Pinalalakas ng Ikapu ang Pananampalataya
Lourdes Soliz de Duran, Bolivia
Di-nagtagal matapos ang aming kasal, kaming mag-asawa ay lumipat sa malayong bayan sa silangang Bolivia kung saan kami lamang ang mga miyembro ng Simbahan. Ang asawa ko ay bagong miyembro, at gusto naming sundin ang lahat ng utos ng Panginoon.
Bawat buwan iniipon namin ang aming ikapu sa isang sobre hanggang sa maibigay namin ito sa aming bishop. Malakas ang pananalig ng aking asawa na kung susundin namin ang batas na ito, kami ay pagpapalain at poprotektahan.
Nakatira kami sa isang mainit, mahal, at hindi komportableng silid sa hotel habang naghahanap ng bahay na mauupahan. Maraming araw na walang nangyari sa aming paghahanap. Ang tanging nahanap namin ay isang bahay na maliit at maganda na ang may-ari ay nakatira sa ibang lungsod. Maraming tao ang gustong upahan ang bahay, pero hindi nila mahanap ang may-ari.
Isang umaga katatapos lang naming magdasal tungkol sa aming sitwasyon, isang binata ang kumatok sa aming pinto. Sinabi niyang bumalik ang may-ari para dumalaw sandali. Nagmamadaling umalis ang asawa ko para makausap siya habang patuloy akong nagdarasal na kami ang makaupa sa bahay. Pagbalik niya, ibinalita niya na sa amin ipauupa ng babae ang bahay sa napakamurang halaga. At natuwa pa kami dahil maayos at may mga kasangkapan na ang bahay. Noong panahong iyon, mayroon lang kaming dalawang malalaking kahon at maletang puno ng aming mga gamit.
Ang batas ng ikapu ay walang kinalaman sa pera kundi sa pananampalataya. Hindi malaki ang kita ng aking asawa, ngunit dahil tapat kami sa pagbabayad ng ikapu, pinagpala kami ng Panginoon na makahanap ng magandang bahay at matustusan ang aming sarili.