2013
Pagpapalaki ng Matatatag na Anak
Marso 2013


Pagpapalaki ng Matatatag na Anak

Ang kahusayan ng mga anak sa pagtugon sa mga paghihirap at pagsubok ay nakabatay nang malaki sa kung gaano sila kainam na natulungan ng kanilang mga magulang na magkaroon ng mga ugali at kakayahan na nagpapakita ng katatagan.

Ang buhay ay puno ng mga pagsubok. Sinabi ng Panginoon na pinili Niya tayo “sa hurno ng kadalamhatian” (Isaias 48:10), na tayo ay “[susubukan], maging gaya ni Abraham” (D at T 101:4), at ang paghihirap ay “magbibigay sa [atin] ng karanasan, at para sa [ating] ikabubuti” (D at T 122:7). Tila talagang nakakatakot ito. Maaaring isipin natin, maaari ba tayong maging masaya at payapa sa gitna ng mga pagsubok? Itinuturo sa atin ng mga banal na kasulatan na maaari tayong maging masaya at payapa (tingnan sa II Mga Taga Corinto 12:10; Sa Mga Hebreo 5:7–8; D at T 127:2).

Habang pinapayuhan ang mga missionary sa missionary training center (MTC) sa Provo, Utah, napansin ko na ang pinakadahilan ng problemang emosyonal ay kakulangan ng katatagan. Kapag ang isang matalino at maraming talentong missionary na walang anumang problemang emosyonal ay nahirapan, madalas iniisip ng mga lider ng priesthood kung bakit nagkagayon. Sa maraming pagkakataon, ito ay dahil sa hindi natutuhan ng missionary kung paano haraping mabuti ang mga hamon. Matutulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak na maiwasan ang gayong mga problema sa pamamagitan ng pagututro ng mga alituntuning nagpapaibayo ng katatagan.

Mga Ugaling Nagpapakita ng Katatagan

Ang orihinal na kahulugan ng salitang katatagan ay may kinalaman sa kakayahan ng isang bagay na manumbalik sa hugis nito o posisyon matapos mabaluktot, mabanat, o masiksik. Ngayon karaniwan nating ginagamit ang salita para ilarawan ang ating kakayahan na buong tatag na harapin ang paghihirap.

Dalawang bagay ang alam natin tungkol sa paghihirap at katatagan: Una, may “pagsalungat sa lahat ng bagay” (2 Nephi 2:11). Pangalawa, ang pagtatamo ng bagay na napakahalaga ay kadalasang nangangailangan ng malaking sakripisyo.

Habang nagiging matatag ang mga anak, nauunawaan at tinatanggap nila ang dalawang katotohanang ito. Nauunawaan nila na ang buhay ay puno ng hamon at palaging nagbabago, ngunit naniniwala sila na makakayanan nila ang mga hamon at pagbabagong iyon. Ang mga pagkakamali at kahinaan ay itinuturing nilang mga pagkakataon para matuto, at tinatanggap nila na maaaring mabigo muna bago magtagumpay.

Kapag nagiging matatag ang mga anak, naniniwala sila na maaari nilang maimpluwensyahan at makontrol ang mga mangyayari sa kanilang buhay sa pamamagitan ng pagsisikap, pag-iisip, kaalaman, at kasanayan. Dahil sa ganitong pag-uugali, nagtutuon sila sa kung ano ang maaari nilang magawa at hindi sa mga bagay na hindi nila magagawa.

Ang isa pang tanda ng katatagan ay nakikita nila ang dakilang layunin at kahulugan ng buhay at ng mga tao. Ang pagkakaroon ng layunin ay tutulong sa ating mga anak na huwag sumuko, sa kabila ng mga paghihirap at pamimilit na gawin ito. Kung nagiging mas matatag ang ating mga anak, magkakaroon sila ng mabubuting katangiang gagabay sa kanila: pag-ibig sa kapwa, kabaitan, integridad, katapatan, kasipagan, at pananampalataya sa Diyos. Aalamin nila ang mga nangyayari sa kanilang paligid at determinadong maninindigan sa mga pinahahalagahan sa halip na lumayo at hindi magpunyagi.

Itinuturo at binibigyang-diin ng ebanghelyo ang mga pinahahalagahan at pananaw na ito.

Pinahihina ang Katatagan ng Kagustuhang Maging Perpekto

Ang isang bagay na nakahahadlang sa pagkakaroon ng katatagan ay ang maling pagkaunawa sa kautusang magpakasakdal o maging perpekto (tingnan sa Mateo 5:48). Ang maling pagkaunawang ito ang karaniwang dahilan na nakita kong nagpapahina sa katatagan ng mga bagong missionary. Gusto nilang maging perpekto sa lahat ng bagay dahil mahal nila ang Ama sa Langit at si Jesucristo at ayaw nilang biguin Sila. Ngunit hindi nila nauunawaan na ang Panginoon ay gumagawa sa pamamagitan ng mahihina, at karaniwang mga tagapaglingkod (tingnan sa D at T 1:19–23) at na ang pagsisikap na maging perpekto ay hindi nangangahulugang hindi na tayo magkakamali, sa halip nagiging sakdal o lubos tayo sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Cristo kapag sinikap nating sundin Siya (tingnan sa Mateo 5:48).

Ang maling pagkaunawang ito ay maaari ding nagmula sa itinuturo ng lipunan sa ating mga kabataan: na ang kanilang kahalagahan ay batay sa kanilang talento at nagawa. Sa mga paaralan at komunidad, kung minsan sa simbahan o tahanan, nakikita ng kabataan na tinatanggap, hinahangaan, minamahal, at pinupuri ang mga kabataang tulad nila dahil sa pagiging mahusay sa isang bagay. Dahil diyan nagsusumigasig sila. Sa paggawa nila nito, natatakot silang mabigo at magkamali. Pinipili nila ang gagawin nila batay sa inaakala nilang mapagtatagumpayan nila. At ipinagpapaliban ito kapag hindi sila kumpiyansang magtatagumpay. Inaalala nila ang iisipin ng iba kung magkakamali sila. Takot sila na mapintasan. Inaakala nila na ang sukatan ng kanilang kahalagahan ay ang kanilang tagumpay. Ang pagiging perpekto nila ay hindi nakabubuti sa kanila, at pinahihina nito ang kanilang katatagan.

Halimbawa, dahil hindi makapipili ang mga missionary sa MTC ng gagawin nila o hindi gagawin bilang bahagi ng kanilang training, nagkakamali sila habang nag-aaral matuto ng bagong wika, nagtuturo ng mga konsepto ng ebanghelyo, at gumagawa ng iba pang mga gawain ng missionary. Nagagawa nila ang mga pagkakamaling ito sa harap ng mga estranghero, at kung hindi sila matatag, daramdamin nila ito at panghihinaan sila ng loob.

Pagtulong sa mga Anak na Maging Matatag

Kung gayon paano natin tutulungan ang ating mga anak na maging matatag? Ang ating Ama sa Langit ang huwaran natin. Malaki ang pagmamahal at paggalang Niya sa atin, kahit nagkakamali tayo. Ipinapaalala Niya sa atin ang ating kakayahan (tingnan sa Moises 1:39) at ating kahalagahan (tingnan sa D at T 18:10), dahil sa ating pagkatao bilang Kanyang mga anak. Binibigyan Niya tayo ng mga batas para malaman natin ang inaasahan Niya sa atin (tingnan sa D at T 107:84), tinutulutan tayong pumili (tingnan sa 2 Nephi 2:15–16), at iginagalang anuman ang piliin natin (tingnan sa D at T 130:20). Hinahayaan Niya na sa pagtuturo at tagubilin ay maitama ang mga pagkakamali (tingnan sa D at T 1:25–26) at sa pagsisisi at pagsasauli ay maitama ang kasalanan (tingnan sa D at T 1:27–28).

Narito ang ilang mungkahi kung paano natin maaaring isabuhay ang mga alituntuning ito sa ating tahanan:

  • Manalangin na maunawaan ang kalakasan ng inyong mga anak at kung paano sila tutulungan sa kanilang mga kahinaan.

  • Maging matiyaga at unawaing kailangan ng mga anak ang sapat na panahon para maging matatag.

  • Sikaping unawain na ang mga pagkakamali at kabiguan ay mga oportunidad para matuto.

  • Hayaang magsilbing aral ang likas at makatwirang ibinunga ng kanilang pasiya.

  • Igalang ang desisyon ng mga bata, kahit ang mali nilang pagpili ay humantong sa pagkawala ng mga pribilehiyo.

  • Iwasang kagalitan nang labis ang mga anak sa pagsuway nila sa mga utos.

  • Huwag hadlangan ang kanilang pagsisikap sa pamamagitan ng matinding pamimintas.

  • Sa halip na purihin ang nagawa, hikayatin at purihin sila sa kanilang pagsisikap.

  • “Purihin ang inyong mga anak kaysa itama sila. Purihin sila kahit sa pinakamaliit nilang nagawa” (President Ezra Taft Benson [1899–1994], “The Honored Place of Woman,” Ensign, Nob. 1981, 107).

Kapag mapanalangin nating ginawa ang mahirap na gawain ng pagkakaroon ng matatatag na anak, tayo ay gagabayan at bibigyang-inspirasyon ng Panginoon upang matulungan silang magkaroon ng emosyonal at espirituwal na lakas na maharap ang mga hamon ng buhay.

Paglalarawan nina Craig Dimond at Cody Bell