Binubuksan ng Ikapu ang mga Dungawan sa Langit
Jacqueline Kirbyson, England
Ilang taon na ang nakararaan nawalan ng trabaho ang aking asawa. Nahirapan kaming bayaran ang aming mga bayarin at bumili ng pagkain sa maliit na pensiyon na natatanggap ko, ngunit nakakaraos kami kahit paano.
Bagama’t pinapayagan niya akong magsimba, nalungkot ang asawa ko na nagbabayad ako ng ikapu gayong hirap na kami sa pagbabayad ng mga bayarin. Gayunpaman, nadama ko na dapat kong patuloy na sundin ang kautusang ito.
Bagama’t kaunti lang ang pera namin, may maliit kaming hardin. Nang dumating ang tagsibol, nagtanim kami ng mga karot, patatas, gisantes, kamatis, pulang sili, at herbs, at iba pang mga gulay. Namunga ang aming hardin sa buong tag-init, at umani kami nang sagana. Ang aming mga puno ng sirwelas [plum] ay halos mabali sa dami ng mga bunga. Ginugol ko ang tag-init sa paglalagay sa bote at sa freezer ng mga prutas at gulay, paggawa ng jam, paggawa ng pie, at pamimigay ng labis na inani sa mga kapitbahay.
Isang araw habang naglalakad ako sa maliit naming hardin, naalala ko ang pangako ng Diyos na Kanyang bubuksan ang mga dungawan sa langit at “ihuhulog ko sa inyo ang isang pagpapala, na walang sapat na silid na kalalagyan” (Malakias 3:10).
Naisip ko ang aking freezer na puno ng mga prutas at gulay, at natanto ko na talagang pinagpala kami ng Ama sa Langit. Ang maliit naming hardin ay nagkapaglaan ng sapat para may makain kami sa oras ng aming pangangailangan—sapat at may matitira pa. Nagpapasalamat ako na pinagpala kami ng Diyos sa pagsunod sa Kanyang mga kautusan.