Pamumuhay ng mga Alituntunin ng Pag-asa sa Sarili
Si Luis Quispe, ng La Paz, Bolivia, ay maaaring isa lamang ang paningin, ngunit malinaw ang pananaw niya sa kanyang mithiin na umasa sa sariling kakayahan at matustusan ang pangangailangan ng kanyang pamilya. Bagama’t nahihirapan siya sa pagtatrabaho at may problema sa kalusugan, tiwala si Luis na magiging maganda ang kanyang bukas. Ginagawa niya ang lahat para tulungan ang kanyang sarili at kasabay nito pinasasalamatan ang pag-asa niya sa kanyang Ama sa Langit. “Nalaman ko na walang imposible kapag tinutulungan tayo ng ating Ama,” sabi niya.
Pag-asa sa Sarili: Isang Espirituwal at Temporal na Alituntunin
Sa nakalipas na walong taon, ang 46 na taong gulang na amang ito ay nagtrabaho at nag-aral para magkaroon ng degree sa agronomya. Sa loob ng maraming taong pag-aaral kinailangan ni Luis na magbiyahe ng mga 60 milya (97 km) mula sa maliit niyang bayang Achacachi para pumasok sa Universidad Mayor de San Andres. Sa kabila ng sakripisyong ito, matagumpay na natapos ni Luis ang kanyang pag-aaral at ngayon ay nakatuon sa kanyang susunod na mithiing magkaroon ng sariling bukirin.
Si Luis ay mabuting halimbawa ng pag-asa sa sarili sa mga bagay na temporal, tulad ng pagtatrabaho, gawaing pangkapakanan, at pag-iimbak ng pagkain. Ngunit ang alituntunin ng pag-asa sa sarili ay mahalaga rin sa espirituwal katulad sa temporal. Binigyang-kahulugan ni Elder Robert D. Hales ng Korum ng Labindalawang Apostol ang pag-asa sa sarili bilang “pag-angkin ng responsibilidad sa sarili nating espirituwal at temporal na kapakanan at sa mga ipinagkatiwala ng Ama sa Langit sa ating pangangalaga.”1
Sinabi ng Panginoon na hindi Siya kailanman nagbigay ng batas na pang-temporal lamang (tingnan sa D at T 29:34–35). Marahil ang kautusang magtrabaho ay nangangahulugang pagpapala sa espirituwal gayon din sa temporal (tingnan sa Genesis 3:17–19).
Espirituwal na Pag-asa sa Sarili
Ang mga pagpapala ng pag-asa sa sarili para sa temporal na pangangailangan ay kitang-kita sa panahon ng krisis tulad ng mga kalamidad, kawalan ng trabaho, o kagipitan sa pera. Ngunit ang espirituwal na pag-asa sa sarili ay napakahalaga rin sa gayong mga panahon. Ang mga taong may matatag na espirituwal na pundasyon ay binibiyayaan ng kapayapaan, muling katiyakan, at malaking pananampalataya kapag humihingi ng tulong sa Ama sa Langit.
Ipinapayo sa atin ng mga lider ng Simbahan na maghanda para sa mga panganib sa espirituwal. Sinabi ni Pangulong Boyd K. Packer, Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Itinuro sa atin na mag-imbak ng … pagkain, kasuotan, at, kung maaari, panggatong—sa tahanan. …
“Hindi ba natin nakikita na akma ang gayon ding alituntunin upang magkaroon ng inspirasyon at paghahayag, malutas ang mga problema, at magabayan? …
“Kung mawawala ang ating emosyonal at espirituwal na kalayaan, ang ating pag-asa sa sarili, maaari tayong manghina nang labis, baka nga higit pa, kaysa noong umaasa tayo sa iba sa mga materyal na bagay.”2
Pagbibigay at Pagtanggap
Ang pag-asa sa sarili ay hindi dapat mapagkamalan na lubos na pag-asa sa sariling kakayahan. Kung tutuusin, tayo ay umaasa pa rin sa ating Ama sa Langit sa lahat ng bagay (tingnan sa Mosias 2:21). Kailangan natin ang patuloy Niyang paggabay, pangangalaga, at proteksyon.
Umaasa rin tayo sa isa’t isa. Yamang binigyan tayo ng magkakaibang espirituwal na kaloob, inaasahang ibabahagi natin ang ibinigay sa atin nang sa gayon ang lahat ay mapagpala (tingnan sa D at T 46:11–12). Ang susi ay matutong umasa sa sarili kung magagawa naman natin, paglingkuran ang kapwa kapag kaya natin, at tulutan ang iba na mapagpala sa paglilingkod sa atin kung tayo ang mangailangan ng tulong.
Kapag mas umaasa tayo sa ating sarili—kapwa sa temporal at espirituwal—mas mag-iibayo ang ating kakayahan na maging mabuting impluwensya. Ipinaliwanag ni Elder Hales: “Ang pinakamimithi natin ay maging katulad ng Tagapagligtas, at ang mithiing iyan ay pinag-iibayo ng ating di-makasariling paglilingkod sa iba. Ang kakayahan nating maglingkod ay nadaragdagan o nababawasan batay sa antas ng ating pag-asa sa sarili.”3
Personal na Responsibilidad
Nakita ni Luis Quispe na ang kanyang pagsisikap at pagtitiwala sa Panginoon ay nagbunga ng mga biyayang trabaho, degree sa kolehiyo, at mas matatag na pamilya. At dahil dito, ang mga pagpapalang iyon ay nagpalakas ng kanyang pananampalataya. Sinusunod niya ang payo ni Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985): “Walang tunay na Banal sa mga Huling Araw, samantalang may kakayahan sa pisikal o emosyonal, ang kusang ipaaako sa ibang tao ang responsibilidad niya sa kanyang sariling pamilya. Hangga’t makakaya niya, sa ilalim ng inspirasyon ng Panginoon at sariling paggawa, tutustusan niya ang kanyang sarili at kanyang pamilya ng mga espirituwal at temporal na pangangailangan sa buhay.”4