Mula sa Misyon
Naantig ng Patotoo
Si Michael Harken ay nakatira sa Utah, USA.
Sa simula ng aking misyon, naglingkod ako sa maliit na lungsod sa South Korea. Isang maulan na araw wala kaming gaanong maturuan pero gusto pa naming makapagturo hanggang sa oras ng pag-uwi. Ipinasiya namin ng kompanyon ko na kumatok sa ilan pang pinto.
Sa isang bahay pinagbuksan kami ng isang babae, at kaagad nakipag-usap sa kanya ang kompanyon ko. Bilang bagong missionary, nahihirapan pa akong umintindi ng wika, pero pagkaraan ng ilang minuto, kinausap na niya kami sa Ingles. Nalaman namin na mula siya sa Chicago, Illinois, USA, at lumipat dito kasama ang kanyang pamilya. Mangangaral ang kanyang asawa sa simbahang hindi sumasang-ayon sa ating mga paniniwala.
Mabait ang babae pero pursigidong patunayang mali ang Aklat ni Mormon at kumbinsihin kami na hindi tama ang simbahan. Nakatayo kami roon ng aking kompanyon habang sinisikap niyang sagutin ang mahihirap na tanong ng babae. Sinubukang patotohanan sa kanya ng aking kompanyon na totoo ang Aklat ni Mormon at na makatutulong ito sa kanya, pero iginiit ng babae na mali siya.
Matapos ang 30 minutong pakikipagtalakayan habang nasa pintuan, tinanong niya ang kompanyon ko, “Saan tayo pupunta matapos ang buhay na ito?” Alam ko na handa siyang pabulaanan ang mga itinuturo ng kompanyon ko, gaya nang ginawa niya sa simula pa lang. Nagpatotoo ang kompanyon ko tungkol sa plano ng kaligtasan at na maaari nating makasama ang ating pamilya nang walang hanggan sa kahariang selestiyal. Bago pa siya magpatuloy, pinatigil siya ng babae at ipinaulit ang sinabi niya tungkol sa pagsasama-sama ng pamilya. Sinabi niyang muli ang sagot. Nadama ko nang lubos ang Espiritu, at nakita ko sa mga mata niya na may nakaantig din sa kanya. Matapos ang maikli ngunit napakalakas na patotoong iyon, tumigil siya sa pakikipagtalo sa amin, tinanggap ang Aklat ni Mormon, at hiniling sa amin na bumalik kami para kausapin silang mag-asawa tungkol sa Aklat ni Mormon.
Naaalala ko na noong pauwi na kami nang gabing iyon, namamangha pa rin ako sa bisa ng patotoo ng aking kompanyon. Naunawaan ko nang araw na iyon na ang patotoong ginabayan ng Espiritu ang pinakamabisang kasangkapang magagamit namin sa pagtuturo. Hindi ko malilimutan ang aking kompanyon at ang kanyang patotoo nang gabing iyon. Matapos ang karanasang iyon nagpasiya ako na kahit limitado ang kakayahan kong magsalita ng Korean, sisikapin ko pa ring magpatotoo anuman ang mangyari. Nang gawin ko iyon, lalo kong nadama ang Espiritu. Natutuhan ko na nagaganap ang pinakamagagandang pakikipag-ugnayan kapag nagtuturo sa pamamagitan ng Espiritu.