa Stake.