Hinikayat ng mga Lider ang mga Miyembro na Pag-ugnayin ang Family History at Templo
Noong Oktubre 2012 naglabas ng isang liham ang Unang Panguluhan na nananawagan sa mga miyembro na gawan ng ordenansa sa templo ang sarili nilang pamilya at kamag-anak at inilalahad ang limang mahahalagang punto upang matulungan ang mga miyembro na lalo pang masiyahan sa paggawa ng family history at pagpunta sa templo.
Makatutugon ang mga miyembro sa panawagan na hanapin, ihanda, at ibigay ang mga pangalan sa templo sa pamamagitan ng paggamit ng mga tool at resources na iminumungkahi sa LDS.org at FamilySearch.org. Ang mga punto na inilahad sa liham ng Unang Panguluhan ay:
1. “Kapag nahanap ng mga miyembro ng Simbahan ang mga pangalan ng kanilang mga ninuno at dinala ang mga pangalang iyon sa templo para magawan ng mga ordenansa, lalo pang mapagaganda ang karanasan sa templo.”
Sinabi ni Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Anumang gawain na ginagawa ninyo sa loob ng templo ay hindi pagsasayang ng panahon, bagkus ang pagtanggap ng mga ordenansa para sa isa sa mga yumao ninyong ninuno ay lalong magpapabanal sa oras na ginugol sa templo at mas malalaking pagpapala ang matatanggap. Ipinahayag ng Unang Panguluhan, “Ang pinakamahalagang obligasyon natin ay hanapin at tukuyin ang sarili nating mga ninuno’” (“Ang Kagalakan ng Pagtubos ng mga Patay,” Liahona, Nob. 2012, 93–94).
Sa LDS.org, alamin pa kung bakit iniuutos sa atin na maghanda ng mga pangalan mula sa sarili nating pamilya na dadalhin sa templo sa pagklik sa Resources, Family History, at Bakit kailangang magsagawa tayo ng mga ordenansa sa templo para sa sarili nating mga ninuno? (ang video ay nasa ilalim ng Why Do We Do Family History Work?).
2. “Hinihikayat ang mga miyembrong limitado ang kakayahan sa pagsaliksik ng sariling family history na magsagawa ng mga ordenansa para sa mga pangalan na inilaan ng iba pang mga miyembro o ng templo.”
Maraming miyembro ng Simbahan ang malayo sa mga templo. Hinihikayat ng mga lider ng Simbahan ang mga miyembrong ito na gawin ang lahat ng kanilang makakaya. Ang mga miyembro na malayo sa templo ay makapagsasaliksik ng family history at maipagagawa sa iba ang mga ordenansa sa templo.
Maaaring nag-aatubili nang pumunta sa templo ang ibang mga miyembro dahil lahat ng pagsasaliksik at gawain sa family history na dapat gawin para sa kanilang mga ninuno ay nagawa na. Hinihikayat ang mga miyembrong ito na patuloy na magpunta sa templo, at mas mainam kung magdadala sila ng mga pangalan ng pamilya ng ibang mga miyembro.
Sa lds.org/temples, Find a Temple matutulungan kayo na maghanda sa susunod na pagpunta ninyo sa templo.
3. Ang mga kabataan at young single adult ay lalong hinihikayat “na gawan ng ordenansa sa templo ang sarili nilang kaanak o ang mga ninuno ng mga miyembro ng kanilang ward at stake.”
“Kayong mga kabataan, gusto ba ninyo ng isang tiyak na paraan para maalis ang impluwensya ng kaaway sa inyong buhay?” tanong ni Elder Scott. “Lubos na makibahagi sa paghahanap ng inyong mga ninuno, ihanda ang kanilang pangalan para sa mga sagradong ordenansa na maisasagawa sa templo, at magpunta sa templo para magsilbing proxy nila sa pagtanggap ng mga ordenansa ng binyag at kaloob na Espiritu Santo. Sa pagtanda ninyo, magagawa ninyong makibahagi sa pagtanggap ng iba pang mga ordenansa. Wala akong maisip na mas mainam na proteksyon laban sa impluwensya ng kaaway sa inyong buhay” (“Pagtubos sa mga Patay,” 94).
Sa bahaging Family History ng LDS.org, sa ilalim ng Getting Started, ay makikita rin ang limang hakbang sa paghahanda ng mga pangalan ng kaanak para sa templo.
4. Dapat tiyakin ng mga lider ng priesthood na lahat ng miyembro ay “natututuhan ang doktrina tungkol sa pagbaling ng kanilang mga puso sa kanilang mga ama at ang mga pagpapala sa pagpunta sa templo.”
Ang To Turn the Hearts ay isang gabay na mapagkukunan ng lider na inilaan bilang suplemento sa Handbook 2: Administering the Church upang tulungan ang mga lider ng priesthood sa ward at stake sa pagtulong sa mga miyembro sa kanilang mga responsibilidad na saliksikin ang kanilang yumaong kaanak at magsagawa ng nakapagliligtas na mga ordenansa sa templo para sa kanila. Kinapapalooban ito ng mga video na nagdodokumento kung paano ginamit ng ilang stake ang templo at gawain sa family history upang mapalakas ang bawat tao at pamilya.
Galugarin ang leader resources sa LDS.org sa pag-klik sa Resources, All Callings, Family History, at Leader Resources.
5. Yaong may “nakareserbang napakaraming pangalan ng mga kamag-anak [ay hinihikayat] na ibigay kaagad ang mga pangalang ito para maisagawa na ang kailangang mga ordenansa.”
Sa kasalukuyan may 12 milyong pangalan sa FamilySearch.org na inireserba ng mga miyembro ng pamilya na may layong isagawa mismo nila ang mga ordenansa para sa kanilang mga ninuno. Maraming pangalan, gayunpaman, ang ilang taon nang nakareserba.
“Maaaring hindi masyadong masaya ang [mga ninuno] kapag kailangan pang maghintay sila para maisagawa ang mga ordenansa para sa kanila,” sabi ni Elder Scott. “Hinihikayat namin kayong may maraming inireserbang pangalan na ipagawa ito sa iba para ang mga kamag-anak ninyo o ang mga miyembro ng ward at stake ay makatulong sa inyo sa pagkumpleto ng gawaing ito. Magagawa ninyo ito sa pagbibigay ng mga temple card sa mga miyembro ng ward at stake na handang tumulong o sa paggamit ng FamilySearch computer system upang direktang maisumite ang mga pangalan sa templo” (“Pagtubos sa mga Patay,” 94).
Sa bahaging Getting Started na binanggit sa itaas, sa ilalim ng I Want to Share Names with Others, mag-klik sa Watch Video, pagkatapos ay panoorin ang video na Releasing Names for Temple Work para sa impormasyon tungkol sa pagbabahagi ng mga nakaserbang pangalan.